TUNGKOL SA MABIBIGAT NA BAGAY (tula ni Allanjohn Andres)

Allanjohn Andres's picture
|

-

May kanya-kanya tayong pamamaraan sa pagsukat
ng bigat. Mariing hatak ng grabedad na nagpapapirmi

sa ating pagtahak sa lupa: maaaring natutunan mo
na ang bigat ay mababaw na sugat sa talampakan

noong nagsisimula ka pa lang humakbang at gumala;
o kaya isang mapintog na bukol sa bumbunan

tuwing nauuntog sa mga ukol na hangganan;
galos sa paggalugad ng mga sutil na palad;

hampas ng sinturong nagpapanukala
sa mga batas at bilin na kinakailangang sundin

o ipagwalang-bahala. Katunayan, ang ating balat
ay talaan ng nagdaraang bigat. Ngunit dahil napupunit

ang sala-salansang kalyo gaya ng pagpapalit-pahina
ng kalendaryo, dahilan ito kaya malimit makaligtaan

ang palatandaang iniiwan ng bigat sa katawan. Sa pagtanda,
ang bigat ay inaanunsiyo ng di maiangat na talukap

tuwing haharap sa umaga. Mula unang salok ng tubig
hanggang huling kaskas ng sepilyo, mabigat ang antok

na matamlay nating kinakaladkad pababa ng hagdan, papasok-
palabas sa masikip na banyo. Mabigat ang mga daliring

umaapuhap sa di-mapagpantay na butas
at butones ng polo. Mabigat ang kapeng hindi nababawasan

ang labnaw sa nanlalamig na puswelo.
Mabigat ang lagitik ng sandali ngayong pare-pareho

tayong nagmamadali, ‘kamo’y huli ka na sa klase.
Sa labas ng bahay, mabigat ang tapak ng ulan

sa iyong payong at kapote. Nataong mabagal ang usad
ng ating sinasakyan, mabigat ang trapik ayon sa ulat

na ating dinatnan. Madalas naiisip ko kumbakit hindi gumagaan
ang mga bagay-bagay na dati nang pasan.

Mapapatingin ako sa iyo sa loob ng sasakyan,
malamang ginawa mo na namang sandalan ng ulo

ang nangangalay kong balikat at braso. Mapapangiti
na lamang ako. ‘Yan muna ang magagawa ko.

Pagdating sa eskuwela, ibabalik ko ang mabigat na bag
na ugali mong ipabitbit tuwing naglalakad. Hahangos ka

papunta sa mga kaibigan. Kakapain ko ang gusot na iniwan
ng iyong bag at ulo sa aking manggas at kuwelyo. Ganito

palagi ang tagpo: Ako, mag-isang nakatayo,
nagtataka kumbakit sa pagkakataong ito pa

madalas kong madama ang di mabuhat-buhat na bigat.


Allanjohn Andres's picture

-

mga boss, pa-extend muna ng expo nitong trabaho ko ha. tenkyu. tenkyu.

magsinoalvin's picture

ito ang 'TULA'. quality

ito ang 'TULA'.

quality work. Keep posting!

Allanjohn Andres's picture

;-)

Maraming salamat sa pagbabasa, Alvin.

magsinoalvin's picture

: - )

ako dapat magpasalamat sa pagpost mo nito.. hehe

 

Allanjohn Andres's picture

-

... Yan eh kung gusto mo talaga maniwalang nabubuhay ang mambabasa para sa manunulat, sa halip na ang kabaligtaran nito.

Haha, biro lang, Sir. Anu't anuman, heto ang tagay ko para sa iyo. At more power din sa iyong pagsusulat!

magsinoalvin's picture

alin ba ang dapat? kung ako

alin ba ang dapat?

kung ako tatanungin, ang isasagot ko rin e yung 'nabubuhay ang manunulat para sa mambabasa.

magsinoalvin's picture

nabasa ko lang ulit  yes!

nabasa ko lang ulit

 yes! binabawi ko na sinabi ko.. dapat na ''nabubuhay ang mambabasa para sa manunulat!"

Allanjohn Andres's picture

;-)

Salamat sa pagdalaw. Merry Christmas, Alvin.

magsinoalvin's picture

You're welcome! Merry

You're welcome! Merry Christmas din!