TULA #1 (ni Allanjohn Andres)

Allanjohn Andres's picture

-

Lalaging palaisipan kumbakit madalas nagwawakas sa sugat
ang laro ng mga bata. Ang lahat ay nag-uumpisa sa pagsasara

ng talukap. Ilalapat ko muna ang palad sa ibabaw ng mukha
saka bahagyang pipikit, pakikinggan ang pag-ihit

ng sariling hininga habang sinisipat mo isa-isa
kung may siwang bang nakalingid sa lambong ng palad

o kung naroroon pa ang mga guwang na sadya nating iniiwan
upang paglapat ng pitik ay kagyat nang maaninag

ang malabong hugis at anino na imumuwestra ng daliri.
Alam nating sa ganyang paraan madalas mangyari

ang pandaraya. Kabisado natin, palibhasa, ang pangamba
maging isang taya, ang paulit-ulit na pagtanggap ng trauma

ng ating kamay, hanggang maging balatkayo natin sa hinaharap
ang kalyo at ang mga peklat, hanggang ito ang ganap

nating maalala bilang mga itsura ng ating balat. Gayunman,
mas malimit ang saglit na atubili tayong magkandado ng mata

sa takot na sinuman ay baka makaramdam ng kapaguran,
magpasiyang tumalima sa tawag ng kanya-kanyang magulang,

saka tumungo sa lugar na alam nating hindi tayo masusundan.
Dahil dito kung kaya kahit kalkulado ko na ang estadistika

at kombinasyon ng gagawin mong pagtitipon-tipon
ng mga daliri, mas pinipipili kong ilahad sa iyo

ang mga hula na mali. Kahit matuklap ang aking balat
sa lagapak ng pitik, hindi ko pa rin ibibigay

ang sagot na nais mong marinig. Sa halip, tatanggapin ko
itong hapdi bilang sukli sa katiyakang naririyan ka lamang

at di pa umuuwi, upang muli’t muli maaari akong umasa
na sa pamamagitan ng dala-dala kong sakuna

ay maunawaan mo ang tungkol sa paghahambing at pag-iiba
ng mga sugat na ipinagmamalaki ko

at mga sugat na patuloy kong itatago sa iyo. Na itong una
ay ikaw sa ating dalawa ang mas mabilis makakakilala

sa pagsisiyasat sa aking balat, sa pagtuklas ng kasaysayang
matagal nang nasusulat sa wika ng mga pilat:

ang kartograpiya ng kalmot; ang kontinente ng pasa;
ang topograpiya ng kalat-kalat na galos;

ang karagatang lubhang umaalat sa luha
na sa ating pagkakadapa ay pareho nating binubuhos ---

Lahat ng iyan ay marangal kong itinatanghal sa iyo
bilang katibayan ng di ko pag-ayaw

sa larong ito. Samantala, ang mga sugat na patuloy
kong ikahihiya ay makikita mo lamang kung ikaw ang taya.

At ang lahat ay magtatapos sa pagsasara ng talukap,
sa pag-alala sa anumang malimit nating nalilimot

habang nakadilat: na ang lungkot na mayroon tayo
ay isa nga palang mundo, walang hangganan at walang dulo;

na ang ating himutok ay isang bundok, hindi mahuhukay
ng kahit na sino; na ang bitbit nating pag-iisa ay isang isla,

walang ligtas sa unos na nananalasa;
na ang ating pagkabalisa ay isang bansa,

impeksyong di mapigil sa paglawak ang teritoryo
ganitong hindi na kayang sakupin ng haplos

ang mga lapnos sa puso nating
nalulunod sa iba’t ibang pangalan ng bagyo.


Allanjohn Andres's picture

-

syempre, valentine's eh.