Sabong

Starblaze's picture
| |

Masahol pa sa palengke ang ingay ng sala-salabat na mga tao na di malaman kung saan pupunta. Ang iba ay nangag-umpukan sa mga ibenebentang mga manok panabong na matapos pagsalpukin ay kukunin ng mamimili at titingnan ang kaliskis, sasalatin ang pitso at hahagurin ang katawan na tila tinatantya kung may itatagal sa laban.

    “Magkano?”  

“wan payb boss”  

“Mahal” sabay talikod at muling titingin sa ibang ibenibenta.Sa gawing sulok na may mahabang upuang kahoy na magkaharap ay naroon ang “ulutan” kung saan ipinapareha ang dalawang magkapares na manok na maglalaban. Doon naghahalo ang usok ng sigarilyo at amoy ng mga ipot ng mga manok na pilit ipinapares sa ibang manok at kanya-kanyang estratehiya kung papano makukumbinsi ang kaulutan na labanan ang manok na ipinagduduldulan.

   “Payat ito boss, labanan mo na dos dos lang ang pusta nito.”  Ang sabi ng matandang naka short na maong at may nakasubong sigarilyo habang pilit na iniipit ang kanyang hawak na manok para magmukhang maliit. Iling lang ang tugon dito ng kaharap na may hawak na kulay pulang manok. “Tang ina ang liit na nga ng manok ko ayaw mo pa?”

   “Tang-ina mo rin! Eh sa ayaw ko sige ipitin mo pa ang manok mo hanggang sa di makahinga.” Pandidilat nito sa matanda. Samantala sa gawing itaas ay naroon ang ruweda kung saan naglalaban ang mga magkakaparehang manok. Napapalibutan ito ng salamin at mga ilaw upang buong laya silang makita ng mga tao kung papano nila kitlan ng buhay ang bawat isa. Sa ruwedang iyon ay iisa ang batas sa pamumuno ng kasador at nang mga kristo na tumatalsik ang mga laway sa pagsigaw sa mga pusta at ang sintensyador na maggagawad ng huling hatol kung sino ang nagwagi mula sa blood sport na ito. Ang mga hiyawan ay tila musika at ang mga senyas ng kamay at daliri na hindi napag-aaralan sa eskwelahan ng mga pipi ay dito lamang matatagpuan sa mundo ng sabong.

   “Lo dyes! Lo dyes!”

    “Walo Anim! Walo Anim!

   “Oh dehado ng bente dos mil ang wala.” Ang sabi ng kasador ang tinutukoy nito ay ang kulay pulang manok na dehado sa pustahan. “Engineer sampung libo ka!” sumenyas ito sa harap ng mamang malaki ang tyan na may katabing chicks na di maintindihan kung mukhang belyas o mukhang payaso sa kapal ng make-up. Tumango lang ito sa kasador na may kasunod na naglilista ng mga pusta. “Konsehal dose mil ka!” muli nitong senyas sa gawing itaas kung saan naroon ang isang lalakeng naka pustura na umiinom ng serbesa.     “Sige bitawan na yan! Sigaw ng mga namumusta.

     “Panchu san tayo? Sa meron o sa wala?” tanong ko kay Panchu na matamang tinititigan ang dalawang manok na nasa ruweda na ilang sandali pa ay magpapatayan na.

     “Dun tayo sa pula mukhang makinis yun at mukhang magaling.” Tugon nito na patuloy pa ring nakatingin sa dalawang manok.

     “Sige magkano ka?” muling tanong ko.

     “Tre handrid, kasado na.”

     “Sige dalawang daan din ako.” Sabay senyas sa kristong malapit sakin.

    Binitawan na ang dalawang manok, nagsalabungan sa ere, tumama ang tari ng kulay pula sa dibdib ng talisayen, hindi ito nahugot hanggang sa mahulog sila sa lupa.

    “Talo na ang talisayen, talo na ang talisayen!  Sigaw ng mga pustadores ng pula.Pagbagsak sa lupa isang mahabang syapol ang pinakawalan ng talisayen, sumabay na rin ng syapol ang pula, umaalikabok ang lupa sa pupugan ng dalawang manok. Walang makapagsalita sa mga tao naghihintay kung sino ang unang mamamatay sa dalawang manok. Napawi ang alikabok parehas lugmok ang dalawang manok, naghahabol ng mga hininga dinampot ito ng sentensyador pinatuka ang pula hindi tumuka sa talisayen, ang talisayen naman ang pinatuka sa pula tumuka ito ng dalawang beses kahit hinahabol na lang ang huling hininga. Panalo ang talisayen. Patay na rin ito ng ilabas sa ruweda, malapot ang dugong lumalabas sa mga sugat nito sing lapot ng pawis ni Panchu dahil sa pagkatalo. Dahan dahan nitong dinukot ang tatlong pirasong dadaanin habang nagpapahid ng pawis gamit ang nangingitim ng panyo dahil sa gatil ng libag.

    “Uwi na tayo pare.” Sabi nito na nakatingin pa rin sa patay na manok na isinisilid na sa balde ng taga walis ng ruweda.

   “Bakit? Marami pang sultada” sabi ko.

    “Ubos na ko pare.”

    “Ako din ubos na, may pamasahe pa ba tayo?” tanong ko habang pababa kami sa hagdan ng coliseum.

    “Yun lang, ubos na talaga, maglakad na lang tayo."

   Habang naglalakad kami ay naisip ko ang natalong limang daan na pambili ko sana ng libro at kasabay ng malapot na pawis ay ang katotohanang madadagdagan na naman ang mga kalyo ko sa paa. At ang tinamaan ng magaling na si Panchu palibhasa matangkad at malaking tao ay dalawang hakbang ko kontra isa sa kanya lawit na ang dila ko samantalang sya’y parang wala lang ang paglalakad.

   “Ang puki ng inang manok na yun mananalo na lang natalo pa pwe!” hindi ko alam kung ako ang kinakausap o sa sarili lang nya nabubwisit si Panchu. Panay ang dura nito sa daan habang patuloy na nagmumura at hindi ko din alam kung bakit sa dinami dami ng pwedeng gawing mura eh kung saan pa sya sinundot at inilabas ang paborito nyang mura. “Ewan ko ba naman sa mga puki ng inang mga manok na yan at kabobobo!” patuloy nito. “Ano ngayon ang kakainin namin ng anak ko?”

   “Problema mo yan.” 

  “Wala ka na ba talagang natira pare?”

   “Puki ng ina said talaga! Kung may natira naglalakad ba tayo ngayon?”

   “Oo nga naman bobo ko talaga.”

   “Papano yan pare pinatalo mo lahat?”

   “Bahala na pare mangungutang na lang uli ako kay Aling Rosita kahit ilang lata ng isdang tanga at isang kilong bigas kasya na yun sa dalawang araw namin ng anak ko habang hindi pa dumarating ang pension ko.”

   “Kung bakit naman kasi ayaw magtrabaho at umaasa sa kakarampot na pensyon ang bakulaw na ito.” 

  “Kunsabagay pare may pension ka nga pala, buti ka nga may inaasahan samantalang ako asa pa rin sa mga magulang.”

   “At least ikaw pare may kinabukasan pag nakatapos ka wag ka lang magpa kagumon sa sabong.”

    “At nagsalita ang hindi gumon sa sabong”    “Oo naman pare, libangan ko lang ang larong ito.” Sa pagkukwentuhan ay hindi namin namalayan na nakarating na pala kami sa bahay nila Panchu isa sa mga condominium sa gilid ng riles. Mabaho ang kanal dahil sa matagal ng naka imbak na tubig na nagkukulay itim na habang ang tagpi-tagping dingding na lawanit ay pinamamahayan na ng mga gagamba na sabik na nag-aabang ng mahahapunang lamok. Sa daanan ay masayang naghahabulan ang mga ipis at ang mga langaw naman ay masayang ipinagdiriwang ang fiesta sa kumpol ng basurang narooon sa mga gilid-gilid. Maituturing na masayang pamayanan ang lugar na iyon dahil hindi ko kinakitaaan ng anumang suliranin ang mga ipis, gagamba, mga lamok at mga langaw.

     Tuloy-tuloy kami ni Panchu sa kanyang palasyo, konting tulak lang at nabuksan na ang pinto na yari sa kalawanging yero. “Anak?, Nak?” malambing na tawag nito sa anak. Maya-maya lang ay mga nag-uunahang yabag sa umuugoy na hagdan ng kanilang second floor ang aking narinig.

 “Po? Nariyan na po tay!” malambing ding sagot ng anak. Gulo-gulo ang buhok nito at tila hindi pa man lang naghihilamos dahil tingin ko ay may mga laway pa sa mukha. Ang damit na suot ay mukhang minadali kung kaya ang zipper ng pantalon ay hindi naisara.

    “Hindi ka man lang nag-ayos ng bahay anak ang gulo-gulo.” Puna ni Panchu sa anak.   “Kung ang sarili nga di kayang ayusin bahay pa kaya.” Pero teka sino ang bisista ng batang ito na sumisilip sa may hagdanan?

   “A-andito nga po pala tay si Ruel.” Sambit nito sa ama.

   “Ano ang ginagawa ng puki ng inang taong yan dito?”

   “Tay namamasyal lang po.”

   “Puki ng ina! Bakit Luneta ba tayo?”

   “Baka naman namasyal ang dila sa mga parte ng katawan” 

  “Palayasin mo yang gagong yan baka magawa kong hapunan yan!”

   “Opo!” pamaktol na umakyat ang dalagita sa hagdan at pagbaba nito ay kasunod na ang lalaking bisita.

 Sa tingin ko ay mga edad disesyete lang ang lalaki bagay ang crew cut nitong gupit sa tabas ng kanyang mukha lalo itong nagmukhang tukmol. At ang tinamaan ng magaling nakayukod lang na tumalilis habang nakatalikod si Panchu.  “Pssst!” bahagyang lumingon sa akin ang binatilyong mukhang tukmol. “Zipper mo bukas!” itinaas nito ang zipper ng pantalon at mabilis na umalis.

   “Sa susunod nak wag kang magpapapunta dito ng kung sino-sino nang di ko alam ha?” sabi ni Panchu sa anak na bumalik na ang lambing ng tono ng pananalita nito di katulad kanina na kulang na lang ay hablutin ang lalaki at itapon sa bintana at sa laki ng katawan ni Panchu mukhang sa kabilang riles pupulutin ang binatilyo kung nagkataon.

   “Opo, may pang-saing na ba tayo tay?”

  “Ah eh mangutang ka muna kay Aling Rosita anak sabihin mo babayaran ko pagdating ng pensyon ng nanay mo.”

   “Ayaw na po tay mag-pautang ni Aling Rosita.”

   “Puki ng ina sabihin mo akong bahala sa kanya babayaran ko ang mga utang natin sa makalawa!

  “Kawawa naman ang mag-amang ito, magkano lang ba ang hinihintay na pensyon mula sa SSS ng namayapang si Ate Minda? Sa pagkaka-alam ko dalawang libo lang at kung hindi pa sa tulong ng mga kapatid ni Panchu ay hindi makapag-aaral ang anak na si Kezia.”  Bantulot ako kung ibibigay ko ba ang natitirang two hundred ko o titiisin ko na lang ang mag-amang ito? Pag ibinigay ko ito ako naman ang mag suffer pihado ginisang tuyo na naman ang ulam ko. Bahala na! “Pare heto may naitatago pa akong pera gamitin mo na muna.”  

   “Naku pare wag na okey lang kami itago mo na yan alam ko na kailangan mo yan.” Sagot nito sa alok ko. Mataas pa rin ang pride nito, binibingi ng kanyang pride ang naghuhumiyaw sa gutom na sikmura.

    “Sige pare kung yan ang gusto mo.” Sabay ibinalik ko sa bulsa ang natitirang dalawang daan ko. “mabuti naman kung ganun”. “Aalis na ko pare pag may puhunan sabong uli tayo ha?”

   “Sige pare puntahan kita sa boarding house mo pag may capital uli tayo dito ka na kumain antayin mo na lang ang iluluto ko.”

   “As if naman may iluluto”    “Naku pare wag na may pupuntahan pa kasi ako eh.” Kahit wala. Tuloy-tuloy akong lumabas ngunit sa sulok ng mga mata ko ay nakikita ko ang malungkot na anak ni Panchu, marahil sa panghihinayang kung bakit di tinanggap ng ama ang alok kong pera o dahil sa maghapon na naman silang magtitiis ng gutom. 

                                                          

                                                  ---------  2 -----------    

     Mag-aalas kwatro na ng makarating ako sa inuupahan kong kwarto. Bago makarating sa sarili kong silid ay madadaanan ko ang sala ng kabahayan isa itong common place ng mga nangungupahan na ginagawang study place, chismisan at minsan hingutuhan ng ibang boarders. Luma na ang boarding house na ito pero masinop pa din ang mga gamit palibhasa balo na ang may-ari at nag-iisa na sa buhay at halos ituring na nyang mga anak ang mga nangungupahan.

    “Hoy Estong andyan ka na pala! Ikaw bata ka tigil-tigilan mo ang kakabigay ng numero ng telepono sa mga babae mo ha? Aba’y oras-oras yata may tumatawag dito ah estorbo!” salubong na putak sakin ng landlady ko.

   “Naku nabasa lang po nila sa profile ng facebook ko yun, wag nyo na pong intindihin yun Nana Mareng.” Pangangatuwiran ko at sabay talikod at deredretso ako sa kwarto ko. Nakakainis din kasi ang tawagin ako sa pangalang “Estong” ewan ko ba kung bakit naman kasi nung tumawag ang nanay ko ang hinanap eh si Estong daw ayun magmula noon naging si Estong na ko dito. Iniwan ko na sa probinsya ang pangalang yun pati ba naman dito sa Maynila eh dala-dala ko pa. Ang layo naman kasi sa pangalang Winston ewan ko din naman kasi sa tatay ko sa sobrang panatiko sa sigarilyo pati noong ipinanganak ako pangalan din ng sigarilyo ang naibigay sa komadrona. At kahit noong namatay sya sigarilyo pa din ang dahilan hindi kasi maawat sa paghitit ng usok kaya pati yata utak ng tatay ko nabalot na din ng nikotina dahil bulok na din ang kanyang mga katuwiran pagdating sa kanyang bisyo.

    Tuloy tuloy ako sa aking kwarto, pagbukas ko pa lang ng pinto ay naamoy ko na ang pinaghalong amoy ng alikabok at ang mga naiwan kong mga labahin. Amoy kulob na di ko maintindihan at kasabay ng pagsindi ng kulay orange na sa kalumaan na bumbilyang ilaw ay tumambad ang isang magulong kwarto na parang naiwan ng gyera sa Afghanistan. Sa dingding ay naroon ang ibat-ibang posters na aking idinikit mga ibat-ibang breed ng manok panabong at sa gitna nito ay ang nag-iisang dumalaga, makinis, mahaba ang biyas ng mga paa pang derby talaga, ang nakabikining si Sam Pinto. Noong nabubuhay pa ang tatay ko gusto nyang abogasya ang kunin kong kurso kaya ngayon political science ang course ko pero bakit mas gusto kong basahin ang breeding and genetics books at pati mga komiks at magazine na tungkol sa sabong. Meron na nga akong collection ng legendary Duke Hulsey breeds na sumikat noon sa Amerika noong 40’s at 50’s at patuloy na namamayagpag hanggang ngayon sa mundo ng sabong. At syempre meron din akong mga local breeders at ang kanilang mga testimonials sa mga local products. Naging malaking komersyo na nga ang mundo ng sabong. Pinagkakakitaan ng malalaking negosyante at bisyo naman ng mga mahihirap na isusubo na lang ay ipupusta pa at nagbabakasakali na dumoble ang kakarampot na pera. Katulad ko, katulad nila pare-parehas lang kaming biktima ng pinaghalong bisyo at industriya.

    Sa likod ng boarding house ay meron akong alagang dalawang tinale at isang inahen galing sa ninong ko na ang sabi ay lemon roundhead daw ang lahi at ewan ko kung bakit tinawag na roundhead eh hindi naman bilog ang ulo ipinagmamalaki ito ng ninong ko na nagbibilang ng panalo pero tingin ko naman ay walang kwenta kumpara sa mga manok na nasa posters na nakadikit sa dingding ng kwarto ko. Ang masaklap pa nito mukhang matanda na ang aking inahen dahil ayaw na mangitlog.        

Starblaze