TODOS LOS SANTOS (ni Allanjohn Andres)

Allanjohn Andres's picture

-
Napakadaling isilid palayo sa isip
ang maraming bagay. Parang ganito:
kahit pa ulit-ulitin natin ang pagparito
sa pagbabaka-sakaling matunton
ang lihim na liko at lagusan
sa nilulumot na katakumbang inukit nating pareho
sa kailalim-laliman ng ating puso –
mangyari, bago pa man mapagtagpo
ang mga nilulubid na babala
upang magbigay-tanda sa bulwagan
na dati nang natuluyan, gayundin
sa mga silid na pakiwari natin
ay ngayon pa lang napuntahan,
malamang kapwa din tayo mawala
o di kaya’y mabulid sa pagkalibang
dahilan kaya hindi natin masumpungan
ang mga lingid na labasan
at palaging nalalampasan
kahit ang mararahang likuan
hanggang parehas tayong maubusan
ng paliwanag at pangalan
para sa uusbong na panibago
na namang kalituhan. O minsan,
sa mga umaga, pagkagaling mo
sa kinasanayang pamimitas
ng kung anupaman ang nalabi
mula sa pagtatapat na hindi mo nabigkas
noong nakaraang gabi, maingat
mong isasaayos ang mga salita
sang-ayon sa tingkad o dilim
ng bawat letra, tulad ng bulaklak
na masinsing isinasalansan
sa loob ng plorera. Ngunit sa halip
na iabot ang tungkos sa akin,
muli pipiliin mong itabi ang mga talulot
kung saan walang makakakita,
kung saan walang lapida at kandila
ang ibubuhos mong lungkot. Gabi-gabi
ay paulit-ulit tayong pumaparito
sa ating labirinto. Dinaratnan natin
ang mga dati-rati nang kalat: upos
ng sigarilyo, tiket sa bus, di natapos
na hapunan, bote ng serbesa, dawag
ng damuhang nagkukubli
sa kanya-kanya nating daan pauwi.
Gabi-gabi, paghimlay ng tagulaylay
na itinotono ng iyong mensahe
sa kabaong ng aking telepono,
batid ko na agad ang sinasaad nito:
na di mag-isang kinakabig ng mga nitso
palapit sa bawat isa ang isla-
isla nilang sikreto, sanhi kumbakit
kahit sa paglipas ng habampanahon,
ang malaking kontinenteng bato
ay hinding-hindi mabubuo. Wika mo,
dahil dito, kung kaya ang sandali
ay kailangang magtapos parati
sa ganito: Una akong lalabas ng pinto.
Isusukli mo ang ngiting taglay ang lamig
ng sambuong sementeryo
habang ang Langib na maiiwan
sa ating hangganan, tuwing pababa ako
sa matarik na hagdanan,
'kamo iyan ang pinakamagaspang
sa lahat ng dalampasigan;
at ang humihikab na Sugat
sa ating harap, iyan naman
ang pinakamalalim na dagat. Maliban
dito, ang iba pang bagay na nakakalat
sa ating pagitan
ay pawang mga bagay na,
bukas mismo nang umaga,
maaaring di na natin makilala.


hayop ang tulang to.

hayop ang tulang to. kumakalampag ang lirisismo. somehow, sa akin lang to, katunog ng tulang ito kung papaano magsulat si mikael co. :) 

Allanjohn Andres's picture

thanks

 

boss, aariin kong komplimento ang ganitong paghahambing, ha.  ;-)

maraming salamat uli.

Rom's picture

pangarap ko minsan mabigkas

pangarap ko minsan mabigkas ng malakas ang mga tula mo sa poetry reading :) ayos ang bagsak at emosyon.

 

KarikaTuura

Allanjohn Andres's picture

-

 

haha... walang kaso, sir. basta ba pahihiram mo rin sa akin 'yong piyesa mong "apokalipsis".

 

tenkyu, tenkyu  ;-)

 

 

galatea hopkirk's picture

kuya! kumusta ka na? sana

kuya! kumusta ka na? sana tanda niyo pa ako. hehe. 

matagal-tagal na ring hindi nkakasulat ng tula. 

buti muli akong nakabasa ng mga akda nyo. salamat!

 

-Galatea

Allanjohn Andres's picture

-

 

Elizabeth Barrett Browning moments, hehe...

 

musta... gradweyt ka na ba?

galatea hopkirk's picture

 haha. tanda pa rin talaga

 haha. tanda pa rin talaga eh. hindi pa kuya. next year pa. excited ka? hehe. joke lang. medyo stressed lang sa thesis at leadership. haha.

ikaw kuya? kumusta?

 

 -Galatea

Allanjohn Andres's picture

;-)

uuy, mga boss. ibahagi ko lang ito muli.
salamat sa pagpapaunlak.

Lemmor Setneuf's picture

Salamat sa muling

Salamat sa muling pagbabahagi ng isang magandang tula!

 

Happy Halloween! 

 

"Ang ating liwanag at muling lalamunin ng dilim na ating binasag!"