Tara, Tuloy Ka (Pagsusuri ng Dulang Ismail at Isabel ng PETA)

alvinringgo's picture
| | |
Ismail at Isabel (play)
Playwright: Rody Vera Director: Maribel Legarda
Philippine Educational Theater Asociation
2009
http://www.spot.ph/2009/07/23/ismail-at-isabel/

 

“Isang kasawian ang maging bulag ngunit higit na kasawian ang magkaroon ng mga mata ngunit hindi makakita.” - Helen Keller

Kaligirang Kuwento

Naging tradisyon na sa pinagtuturuan kong hayskul na eksklusibo sa mga babae ang magpapanood ng isang pagtatanghal panteyatro taun-taon bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Tulad sa mga nakalipas na taon, isang dula ang ipinamalas namin sa kanila – ang Ismail at Isabel, na hain ng PETA para sa buwan ng Agosto. Dahil subok na namin ang kalidad ng naturang kumpanya – kabuluhan ng kuwento, galing ng mga artista, pagkamalikhain ng entablado at set, husay ng pagtitimpla ng ilaw at musika, aliw ng awit at sayaw, natatanging bisa – hindi naging mahirap para sa aming muling ibigay sa PETA ang bid ng panonooring dula mula sa di-iilang produksyong naghain sa amin ng kani-kanyang alok. Agosto 28 ang ibinigay sa aming petsa, ang unang pagpapalabas ng dula. Makaraang matiyak na bawat isang mag-aaral at kasamahang guro’y panatag nang nakaupo, sa bayad mang silya o bakanteng baitang ng hagdan, tinunghayan na namin ang dulang inakda ni Rody Vera at idinerehe ni Maribel Legarda.

Ang Ismail at Isabel ay sumesentro sa magkaibigang sina Ismail, isang Muslim at Isabel, isang Kristiyano at kung paano hinabi, pinatid at muling pinagdugtong ng magkaiba nilang mga pananampalataya ang kanilang pamumuhay at pagkakaibigan, at ng mga tao sa kanilang paligid. Nagsimula ang dula sa isang lugar sa Mindanao na kung tawagin ay Dilangawen, isang pook kung saan payapang namumuhay ang mga pamilyang Kristiyano at Muslim. Bagamat si Kristo ang sinasamba ng isa at ang isa nama’y si Allah, hindi ito nagiging ugat ng pagtatalo sa mga pamilya dahil naggagalangan ang mag-aasawa sa kani-kanyang paniniwala. Magkakabuklod din ang mga bata’t masayang naglalaro kahit ang isa’y kumakain ng baboy habang ang isa’y nagtatakwil dito dahil isinilang sila sa lipunang di-nagtatangi kung sino ang “Christian” at kung sino ang “Muslim”. Gayunpaman, hindi rin nagtagal ang payapang pamumuhay ng mga mamamayan ng Dilangawen dahil naipit sila sa maalamat na pagtatalo ng mga rebeldeng Moro at sundalong Kristiyano. Nang manindigan ang mga pamilya sa pagpapatuloy ng normal na pamumuhay kaysa pagpili ng anumang alyansa, naipit sila sa panununog ng kabahayan, panonortyur at pagpatay, na mga paraan ng mga rebelde’t sundalo upang puksain ang isa’t isa. Naiwan sina Ismail at Isabel sa gitna ng pagkalipol na ito ng kanilang payapang eksistensya. Sumibol din ang paninisi sa mga isip nilang dating walang malisya at nasubok ang tibay ng kanilang pagkakaibigan. Mula sa mga labi ng kanilang dating maayos na komunidad, kung saan-saan na dinala sina Ismail at Isabel ng pangangailangang mabuhay. Nariyang mapadpad sila sa Maynila at maging laman ng lansangan; magkahiwalay ang kanilang landas dahil sa pagnanais ng isang mahanap ang kanyang sarili; maging tindero si Ismail ng mga piniratang DVD at kalauna’y ma-recruit bilang bantay ng mga kidnaper; makuha si Isabel bilang yaya ng isang paslit na laki sa layaw; at muling pagtagpuin ang kanilang landas ng isang krimen kung saan biktima si Isabel habang katulong na salarin naman si Ismail. Nagtapos ang dula, na hitik sa kuwento, aral, kulay, galaw at musika, sa pagnanais nina Ismail at Isabel na muling buhayin ang Dilangawen – hindi man bilang isang dating komunidad kung saan payapang namumuhay ang mga Muslim at Kristiyano – kundi sa pagpapatuloy sa buhay at pag-iingat ng mga kuwento nito sa kanilang mga puso. Sa huli, “kinatok” nila ang diwa’t damdamin ng mga manonood at nagbigay sila ng pahiwatig na hamon na sana, lahat ay “nag-iisip”.

Bukod sa aktuwal na kuwento ng dula, ginamit ding simbolikal na instrumento sa pagpapahiwatig ng mga haraya sa diwa ng mga taga-Dilangawen, sa kabila ng mararahas at mapapait na realidad na sumasakmal sa kanila, ang mga katutubong kuwento at alamat na inilahad sa paraang maaksyon at makulay. Ilan sa mga ito ang mito ng pagkakalalang ng tao na isinasalaysay ang kulay na hatid ng tiyak na yugto sa araw kung kailan lumalang ang Maykapal  – puti sa mga taong ginawa sa umaga, kayumanggi sa mga nililok sa tanghali at itim naman sa mga nilikha sa gabi; ang alamat ng pagiging sultan ni Pilandok, kung saan, namatay ang masamang sultan matapos itong linlangin ni Pilandok na magpakulong at magpatapon sa ilalim ng dagat sapagkat mayroon doong mayamang kaharian kaya siya nakahalili sa trono; ang kuwento ng mayamang prinsipe at magsasakang may sako na ang panlalamang ng una’y naging sanhi ng mas malalim pang hidwaan ng dalawa; at ang istorya ng lalaking ginantimpalaan dahil sa pagtulong niya sa mga nangangailangan, kahit mismong pamilya niya ang mawalan at siya’y mapaglalangan na ng kanyang mga kapwa. Hindi lamang lalong pinayaman ng mga kuwentong ito ang istorya ng dula at pinahitik ito sa mga aral kundi pinalalim din nito ang kamalayan at pagpapahalaga ng mga manonood sa mga katutubong panitikan ng ating lahi, na ang iba’y ni hindi batid na mayroon pala. Kahit mabilis lamang ang pagbabalik-tanaw sa nasabing mga literatura, pinukaw pa rin ng mga ito ang likas na sensibilidad ng mga manonood para sa kanilang sariling kultura at nahamon silang bumalikat ng pananagutan upang mapayaman o mapanatili ito.

Pagsipat sa Pisikal at Teknikal na Aspekto

Isa sa mga unang tagpong tatambad sa mga tumutunghay sa dula ang pagpasok ng mga batang-lansangan mula mismo sa audience entrance at paglapit ng mga ito sa mga manonood para aktuwal na mamalimos. May mga gula-gulanit ang suot, may gulu-gulo ang buhok, may mga nagkalat ang grasa sa katawan, may mga naghihingutuhan, may mga kumakanta, sumasayaw o nagtatambol para limusan, may nagmamakaawang bigyan kahit pangkain lang, may nagagalit dahil pinagdamutan. Sa isip ko, batid kong palabas lang ang lahat, na isa itong estratehiya ng dula upang makapagtaguyod ng rapport sa mga manonood at mas mabisang maisangkot sila. Ngunit kahit nakokontrol ng konsyus kong diwa ang dapat kong ikilos at sabihin, may bahagi pa rin ng subkonsyus kong naaapektuhan. Nangangamba ako dahil baka magwala ang mga gumaganap na pulubi kapag nagbingi-bingihan ako sa pakiusap nila; nag-aalala ako dahil baka duruin ako ng isa at ipamukhang walang puso tulad ng birong ginawa sa isang manonood; natatakot ako dahil magaspang ang ugali ng mga batang-lansangan at baka manakit sila o mang-agaw ng mga gamit. Inoobserbahan ko rin noon ang reaksyon ng mga kapwa ko guro’t mag-aaral at karamihan sa kanila’y naapektuhan din – mas hayagan nga lamang, dahil talagang nagbigay sila ng barya sa mga umaarte lang namang pulubi. Ipinasok ng dula sa tanghalan ang isang pamilyar na tagpo sa labas na karaniwan nating iniiwasan. Ipinamukha’t isinangkot tayo nito sa isang realidad na marami sa atin ang nagbubulag-bulagan, likas man sa ating pagkatao o tahasan nating ginagawa, sa isang bulwagang nakapinid ang mga pinto at nahahanggaan ng mga pader kaya’t hindi matatakasan. Masasabi kong mabisa ang paraang ito na ginamit dahil “naapektuhan” nito ang mga manonood. Nailagay nito ang audience sa tiyak na sitwasyon ng mga karakter at naitaguyod sa kanila ang mga puhunang damdamin na kalauna’y magpapanuot sa kanila ng kuwento at mag-uudyok sa kanilang kumilos.

Bukod sa makatotohanang pagpinta ng dungis ng lansangan, isa pang patunay sa husay ng mga artista sa pag-arte ang pagganap nila ng iba’t ibang papel at pagpapanatili ng natatanging pagkakakilanlan ng bawat karakter na ito, gamit ng mga simpleng galaw lang. Ang isang babaeng artista, halimbawa, ay hindi lang gumanap na pulubi sa lansangan; naging ina rin siya, naging taong nililok ng Maykapal, naging taong humihingi ng tulong sa isang mabuting ginoo, naging taong-lansangang nakikipag-agawan sa espasyo, naging parokyanong nagambala sa pagdarasal sa simbahan, naging prinsesang Muslim, at sa huli’y bumalik sa karakter na kanyang pinagmulan. Ginawa niya ang lahat ng ito, gayundin ang iba pang artista, sa simpleng pagbabago ng kanyang pagkilos at pananalita. Malikhain ang pagpapalit ng mga karakter; simple’t di namamalayan ang kilos ngunit kapani-paniwala ang pagkakaiba-iba, kahit iisang katawang-lupa lang ang gumaganap ng lahat ng ito. Nakumbinsi rin ako ng dalawang pangunahing tauhang sina Ismail at Isabel sa kamusmusan ng kanilang mga papel na ginampanan at nawaglit sa isip kong halos katulad ko lamang sila ng gulang, sa totoong buhay. Makikita rin sa pag-usad ng dula ang transisyon ng kanilang mga karakter mula sa mga musmos na paslit na masayang naglalaro’t nagkukuwentuhan tungo sa mga taong ninakaw ng mapapait na realidad ang kabataan at bumabalikat na ng mga seryosong tungkulin mabuhay lang. Nakamamangha rin sapagkat bukod sa pag-arte, karagdagan ding tungkulin ng mga artista ang umawit at sumayaw, na pawang napanindigan nila hanggang sa dulo ng pagtatanghal. Mainam naman sa pandinig ang tinig ng karamihan sa mga artista, bagamat may ilang lubhang matinis ang boses o di kaya’y kababakasan na ng pagod. Nagawa rin nilang maisalin sa mga manonood ang kuwento ng kanilang awit at ang damdaming nakapaloob dito. Malilikhain din ang mga kilos at galaw na swabeng ineksekyut ng mga artista na lalong nagpalalim sa kahulugan at nagpasining sa kuwentong kanilang isinasalaysay o kinapapalooban. Dahil sa husay ng pagganap ng mga artista, nabatobalani nila ang mga manonood sa kanilang kuwento at nagawang madali para sa kanilang tumugon – humalakhak sa mga simpleng sundot ng pagpapatawa, umiyak o maawa sa mga nakalulungkot na trahedya, makisabay sa pag-awit, makiindak sa mga galaw at pumalakpak o humiyaw sa mga tagpong nakadadala.

Napagsanib ng set ang kasiningan at pagtitipid. Halos tatlong kasangkapan lamang ang matatagpuan sa entablado – ang puno, ang istrukturang hugis arko na may puting iskrin sa gitna at ang mga itim na kahong may iba’t ibang gamit – ngunit bawat isa sa mga ito’y may natatanging papel sa dula at sulit na sulit. Walang kasangkapan o props na inilagay para pumuno lang ng espasyo o may madapuan lang ang mga mata ng mga manonood. Dahil nakapuwesto sa gilid at nasisinagan ng matitingkad na ilaw ng teyatro, hindi agad mapapansing ang puno pa lang ginamit ay nahihiyasan ng maraming tsinelas na may iba’t ibang kulay na kung susundan ang yapak ay pataas. Sagisag ito ng makulay na paglalakbay na ginagawa natin sa buhay at ng pagnanasang maabot ng bawat isa ang isang mabuting kalagayan. Ginagamit naman ang iskrin sa pagpapalabas ng mga karilyo, na nagbibigay ng biswal na interpretasyon sa mga kuwentong inilalahad. Gamit din itong silhouette upang ikubli ang mararahas na tagpong hindi maaaring ipakita nang hayagan sa mga batang manonood, tulad ng panununog ng kabahayan at pananakit ng mga sundalong Kristiyano at rebeldeng Muslim sa mga inosenteng mamamayan kapag sinisiyasat nila ang mga ito. Bagamat sinadya para sa praktikal na gamit, maaari ring kumatawan ang puting kulay ng iskrin sa malinis na pag-iisip ng mga mamamayan, lalo na ng kabataan, na hindi pa nalalason ng panghuhusag’t pagbubukod sa mga taong kaiba nila ng pananampalataya. Ang mga itim na kahon nama’y tiyak ang pagkakayari, walang nakatagong bahagi ang mga ito na maaaring ilabas o mga nakalabas na estrukturang maaaring itago, ngunit sa pagbabagu-bago ng puwesto, gaya ng pagdidikit-dikit o pagpapatung-patong o pagtihaya o pagtaob, iba’t ibang lugar ang nabubuo – may mga tahanan ng magkakabuklod na pamilyang Kristiyano’t Muslim, may palasyo ng isang sultan, may plasang tulugan ng mga batang-lansangan, may tindahan ng mga piniratang DVD, may malaking bahay ng isang pamilyang mayaman, may hide-out ng mga kidnaper, at iba pa. Mahusay rin ang paglalapat ng mga ilaw dahil umaayon ang mga ito sa damdaming taglay ng isang tiyak na tagpo.

Makabuluhan din ang pagsasaliw ng musika, magkatulad na titik at himig, sapagkat bukod sa nagtataglay ito ng natatanging kuwento ukol sa mga istoryang isinasalaysay ng mga tauhan o isang pangyayaring nagaganap sa kanilang buhay, magaan ding dalhin ang mga awitin na sadyang akma sa target audience na kabataan. Malakas ang recall ng mga awitin, nakaiindak at nagpapatingkad ng pagpapahalaga sa katutubong tugtugin, lalo na iyong mga musikang etniko. Gayunpaman, di maiiwasan sa isang pagtatanghal na namumuhunan ng teknolohiya ang ilang teknikal na problema, gaya ng lapel ng mga artista na hindi konsistent ang pagsagap ng tunog kaya’t paminsan-minsa’y humihina ang kanilang tinig. Mabuti na lamang at malakas ang tapon ng kanilang boses at gumagana ang mga nakabiting mikropono kaya’t umaabot pa rin ang tinig nila sa kabuuan ng bulwagan. Makatotohanan at matalino rin ang pagkakayari ng mga kasuotan. Makatotohanan sapagkat sinasalamin talaga ng kostyum na suot ng mga tauhan ang bawat karakter na ginagagad nila sa realidad, na lalong nagpadali sa mga manonood na paniwalaan ang mga ito – telang marungis at gula-gulanit sa mga pulubi, payak na pambahay sa mga pamilya, fatigues sa mga militar, marangyang kasuotan sa sultan at prinsipe, uniporme sa katulong, pambatang pang-alis sa batang spoiled brat. Matalino naman sapagkat hindi man lahat ng kasuotang ginamit ay awtentiko, nagawan naman ng improbisasyon ang mga ito para maging katulad ng orihinal, gaya ng pandong ng mga rebelde na yari lamang sa kung anong telang ibinalabal sa kanilang ulo. Nagagawa rin ng mga artistang magpalit ng katauhan sa simpleng pagpaling sa kanan o kaliwa ng telang suot nila o pagtutupi nito o pagbabayubay sa iba pang bahagi ng katawan. Panghuli, makakatotohanan at masining din ang mga props na ginamit. Naibigay ng produksyon ang kagamitang lalong magpapatotoo sa mga tagpo, mula sa mga piniratang DVD na tinda ng mga nasa lansangan hanggang sa mga basyong latang ipinananambol ng mga pulubi. Sa mga pagkakataong hindi posible ang mga ito, lumikha sila ng malikhaing kahalili, gaya ng mga laruang sasakyang kapag itinulak at itinapat sa liwanag ay magbubunga ng mga aninong kasukat ng orihinal na behikulong kinakatawan ng mga ito at ng mga riple ng mga sundalong yari lang sa kahoy na nililukan ng kahawig na disenyo.

Pagsusuri sa Kuwento at mga Isyung Binuksan

Ang Ismail at Isabel ay tulad ng pelikulang “Himala” ni Ishmael Bernal na umiikot sa isang pangunahing kuwento (ang pagkakita raw ni Elsa sa Mahal na Birhen at panggagamot niya) ngunit tumatalakay ng iba pang paksang may sariling kuwento (kahirapan, prostistusyon, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, paniniwala sa mga pamahiin, at iba pa). Ang pangunahing kuwento ng dula ay ang pagkakaibigan ng Muslim na si Ismail at ng Kristiyanong si Isabel at kung paano ito sinulit ng mga pagsubok na dumating sa kanilang buhay. Ngunit sa pagdaloy ng dula, nagluwal ito ng iba pang isyu at mas maliliit na kuwentong binigyan nito ng sariling tuon.

Una na rito ang kaguluhan sa Mindanao. Tinangka kong saliksikin ngunit hindi ako nagtagumpay na matiyak kung may katotohanang pinagbatayan ang sumulat ng dula sa kuwentong kanyang hinabi. Hindi ko nagawang alamin kung aktuwal ba siyang bumabad sa isang lugar sa Mindanao na lipos ng kaguluhan o may nakapanayam siyang pamilyang Kristiyano’t Muslim na naitaboy ng karahasan o nagsagawa siya ng malalimang pananaliksik tungkol sa naturang isyu upang mabigyan ng matibay at makatotohanang pundasyon ang kanyang nilikhang istorya. Anu’t ano man, ang mahalaga’y nakapagbigay si Vera ng isang magandang larawan ng payapang ko-eksistensya ng mga Kristiyano’t Muslim na kaiba sa karaniwang tagpong alam natin, gaya ng isang Muslim na pinaghihinalaang terorista o Kristiyanong natatakot kapag may Muslim na nakikita. Tumaliwas ang dula sa mga istiryotipong nakalimbag na sa kamalayan ng marami sa atin na ang mga Muslim ay mga potensyal na terorista, na kasamahan nila ang mga Abu Sayyaf, na sila’y talamak na nagbebenta ng mga pirata o kapag pumasok sa mga lugar na pinamumutaktihan nila, gaya ng Quiapo’y hindi na makakalabas ng buhay. Isinantabi rin nito ang karaniwang larawan ng mga Kristiyano na sila ang laging target ng pangingidnap at panununog na ginagawa ng mga rebeldeng Muslim sa Mindanao at sila lamang ang nasa panig ng kabutihan at katarungan dahil sa Hesus na sinasamba nila. Sa halip, nagbigay ang dula ng teorya na posible, hindi lang ang simpleng pagsasama ng mga Kristiyano’t Muslim, kundi ang kanila ring pag-aasawa at pagbuo ng sariling pamilya nang hindi napag-uusapan ang relihiyon at nasasaluhan ang isa’t isa sa kani-kanyang mga paniniwala. Iginuhit din ng kuwento kung paano sinisira ng pagpupuksaan ng mga rebeldeng nag-aasam ng sariling pamamahala at ng mga sundalong itinalaga upang labanan sila ang tahimik na pamumuhay ng mga Kristiyano’t Muslim. Pinapipili ng mga rebelde at sundalo ang magkakabuklod na Kristiyano’t Muslim ng panig na dapat nilang samahan ngunit anuman ang piliin ng mga mamamayan – kanan man, kaliwa o gitna, kapahamakan din ang naghihintay sa kanila, dulot man ng kalabang puwersa o ng magkabilang panig na walang alinman ang binalikatan. Dahil dito, napipilitan ang mga mamamayan na lisanin na lang ang kanilang tahanan kaysa maipit sa naggigiriang puwersa ng mga rebelde at sundalo. Muling pinag-iisip ng dula ang mga manonood ukol sa posisyong matagal na nilang pinanghahawakan. Kapag kasi halimbawa, nabalitaan ang bakbakan ng mga Abu Sayyaf at ng militar, karaniwa’y isang panig ang inaayunan – maaaring ang mga rebelde dahil may karapatan silang ipaglaban ang lupang dapat nama’y sa kanila o ang mga sundalo dahil ipinagtatanggol lang nila ang mga inosenteng sibilyan. Ngunit sa Ismail at Isabel, ipinikitang may ikatlo pa palang panig na karaniwa’y nalalampasan ng paningin ngunit pinakamahalaga at siyang dapat pinipiling panigan – ang mga mamamayan. Sila ang mga taong ginagamit ng mga rebelde at sundalo bilang armas upang pasakitan ang isa’t isa; sila ang mga taong naitataboy sa kanilang mga tahanan, nagugutom o napipilitang bumitaw sa edukasyon dahil naiipit sa kaguluhan; sila ang mga taong hinihigop ng digmaan at nilalason ang isip upang ipagpatuloy lamang ito. Sila ang tunay na biktima ng kaguluhan sa Mindanao at nangangailangan ng pagliligtas dahil tulad nating lahat, katutubong karapatan nilang mabuhay nang walang inaalalang panganib mula sa kapwa nila tao na maaaring sumira ng kapayapaang iyon.

Isa pang isyung tinalakay sa dula ang pang-aabuso sa kabataan. Unang ipinamalas sa Ismail at Isabel ang pagkaabuso sa kabataan nang maiwan ang mga pangunahing tauhan sa gitna ng mga tahanan nilang naabo, makaraang sunugin ang mga ito ng mga rebelde. Kamamatay lang din noon ng tatay ni Ismail mula sa panonortyur ng mga sundalong nagpapakumpisal sa kanya ng mga impormasyong wala naman talaga siyang kinalaman. Dahil inarkitekto ang dula na maging magaan, magkatulad na sa nilalaman at pagtatanghal, upang umayon sa target nitong audience na kabataan, hindi “heavy drama” ang naging pagdadala nina Ismail at Isabel sa trahedyang sinapit nila sa Dilangawen ngunit kung hihinuhain, lubhang masidhi ang siko-emosyonal na traumang bunsod ng nangyari sa magkaibigan sa kanilang gulang. Maaga silang ninakawan ng pamilyang tatangkilik sa kanila at magpapalaki sa kanila sa pagmamahal at mga kagandahang-asal; sa muran ilang gulang ay pinagkaitan na sila ng pagkakataong makapag-aral na maaari sanang maging pases nila sa isang mas magandang bukas; sa halip na mapuno ang kanilang puso ng kaligayahang hatid ng kanilang kabataan, nalipos ito ng malalim na sakit ng maagang pagkaulila. Nasundan pa ang pagkaabusong ito sa diwa’t damdamin ng kabataan ng pagpapabalikat sa kanila ng mabigat na tungkuling buhayin ang kanilang sarili sa gitna ng abalang lungsod, gamit ng kakaunti nilang nalalaman at kakayahan. Una’y napilitan silang mamalimos. Kapwa dumanas sina Ismail at Isabel ng matinding kalam ng sikmura ngunit dahil parehas silang walang anumang mapagkukunan ng maipampupuno rito, umasa na lang sila sa limos ng may maaawaing puso. Gayunpaman, dahil kapwa rin hindi natatagpuan ang sarili sa pagkabuhay sa tira ng iba, nagpatangay na lang ang mga pangunahing tauhan sa agos ng child labor at human trafficking na sadyang naghahanap ng mga tulad nila upang kasangkapanin. Si Isabel ay na-recruit para maging alila ng isang maykayang babaeng nakatagpo sa kanya sa lansangan samantalang si Ismail ay naging tindero ng mga piniratang DVD. Kalaunan, nakorapt din ang isip ni Ismail sa panig ng mali nang tanggapin niya ang alok na maging look-out ng mga kidnaper kapalit ng halagang mas malaki sa kanyang kinikita sa pagtitinda. Sa bahaging ito, ipinakita ng dula sa mga manonood ang proseso ng paglalang sa mga batang laman ng lansangan. Sa kasalukuyan kasi, dumarating sila sa atin bilang mga “finished product” na. Mga batang marurungis na at nanlilimos kaya maaaring kaawaan natin at bigyan o paghinalaan at sabihing “instrumento” ng sindikato. Madali para sa ating humusga dahil inaayunan lang natin ang nakikita ng ating mga paningin, ngunit kung mamamalas lang natin ang malalim na pinanggalingan ng mga batang lansangan, tunay nating mauunawaan ang kasalukuyan nilang kalagayan at mahihinuha  kung ano pa ang madilim na kinabukasang maaari nilang kahantungan. Habang nasa kalagitnaan pa lang ang kabataan ng proseso ng paglalang sa kanila ng lansangan, bago pa man sila maging kilabot na kawatan o bumuo ng pamilyang sa maruming kalsada na rin mananahan, “kinakatok” na tayo ng dula upang kumilos. Pinalalabas tayo nito sa ating mga “comfort zone” upang iligtas ang mga tulad nina Ismail at Isabel sa pinakamaagang yugto pa lang na maaari natin itong ilapat; sa bahagi pa lang kung saan, sinisira ang payapa nilang esksitensya sa mga pook na tulad ng Dilangawen. Sa huli, hindi lang ang lansangan ang dapat sisihin sa maaaring sapitin ng kabataang tulad nila. Tayo, bilang mga malay na saksi at may kapasidad na magtulot ng pagbabago, ngunit hindi ito ginawa dahil nakaabala sa sarili nating pananahimik, ay may pananagutan din at sa huli’y maaaring ipagsakdal at masisi.

Panghuli, nagbigay ang dula ng mungkahing panukatan sa tunay na pagkakaibigan. Sa ating buhay, karaniwang pundasyon ng mga relasyong naitataguyod natin ang mga pagkakatulad na pinagsasaluhan natin sa isang kapwa. Kasundo natin ang ating mga magulang kapag may isang tao tayong napusuan at itinutulad nila ang kanilang panlasa sa atin at tinatanggap din ang taong iyon. Nagugustuhan ng isang guro ang mag-aaral at sinasabihan ng “very good” kapag naitugon ng batang ito ang mismong sagot na nasa kanyang isip at inaabangan ng kanyang tenga. Mabuti ang ugnayan ng dalawang pulitiko kapag sila’y magkapartido at magkakatulad na interes ang isinusulong. Gayunpaman, ipinatanto ng dulang hindi lamang laging sa pagkakatulad maaaring maipunla ang isang ugnayan at hindi laging pagkakaparehas lang ang maaaring magdulot dito ng harmonya.  Minsan, maaari palang ang pagkakaiba ang mismong maging puhunan ng isang relasyon sapagkat kapag nagtagpo ang dalawang kaluluwang nagtatangan ng sadyang magkaibang pagkatao, ang pagkakaibiga’y nagiging isang walang hanggang proseso ng pagtuklas. Bawat araw, may bagong detalye sa sadyang naiibang pagkatao ng kaibigan ang nalalaman; may bagong misteryong natutuklasan – mga bagay na hindi lamang nag-uukit ng mas malalim na bisa sa diwa ng magkaibigan kundi nagbibigay rin ng dahilan upang muling tanawin ng bawat kaluluwa ang susunod na pakikipagdaop niya sa kanyang kapwa. Dahil sa lalim ng ugnayang ito na nabubuo, hindi dahil inooohan lamang ng isang tao kung ano ang mayroon din sa kanyang kapwa, kundi dahil kinikilala niya ang mga kaibahan nito at buong-puso pa ring tinatanggap, higit na nagiging matibay ang pagkakaibigan dahil kung nagagawa nilang mahalin ang isa’t isa sa mga di nila napagkakasunduan, lalo na sa mga bagay na nagkakasundo sila.

Mga Sana sa Pagsasara ng Telon

Nagtapos ang Ismail at Isabel na masaya ang lahat. Di magkamayaw ang mga guro’t mag-aaral sa pagkukuwentuhan, bagamat magkaiba nga lang ang antas ng diskurso. May pagkaseryoso ang usapan ng mga akademista – may mga maririnig nang nagsusuka ng mga teoryang pampanitikan sa pagsusuri ng dula; may mga nagninilay sa makahulugang hamong iniwan ng pagtatanghal; may ilang nakapagtala ng mga kahinaan ng produksyon na idinadaing hanggang sa paglabas, gaya ng kakulangan ng mga upuan, labis na lamig sa teyatro, at iba pa. Magaan naman ang kuwentuhan ng mga mag-aaral na karaniwang uminog sa madudulang tagpo, nakakakaaliw na eksena at mahuhusay na artistang nakapukaw sa kanilang pansin. Nagmamadali din silang nagpulasan palabas para maunang makadaop-palad ang mga tauhan at makapagpa-picture sa kanila, lalo na kay Ismail, na bumihag yata sa mura nilang puso (Tala: Bilang mga mag-aaral ng paaralang eksklusibo sa mga babae na madalang makakita ng lalaking ispisyi sa paaralan, madali para sa kanilang mahulog ang loob sa bagong lalaking nakikilala, lalo na kung makisig.). Sa pagsasara ng telon, habang masayang pinagmamasdan ang ngiti sa labi ng lahat na isang pagpapatotoong hindi nagkamali ang aming kagawaran sa pagpili ng palabas na ipinapanood, tahimik ko ring hinahangad na sana, hindi matapos ang dula bilang piraso lamang ng panitikang dapat kalugdan. Sana, tumimo rin ang mensahe nito sa puso’t isip ng bawat manonood, tulad ng di-nagmamaliw na bisang iniwan nito sa akin. Sana, inalis ng dula ang piring sa mata ng lahat at ipinahintulot nitong sila’y tunay na makakita. Sana, sumibol ang Dilangawen sa puso ng bawat isa, at sa sandaling kumatok ang isang Ismael o Isabel, ay buong-kasiyahang pagbuksan at sabihing, “Tara, tuloy ka.”

Si Alvin Ringgo C. Reyes ay isang propesor sa kolehiyo na nagtapos ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino (magna cum laude) sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang nagtatapos ng kanyang Master sa Sining sa Araling Filipino – Wika, Kultura, Midya sa Pamantasang De La Salle – Maynila. Tagapagsalita at delegado rin siya sa mga seminar-worksyap sa wika at panitikang Filipino at edukasyong propesyunal; rebyuwer sa mga kumukuha ng lisensya sa pagtuturo; tagapagsanay at inampalan sa mga timpalak sa pagtatalumpati, debate at pagtatanghal panteyatro; kontribyutor sa mga magasin at newsletter na pangguro; at aktibong kasapi ng mga samahan sa wika at panitikang Filipino, gaya ng Wika, Inc., Sangfil, PSLLF, LSP at Umpil. Napili rin siyang Fellow sa Ikatlong Palihang Rogelio Sicat Pambansang Palihan sa Malikhaing Pagsulat ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.


manhater.xxiv's picture

Wa may ganito pala dito sana

Wa may ganito pala dito sana pala dito ako kumuha ng idea para sa paper haha.

http://forcedengineer.wordpress.com

alvinringgo's picture

Libu-libo na ang nakabasa,

Libu-libo na ang nakabasa, ha. Maraming salamat po sa pagtangkilik!

 Alvin Ringgo C. Reyes