Si Janin kasi

by johncross ( | )
"May magagawa ka naman kung gugustuhin mo lang."
 
Sa dami ng napag-usapan namin, hindi ko na alam kung alin sa mga yon ang tintukoy niya. Pero sumagot pa rin ako, "siguro nga ayoko rin. baka nga tama ka."
 
"Bakit di mo na lang kasi aminin?"
 
Sa totoo lang, naliligaw na ako sa usapan namin. Hindi ko na talaga alam kung ano ba talaga ang tinutukoy niya sa dami ng sinabi ko. Ayoko na tanungin baka mawala ang momentum.
 
"Wala naman akong aaminin. Magiging sinungaling pa ko pag nagkataon." Kahit parang nagsisinungaling na rin talaga ako sa kanya ngayon.
 
Malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya.
 
"Pre, umutot ako. At sa lalim ng hugot mo parang wala kang pinalampas... lahat hinigop mo."
 
"Hayup ka." Sabay takip ng ilong niya.
 
"Ang bilis mong ma-shoot sa tabo pero kalmado pa rin. Pano mo nagagawa yan?" natatawa kong sabi.
 
"Gusto kitang murahin sa totoo lang."
 
Ngitian ko lang siya. "nasaan na nga tayo?"
 
"Bumili ka ng kausap mo. Matutulog na ko."
 
Gusto ko pa sanang magsalita pero, tumalikod na siya at niyakap ang unan niyang mas matanda pa sa bunso kong kapatid at hindi pa nakakatikim ng ligo.
 
Marami kaming napag-usapan dahil halos iisa lang talaga kami ng interes, pero sa oras na yon, sa isang tao lang umikot ang buong kwetuhan namin: Kay Janin. 
Si Janin na walang malay. Si Janin na hindi marunong magsuklay. Si Janin na mahilig sa gulay. Si Janin na nakita kong tumulo ang laway.
 
Si Janin na nakakausap ko tungkol sa maraming kababawan at kalaliman. Si Janin na hindi marunong magkwento. Si Janin na hindi napapagod tumakbo sa isip ko. Si Janin.
 
"Gusto ko siya e." hindi ko mapigilang sabihin, kahit alam kong wala nang nakakarinig sa kin. "Gusto ko talaga siya."
 
"Sabihin mo sa kanya." Sabi niya sa boses na halatang patulog na.
 
"Tapos kapag sinabi ko, sasabihin niya, 'gusto niya rin ako, at kikiligin lang siya ng maraming beses sa isang araw kapag naging kami pero wala pa rin mababago dahil marami pa ring batang gutom, polluted at ma-traffic pa rin sa Manila, marami pa ring kapitalistang mayayaman na ginigipit ang mahihirap at hindi pa rin mapipigil ang pagkatunaw ng yelo sa northpole.'"
 
"Baliw ba siya!?" Napabalikwas na siya sa pagkakataong 'yon. Gising na gising na ang diwa niya.
 
"Hindi. Marami lang talaga siyang inaalala." kalmado kong tugon.
 
"Sasapakin ko yon e. Wala naman talaga siyang magagawa sa mga bagay na yon kahit mamatay pa siyang virgin. Hayup."
 
Bumangon siya pagtapos sabihin ang litanya. "Teka umamin kana ba sa kanya?" Saka tumingin sa akin.
 
"Hindi pa." sagot ko habang nakatingin sa kisame.
 
"Pano mo nasabing yan ang sasabihin niya?" 
 
Mukhang interesado na siya sa hinain ko. "Yon ang sinagot niya sa kin nong tanungin ko siya tungkol sa pakikipagrelasyon." Sagot ko.
 
Tumayo siya at binuksan ang ilaw. Napatakip ako ng mata.
 
"O." Habang inaabot niya sa akin ang isang tableta.
 
"An'to?" lito kong tanong.
 
"Pampatulog. Mataas dosage niyan. Pag ininom mo yan ngayon, siguro bukas kapa ng hapon magigising."
 
"Ba't ko iinumin?"
 
"Para makatulog ka at baka sakaling magising ka sa kahibangan mo. P're baliw yong gusto mong babae, baka sa sunod ikaw na mabaliw. Seryoso ako. Inumin mo yan." Sa tono niya mukhang hindi talaga siya nagbibiro.
 
"De, itutulog ko na lang to nang walang gamot. Kaya pa naman. Baka dyan ako mabaliw e." Ako naman ang yumakap sa hotdog kong unan.
 
"Kung mababaliw ka dahil dito, maraming tatanggap sa dahilan na yon. Kesa mabaliw ka sa pag-ibig mo sa baliw na babae, kahit siguro ako hindi ka matatanggap... lalo pag lumala ka."
 
Sana pala hindi ko na lang siya ginising. Si Janin kasi.