Sa tingin mo, tanga ba ako?

XIAMIELLE's picture

"Ayoko na." Ito ang madalas na sinasabi ng isip ko ngunit kasalungat naman nito ang nararamdaman ng puso ko. Anim na buwan na ang relasyon namin kung matatawag nga ba itong  relasyon. Tatlong buwan ko syang nakasama at tatlong buwan na simula ng makatanggap ako ng sulat galing sa kanya.

Babe,
 Im sorry. Sorry kung di ko nasabi sayo na di na ako makakabalik dyan. Hindi ko kasi kaya. Baka maiyak lang ako sa harap mo. Alam kung nasasaktan ka pero mas nasasaktan ako. Mahal na mahal na kita. Pangako babalik ako. Ingat ka palage.

 Sorry.

Hindi ko alam na ganun pala kasakit ang maiwan. Dati sinasabi sa ko sa mga kaibigan ko na mas mabuti na yung ako ang iwanan kesa ako ang mang-iwan. Matagal ko na ring hinanda ang sarili ko na aabot kami sa ganito. Pero ang sakit pala. Masakit pero di ko sya magawang sisihin. Di ko sya magawang sumbatan o kahit magalit man lang sa kanya. Sa kabila ng lahat ng yun, mas minahal ko pa sya.  

Sa mga kaibigan kong memorize na yata ang lovelife ko, sinasabi nilang napakakomplikado ng sitwasyon namin. "Malayo sya. Nakatira sa bahay ng nanay ng anak nya. Magkasama sila." Kahit na ilang ulit pa nilang ipamukha sa akin yun, matigas pa rin ang puso ko. Pwede na nga siguro itong sabitan ng medalya sa sobrang loyal. Ewan ko ba. Tanga nga siguro ako dahil naiintindihan ko ang sitwasyon nya at naniniwala ako sa mga sinasabi nya.  

 Tatlong buwan ko na syang di nakikita at nakakausap. Minsan tinanong ko sya kung bakit di na sya nagtetext o tumatawag. Sira daw phone nya. Kaya eto ako ngayon, nagtitiis sa private message sa facebook na araw-araw nyang ginagawa. Naappreciate ko naman yun. Kahit papaano e nakikipagcommunicate pa rin naman sya kaya itong puso ko di pa rin maiwasan na umasa.

Ilang beses ko ng sinabi sa kanya na "ayoko na". Sa tingin ko naman kasi, wala naman na talagang patutunguhan tong relasyon namin. Kahit saan mo tingnan pamilya na talaga silang matatawag. Syempre ayoko namang makasira ng pamilya. May takot pa rin naman ako sa Diyos at sa karma. Pero sa twing sinasabi ko yun sa kanya, ayaw nyang pumayag. Ako daw ang mahal nya. Magkikita pa daw kami. Babalikan daw nya ako.

"Kahit na nasa malayo ako, hindi ka nawala sa isip ko. Mahal na mahal kita babe. Sana kahit wala ako dyan, di mo ako ipagpalit sa iba. Call me selfish, pero yun ang alam ko."

 Sobrang naiyak ako ng mabasa ko ang message nya na yun. Noong panahon na yun kasi hindi na ako nagmemessage sa kanya. Gusto ko na talaga syang i-give up sa mga sandaling yun. Pero napapansin ko lang, sa twing gusto ko na syang i-give up may nangyayari na nagpapabago sa desisyon. Minsan tuloy natatanong ko si Papa God kung mali ba ang desisyon ko na i give-up sya.

 

"Wag mo isipin shinota kita dahil nandito ako. Shinota kita kasi mahal kita. Ayoko lang na maramdaman ng anak ko kung paano ang walang ama habang lumalaki. Gusto ko andun ako habang lumalaki sya. Ayokong maranasan nya ang mga naranasan ko. Naiintindihan mo naman yun diba?"

 

Tango lang at yakap ang naging sagot ko sa kanyang nung gabing mag-usap kami tungkol dun. Wala syang inilihim sa akin (yun ang paniwala ko hanggang ngayon). Kahit di maintindihan ng isip ko, kahit madami pa akong kelangan itanong, kahit marami pa akong kelangan siguraduhin, alam kong naiintindihan sya ng puso ko. 

 

Hindi ko alam kung hanggang kelan kami ganito o kung hanggang kelan ko kakayanin ang ganitong sitwasyon.  Hihinto lang siguro kapag sinabi nya o kasal na sila o pag nagkaanak sila ulit.  Basta ang alam ko, sa kanya lang ako masaya at mahal ko sya. Yun lang naman ang mahalaga sa akin kahit mukha na akong tanga sa paningin ng iba.