SAMPAGITA (ni Allanjohn Andres)

by Allanjohn Andres

Gabi-gabi ay pinupupog ng sampagita ang aking ruta
pauwi galing opisina.

Sa Ortigas kanina, lantang talulot silang lulutang-lutang
habang napapabuntong-hininga ang busina
ng nakaprenong trapik sa EDSA.

Sa karaniwang istorya, inaabot natin silang nakikipagharutan
sa sangsupot na himpapawid
o minsan, guryon silang nahuhulog nang paulit-ulit
sa sandaling nalulukot ang araw
at ang langit ay nalulusaw
sa kahel-pulang gaslaw ng neon.

Tulad ngayon. At ganitong di naman aksidente
ang kanilang pagparito,
inuuna ko nang iselyo sa guni-guni
ang nakasobreng katuturan ng kanilang pagdami
upang bago pa man sila tumambak sa aking tabi
nang walang pag-iiba sa liham ng abuloy
na dumarating sa atin nang walang pasabi,
naipihit ko na ang aking tingin
palayo sa mga bakal na barandilya; Walang pag-aalintana
nakikita mang tinatahak nila
ang kalsadang nagpapalawak sa kongkretong distansya
ng kaligtasan at disgrasya;

Kung kaya kahit sumpang nakasampay sa balikat nitong isa
ang sandaigdig na palahaw ng kapatid na balisa,
di ko kailangang mabatid sakaling ang kanyang pagkapit
sa buhay ay singhigpit lamang ng paghawak ng munting kamay
sa panindang bulaklak; Kung kinakalabit nila ang aking habag
sa makupad na pila, habang binubulatlat ng guwardiya sa mall
ang patalim na lihim nang nahasa sa kaluban ng aking hinala,
hindi ko mapapansin ang pagsamong inuungol
sukdulang ilimbag nila ito tulad ng di-nabuburang libag
sa polong inalmirol; Kung isa sa kanila ang lalapit sa akin
upang magkuwento ng tungkol sa tungkos ng palo at kutos na aabutin
dahil kapos ang kanyang tuos sa puhunan at tubo,
malamang hindi rin ako matinag sa pagkakaupo.
Sa halip, panatag kong uubusin ang laman ng puswelo
habang matamang ninanamnam ang matabang na pakunsuwelo
ng pay slip na de-kinsenas. O kaya maya-maya sa sinasakyang bus,
kung ipagtulakan sila palabas ng konduktora
at walang ibalik na sukli
sa inilalako nilang dalamhati
habang isinasakapalaran ang pag-uwi
upang ihimlay sa nangangalay na katre
ang kaluluwang paulit-ulit namamatay
sa matalim na ginaw ng alas-onse:
ang lagay, baka hindi rin ako makumbinsi
at malamang ipagpalagay: kanya-kanya lang siguro
tayo ng suwerte.

Pagpasok sa inuupahang kuwarto, pusikit ang gabi
at walang ibang tao. Tumatagos sa aking hawak
ang lahat ng bagay na nangagkalat
sa pag-iisang lubhang lumalawak : doon, isang banig
ang nangangatal; dito, isang antok ang nangangapal.
Sa pagitan ng doon at dito: umaapaw ang lamig,
umiihip sa bintana ng pusong mariing nakapinid,
tulad ng nanlilimahid na eskaparate ng ampaw na Sto. Niño:
lantang talulot ngayong dito'y palamuti,
kuwintas ng sampagitang dati'y puting-puti.


by Allanjohn Andres on June 27, 2010 - 4:47pm

isang makabuluhang kapaskuhan para sa lahat

by leigh13diwata on December 23, 2009 - 6:55pm

bago uli ako nakabasa ng iyong obra IDOL!

as usual.. wala pa ring kupas! may kurot sa puso ang iyong akda sapagkat ito ay isang katotohanan... at di ako eksemsyon sa katotohanang ito... nawa'y manahan sa ating mga puso ang tunay na diwa ng kapaskuhan... at imulat ng tulang ito ang mga matang malaon nang nakapikit at ilong na nabarahan na ng matigas na kulangot ng kamanhidan sa tunay na halimuyak na dala ng sampaguitang bitbit ng tunay na NIÑO.

isang makabuluhang pasko din sa iyo allan!

... bata-batuta... malaki ang batuta...

by Allanjohn Andres on December 24, 2009 - 8:49am

uy, Deo, maraming salamat sa 'yong oras at komento.

Pagbati ng kapaskuhan sa iyo at sa iyong pamilya!

by alingasngas on January 10, 2010 - 1:12pm

angat na angat ang estitika mo kumpara sa iba. makikitaan ng maturity sa pananaludtod ang mga gawa mo. pansin ko na karamihan sa gawa mo ay paloob ang pagmumuni, ang pakikipag-usap at hindi palabas ang pagpapahayag. sa tulang ito, malinaw na malinaw sa akin ang daloy ng diwa, kahit sabihin pang may pagkagasgas na ang imahen ng mga batang nagtitinda ng sampagita (ang mahalaga naman dito para sa akin ay ang mga piniling imahen para ipakita ang kanilang kalagayan kahit sabihin pang may pagkagasgas nga ang atake) , nagtutulay ang insight mo bilang makata patungo sa mas malawak na pagmumuni-muni sa ating katauhan. dahil nga sa paloob ang pagmumuni, at kahit may pagkadidaktiko (hindi rin maiiwasan ang ganito lalo na sa ganitong uri ng tema) kapuna-puna ang pag-iwas sa ilang mala-editoryal na pamamahayag. ang tanging sumulpot ay ang pagkumpara sa puso sa rebulto ng batang si hesus na wow ang pagkakagamit ng imahen dahil nagsisilbing irony ang dating nito para sa akin at lubusang ganap ang pagkakagamit.

 

sulat ka pa! 

 

 

-
by Allanjohn Andres on January 12, 2010 - 8:39pm

Sa pagkilala na maluwag pa ang espasyo para sa pagkikinis at pagpapaunlad ng trabahong ito, lubos akong sumasang-ayon sa mga inilahad mong punto. 

Bagaman sa proseso ng pagrerebisa, kung mayroon man siguro akong pananatilihin o lubha pang paiigtingin, ito ay ang mala-preachy na tono ng linya  alinsunod sa intensyong udyukan lalo ang  paglilitis na nagaganap sa isip at kalooban ng speaker.

Muli, maraming salamat sa iyong mga puna. Mabuhay ka.

by d-younker on January 10, 2010 - 5:45pm

naks.

ang galing ng pagkakasulat.

ang sarap basahin lalo at maganda ang gamit ng bawat salita.

isang makabuluhang akda.=)

by Allanjohn Andres on June 29, 2010 - 8:10am

Maraming salamat sa iyong oras at naka-eengganyong komento

by Allanjohn Andres on April 29, 2012 - 7:54am

Kalakip ang ilang revisions

by galatea hopkirk on May 31, 2012 - 4:00pm

babasahin ko po mamayang konti. kakasulat ko lang ulit. after so many months. :D 

-Galatea

by galatea hopkirk on May 31, 2012 - 4:00pm

babasahin ko po mamayang konti. kakasulat ko lang ulit. after so many months. :D 

-Galatea