The Perfect Hero - Prologue: Destiny is Calling

RebelCrayon's picture
| | | | | | |

 

Prologue: Destiny is Calling

 

Naniniwala ka ba sa destiny?

Minsan nariyan lang daw s’ya, kumakatok sa mga pintuan natin. Naririnig mo ba ang pagtawag n’ya? Minsan naman ay bigla ka na lang n’yang gugulatin. Parang lindol na walang babala; bigla na lang dadating kung kailan di ka handa. Destiny nga ba o napagtri-tripan ka lang ng universe?

Ang bawat tao daw ay may kanya-kanyang tadhana na nakalaan. Tadhana kung sino ang makakasama mo habang-buhay. Saan ka mag-aaral o makakatagpo ng trabaho. Sino-sino ang mga taong magiging bahagi ng buhay mo.

Tuyo ang ulam mo sa agahan? Destiny mo ‘yan. Kaya wala kang magagawa.

Pero wala nga ba? Naiba ang ulam mo kinabukasan, sa halip na tuyo ay pritong itlog naman. Naiba dahil may ginawa ka. Nag-effort ka na baguhin ang ulam na itinadhana sa’yo.

Maaari nga ba nating baguhin ang nakatadhana? Mababago nga ba natin o nagkataon lang na nangyayari ang mga bagay na gusto nating mangyari?

Posible nga kaya na baluktutin ang nakatadhana at i-ayon ito sa mga kagustuhan natin? Di ko alam, minsan may mga tanong talaga na nakatadhanang maging mailap ang kasagutan.

Ako, ito na yata talaga ang tadhana ko…

 

---

 

Nararamdaman ko ang init ng bawat buga ng kanyang hininga sa aking mukha. Bahagya akong nasisilaw sa kislap ng ginintuang kulay ng kumikinang niyang duguang mukha. Unti-unting kumakawala ang ulirat ko sa bawat paghigpit ng hawak niya ng malamig niyang kamay sa leeg ko.

Hindi ko maramdaman ang lupa sa talampakan ng aking mga paa. Sa halip ay ang lamig ng pader ng simbahan na aking sinsandalan ang nanunuot sa bawat buto ko.

Saksi ang mga piping rebulto ng mga anghel at santo sa lahat ng nagaganap. Nakakabingi ang bawat halakhak niya. Nanunuot sa kasuluksulukan ng utak ko. Bawat patak ng dugo ko ay dumadagdag sa hapdi na unti-unting nagpapabagal sa tibok ng puso ko.

Dito na ba matatapos ang lahat? Paano nangyari na ang isang bagay na bago pa lang nagsisimula ay matatapos agad sa ganitong paraan? Kung kailan pa handa na akong yakapin ang buhay na inilatag ng aking tadhana…

Hay… tadhana…

Ang drama ko di ba? Pero kahit siguro kayo ang mapasok sa sitwasyon na gaya nang sa akin, kung anu-anong bagay din ang papasok sa isip n’yo. Magulo, masalimuot at di kapani-paniwalang mga pangyayari. Mga bagay na kadalasan ay sa TV, pelikula at komiks mo lang makikita.

Pero totoong buhay ito. At ito ang buhay ko.

Dito nagsimula ang lahat.”

Masyado nang palasak ang mga ganyang linya; sa pelikula man o mga kuwento sa libro at komiks. Maski sa totoong buhay ay may mga istorya tayo na masasabi nating doon nagsimula ang lahat ng kung ano, sino, kailan, saan at paano tayo ngayon. Isama mo na rin ang bakit.

Ewan ko ba. Pero sa lahat ng mga nabanggit, minsan ang huli yata ang pinakamahirap sagutin. Bakit nga ba? Bakit hindi? Bakit oo? Bakit?

Bawat tao mula nang isilang siya hanggang sa malagutan siya ng hininga, maraming bagay na mararanasan at mapagdadaanan. May mga sandali sa buhay natin na masasabi nating iyon ang naging simula o basehan ng kung ano at sino tayo sa ngayon. Iyong punto na masasabi nating doon nagsimula ang lahat… defining moment ng buhay natin kumbaga.

Defining moments ba? Marami tayong pwedeng ituring na ganyan. Unang araw sa eskwelahan, unang graduation, unang cutting class, unang tikim ng alak, unang ligaw, unang basted, unang girlfriend, unang halik at lahat na ng una. Pero syempre case to case basis kung ano ang masasabi nating defining moment sa mga buhay natin. Maaaring mababaw sa pananaw ng iba. O kung minsan naman ay masyadong mabigat para sa kanila. Pero ang sigurado, darating sa punto ng mga buhay natin ang mga defining moments na ‘yon.

Sa kabilang banda naman, may mga sandali rin sa buhay natin na masasabi nating “eto na ‘yon!” Ang pinaka kasukdulan o kadalasan ay nagbabadya ng katapusan ng mga kuwento natin o isang phase ng buhay natin. Iyon bang tipong susundan na ng “and they lived happily ever after!” Napakalaking kalokohan ‘yon.

Hindi naman lahat ng kuwento masaya ang katapusan. Kahit na minsan na masarap paniwalaan si Patrick Starfish sa sinabi niya na lahat ng kuwento ay natatapos na masaya at kapag hindi pa masaya, hindi pa iyon katapusan. Ang husay di ba?

“Dito nagsimula ang lahat” at “ito na ‘yon”, dalawang importanteng punto sa mga buhay natin. Pero paano kung ang “dito nagsimula ang lahat” ay siya ring “eto na ‘yon” ng buhay mo? Iyong tipong ang defining moment ng buhay mo ay siya ring ending ng buhay mo. Ang saklap lang di ba?

Para sa kwento ko… ito na nga siguro ‘yon.

Ito ang aking tadhana. Dito magtatapos ang aking kuwento.

 

RebelCrayon

Similar entries