The Perfect Hero - Chapter 1: Overture

by RebelCrayon ( | | | | | | | | | )

 

Chapter 1: Overture

 

Mahirap mamuhay sa Pilipinas. Mahirap maging superhero. At lalong mas mahirap kung isa kang superhero sa Pilipinas.

Ako si Kiko; Francis Mars Hadrian Miranda – Marasigan sa tootong buhay. Pangalan ko pa lang artistahin na di ba? Pero sikreto lang natin ‘yon s’yempre. Isa iyan sa mga mahahalagang requirements para sa isang superhero… secret identity.

Para sa kabatiran ng sangkatauhan, hango ang pangalan kong Francis sa pangalan ni Francisco V. Coching at ang Mars naman ay kay Mars Ravelo, dalawa sa kinikilalang mga haligi ng industriya ng komiks sa Pilipinas. Masyado kasing panatiko si Nanay ng mga pinoy komiks nuong pinagbubuntis niya ako. Iyong Hadrian? Wala lang, naisip lang na idagdag ni Tatay para daw tunog emperador ng Roma ang dating.  

Si Superman ay si Clark Kent at isang reporter. Si Spider-Man ay si Peter Parker at isang photographer. At si Batman ay si Bruce Wayne at kilala naman bilang isang bilyonaryong henyo. Isa akong dating teacher, part-time writer, graphic artist at ngayon ay bokalista ng isang banda. O di ba, kung pahabaan din lang ng resume ang usapan eh di tayo patatalo sa kanila.

Sabi nila madalas daw na kung ano ‘yung gusto natin noong mga bata pa tayo ay nag-iiba pagsapit natin sa ilang punto ng buhay natin. Halimbawa na lang sa kung ano yung gusto nating trabaho paglaki natin. Kaya nga malaki ang respeto at paghanga ko sa mga tao na talagang pinanghawakan nila kung ano man yung mga sinasabi nilang pangarap nila nuong mga bata pa sila na siya pa rin nilang dinala at naabot hanggang sa tumanda sila.

Ikaw ano ba ang pangarap mo? Ano ba ang gusto mong maging trabaho balang-araw? Kapag tinatanong ako ng mga ganyang bagay nuong di pa ako nag-aaral isa lang ang sagot ko lagi. “Gusto kong maging architect.” Kahit na maski katiting ay wala akong ideya talaga kung ano man ‘yon. Siguro kasi mahilig lang talaga akong mag-drawing dati pa. At dahil na rin sa pangalang Hadrian na hango sa pangalan ng isang batikang emperador at arkitekto ng Roma. Pero sa isip ko madami pa akong gusto na may iba’t ibang kadahilanan.

Minsan gusto kong maging bumbero kasi parang ang saya na mag-spray ng tubig gamit ‘yung malaking hose. O kaya magtataho kasi ang cool tingnan kapag naglalagay s’ya ng sago sa baso (oo tama, ‘yun lang talaga ang dahilan ko). O kaya naman ay pulis kasi madalas ko mapanuod noon si FPJ.

Pero nabago lahat ‘yon nung minsan isang hapon, pinapatulog ako ng nanay ko gaya ng pinapagawa ng ibang magulang sa mga anak nila para daw tumangkad agad. Ewan ko kung totoo ‘yun o pang-uto lang kasi ang makatulog paniguradong may meryenda pagkagising. Tuwing hapon ganon ang pinapagawa sa kin. Kaso minsan pasaway talaga ako. Mas gusto kong maglaro. Kaya para mapakali ako, binibigyan ako ng nanay ko ng komiks para tingnan lang ang mga larawan doon. Di pa ako marunong magbasa noon pero parang naiintindihan ko na yung kwento kahit papaano. Ang saya ko kada makakakita ako ng kotse o helicopter sa mga larawan sa komiks at lalong-lalo na ng mga taong naka-kapa at maskara at may mga kakaibang kapangyarihan… mga superhero.

Isa ‘yon sa dahilan kung kaya noong magkinder ako ay atat na atat na talaga akong matutong magbasa. Kaya noong nag-aaral na ako ng elementary iba na ang sagot ko. “Gusto kong maging writer o kaya artist sa komiks.” Dati talagang tinitipid ko pa ang baon ko may pang-arkila lang ng komiks.

Sampung piso lang ang baon ko maghapon. Kalahati lang lagi ang ginagastos ko at ‘yung kalahati ay kung di ko ibinibili ng mga teks at trading cards, pinanglalaro ng video games eh pinang-aarkila ko ng komiks.

Buong buhay-elementary ko sa komiks at superheroes lang umiikot. Marami akong pinaghuhugutan ng impluwensya at inspirasyon… halong local at foreign. And’yan s’yempre si Superman, Batman at ang buong Superfriends, si Spider-man at ang X-Men, mga Super Sentai (sentai, hindi hentai) gaya ng Bioman at Maskman, metalheroes gaya ni Shaider, Ninja Turtles, Ghostbusters at iba pang mga cartoons at anime.

Sa local naman, di mawawala sa listahan ko sina Combartron, Istarkid, Jonax at Force 1 Animax ng Funny Komiks at s’yempre si Biotrog ng Kick Fighter Komiks. Isama mo pa d’yan sina Panday, Captain Barbell, Darna, Super 1-2-3, Kabayo Kids at Batang-X.

Gumagawa ako ng sarili kong komiks gamit ang mga bond paper na tiniklop sa gitna. Nagdidisenyo ako ng mga sarili kong characters at binibigyan sila ng sari-saring pangalan na ayoko na lang banggitin sa sobrang kahihiyan. May mga pagkakataon pa nga na pinaparentahan ko sa mga kalaro ko yung mga komiks na ginagawa ko. O kaya naman gagawa ako ng kwento na ang mga kalaro ko ang characters pagkatapos ay pipilitin ko silang bilhin ‘yon sa akin kasi balang-araw ay maging collectors’ items ‘yon kasi sisikat ako (nang mga panahong iyon ako lang yata ang nakakaalam ng terminong “collectors’ item” sa amin.). Marami rin namang kumagat sa sales talk ko pero mas marami ang nabwisit lang sa ‘kin kasi di daw nila kamukha yung mga drawings ko.

At ang pinaka-matindi sa lahat, gumawa pa talaga ako ng costume. Grade 2 ata ako noon. Maskara na gawa sa lumang t-shirt na may disenyo ng sapot gamit ang itim na Pentel pen na mala-Spider-Man, t-shirt na may logo ng GE, asul na boots na nahalungkat ko lang sa mga lumang gamit ng kapit-bahay namin at tuwalya na may mukha ni Hello Kitty bilang kapa at isang kulay orange na brief. Kayo na lang ang mag-imagine ng itsura n’ya.

Sa mga puntong iyon nabuo talaga sa isip ko, gusto kong maging comic book writer at artist balang araw. Pero minsan mapaglaro talaga ang tadhana, malay ko ba naman na wala sa mga “normal” kong pangarap ang matutupad. Kung alin pa yung talagang imposibleng mangyari, ‘yun pa talaga ang nagkatotoo.