Si J (Result 1 of several for the word "Mga Jowang J ang Pangalan")

Luca's picture

Una kong nameet si J minsang gumimik ako sa Malate. Siya ang 5'11, payat at problemadong bagong Jowa ng kaibigan kong si M. Tahimik pa siya nun at nakakatakot tumitig. Maporma, misteryoso, at mukhang nananakit pero bakla at proud.

Yan ang tipo kong bakla, yung masakit sa ulo. Yung mukhang galit sa mundo. Pero sweet.

Siyempre dahil malandi nga ako, crush ko na 'tong si J. Pero dahil mas mataas ang maturity level ko kaysa kalandian at dahil naniniwala ako sa kasabihang "bros before ho's" tinago ko ang crush na yun sa stock room ng puso ko.

Sa ilan-ilang beses na sumasama ako sa grupo nila M, lagi kong nakikita itong si J kasi lagi niyang kasama si M. Hindi kami mashadong nag-uusap kasi namimili ako ng kausap at hindi naman siya ma-effort na tao. Tumatawa lang kami sa mga hirit ng isa't isa.

Matapos ang ilang buwan naghiwalay sila ni M. Pero lagi pa rin siyang kasama sa mga lakad kasi naging close na rin siya dun sa mga kaibigan ni M. Since lagi naman akong inactive sa grupo at dahil busy sa trabaho o sa ibang interes, hindi ko naisip na ilabas ang crush ko kay J mula sa maalikabok at masukal na stock room of my heart.

Dumaan ang ilang taon at ilang mga jowa (btw, never kaming nagkakasabay ni J na single) at nagkikita lang kami. Walang progress. Hanggang isang gabi...

Birthday ng isang miyembro ng grupo, si E, at nagkaroon ng munting salu-salo sa kaniyang apartment sa Loyola Heights. Andun ang buong grupo. Galing ako sa isang 18 hour shift sa trabaho at kakabreak ko lang the day before sa boyfriend kong nurse na part-time model (oo, may ganun akong charm).

Hindi naman ako malungkot nun, pagod lang. Kaya di rin ako masyadong naka-party mode nung gabi. Sumasandal lang ako kung kani-kanino at natutulog. Nasa may balkonahe kami, puno ng usok at ingay ng daldalan ng pitong baklang maraming issues. Sa gitna ng chaos, sinikap kong magtulug-tulugan sa balikat ng pinakamalapit kong kaibigan dun, si Mike.

Naisip nilang lahat na pumasok na sa bahay para doon ituloy ang kanilang diskurso. Ayaw ko na noong umalis sa balkonahe dahil presko ang hangin at ayaw ko nang sundan ang ingay nila. Naiwan kaming dalawa ni J at sa kanya naman ako sumandal. Bumukas ang pinto ng stock room at lalong hindi ako makatulog.

Nagkataon na wala ring jowa si J nun. Ito yata ang unang pagkakataon na nagkasabay kaming libre. Nagmuni-muni ako sa kanyang kandungan habang pinapaypayan niya ako ng bulaklaking abaniko sa saliw ng "Steep." O di ba poetic?

Nakakatuwang kahit na ang laking damulag ni J ay siyang tinis naman ng falsetto niya. At kahit mali-mali ang lyrics ng kanta, at hindi na kami nakamove-on sa part na "deeper and going somewhere you don't want to be...", nasweetan parin ako sa effort. Siguro nakatulong din ang paminsan-minsan niyang pagkiss sa batok ko, sabay himas sa likod.

Bumangon ako at tiningnan ko ang kanyang mukha, sinambot ng mga labi niya ang labi ko, at nasira na nang tuluyan ang pinto ng stock room.

Tinanong niya ko kung gusto ko bang matulog sa bahay nila. Gustung-gusto ko na sana, pero nagpahinhin ako ng konti. Tinanong ko si Mike kung dapat ba akong sumama sa kanya. At isang bayolenteng "NO" ang aking natanggap.

Nung sumunod na linggo, may jowa na si J.

(itutuloy...)