Ulan sa Buwan ng Mayo

Yuco's picture
| | |

Lumuha ka kalangitan
Ibuhos malakas mong ulan
Nang sumaya lahat ng nilalang
Maibsan ang init na nararamdaman

Lumuha ka kalangitan
Ibuhos malakas mong ulan
Naghihintay ang karamihan
Magtatampisaw sa gitna ng daan.

Lumuha ka kalangitan
Ibuhos malakas mong ulan
Patugtugin ang mga bubungan
Gawing konsiyerto ang kapaligiran.

Lumuha ka kalangitan
Ibuhos malakas na ulan
Lupang uhaw sa luha mo
Alimuom ay magiging pabango.

YUCO

Alexander Dagrit's picture

<

Gamít na gamít na ang paksa ng tulang ito. Pinaluluha ang langit nang maibsan ang alinsangang pumapasò sa mga nilalang sa kalupaan.

Wala namang masagwa kung uulit-uliting kalakalin ang mga dati nang kinakalakal. Wala na kasing bagong paksa sa mundong ito. Lahat ng mga paksa ay kinaladkad na at pilit pa ring kinakaladkad.

Kayâ nga lamang, may kahinaan ang tula. Lumalabas kasing parang napakakaraniwan na nito, at tila wala nang sinasabing anumang bago.

Nasa pamagat ang kahinaang iyon. Sana, ang pamagat ay "Ulan sa Unang Araw ng Mayo".

Ano ba ang unang araw ng Mayo? Araw ng Paggawa, na kaakibat ng mga pakikibaka.

Ang ibig sabihin ng luha ng langit sa unang araw ng Mayo ay pagkilos para sa isang bagong himagsikan laban sa mga bulok na sistema ng lipunan. At ang paghihimagsik na iyon ay dapat gawin nang payapa:

Naghihintay ang karamihan

Magtatampisaw sa gitna ng daan.

Patugtugin ang mga bubungan

Gawing konsiyerto ang kapaligiran.

Mga imahen iyan ng isang payapang himagsikan. At ang himagsikan ay humihingi ng mga sakripisyo (alimuom ay magiging pabango) mula sa bawat isa. Mabaho ang alimuom, subalit ang kahulugan naman niyan ay "pabango" (ginhawa) mula sa "init na nararamdaman" (mga bulok na sistema ng lipunan).

Nasa pamagat ang karamdaman ng tula. Kung malulunasan mo pa iyan, mangingibabaw ang tulang ito sa mga tulang gasgas nang nagsusumamo ng mga butil ng ulan sa gitna ng nagliliyab na tag-araw.

 

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Ang Mga Tinig sa Tradisyonal, Moderno, at Postmodernong Panulaang Pilipino

Yuco's picture

 Sa totoo lang hindi ito

 Sa totoo lang hindi ito para sa araw ng paggawa, at kung magsusulat man ako hindi ganito kababaw… isa lamang itong ordinaryong tula na nagkataon naikabit ko sa extra ordinaryong buwan at araw - maaring ito nga ang isa sa naging kahinaan nito.
Ngunit dahil sa pagpupumilit mong isiksik ang mga inaayawan mong mga bagay-bagay at hindi ko maunawaan kung bakit at wala naman talaga sa konteksto ng tula nug ginawa ko ito, salamat at nagkakaroon ito ng kulay at buhay… yan siguro ang hiwaga ng tula.

Hindi ko propesyon ang pagsusulat, ni hindi ko alam kung ano ang luma sa bago, at kapo pas ako sa mga istilo, basta’t makabuluhan para sa akin at iyon ang “binubulong” ng diwa ko na magpapalutang sa diwa ko, isusulat ko ito. May kanya kanya tayong batayan, kung anong mababaw at kung anong makabuluhan at nirerespeto ko yan.

Salamat sa pagbasa at sa pagbigay ng interpretasyon…

 

 

http://ayawmatulog.blogspot.com/

Alexander Dagrit's picture

<

Wala rin akong sinasabi na tungkol sa araw ng paggawa ito.

Ang sabi ko, may kahinaan ang tula dahil gasgas na ang temang bitbit nito. Kaya, sabi ko palitan sana ang pamagat nang maiba naman ang tulang ito.

Halimbawa lamang iyon kung papaano maiiwasang maging gasgas na ang tulang ito.

Hindi ko sinabing tungkol na talaga ito sa araw ng paggawa.

Dahil gasgas na ang paksa ng tula, nagbigay ako ng isang halimbawa kung paano ito malulunasan.

Nakauunawa ka ba?

Sabi ko nga sa dulo ng komento:

Nasa pamagat ang karamdaman ng tula. Kung malulunasan mo pa iyan, mangingibabaw ang tulang ito sa mga tulang gasgas nang nagsusumamo ng mga butil ng ulan sa gitna ng nagliliyab na tag-araw.

Hindi nangangahulugan iyan na Araw na ng Paggawa ito. Nagbibigay lamang ako ng halimbawa, dahil nga sa KAGASGASAN na ng tulang ito.

...

Hindi naman porke nakasulat sa Bibliya na si Cristo ay muling magbabalik na parang magnanakaw, magnanakaw na si Cristo.

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Ang Mga Tinig sa Tradisyonal, Moderno, at Postmodernong Panulaang Pilipino

Similar entries