Sa Tabi ng Dagat

mdligaya's picture
|
Sa tabi ng dagat,
Sabay tayong pumihit
Dahan-dahan,
Magkahawak-kamay
Paharap sa papalubog na araw
 
Sa tabi ng dagat,
Sabay tayong nangarap
Bumulong sa mga ulap
Mahinhing pag-asam
Sa mailap na kapalaran
 
Sa tabi ng dagat,
Sabay nating nilakad
Ang daan patungo sa buwan
Sa liwanag natin natagpuan
Ang susi sa kagandahan
 
Sa tabi ng dagat,
Sabay tayong nangarap
Bumulong sa mga ulap
Pag-ibig na sinlalim ng dagat
Ang susi sa kagandahan

Alexander Dagrit's picture

<

 

Ang persona ng tula at ang kanyang kausap ay may isang payak na asam: Ang susi sa kagandahan, na makakamtan lamang kung ang pag-ibig ay sinlalim ng dagat.

Ibig sabihin, kung dalisay ang pag-ibig ng kapwa sa kanyang kapwa, mananaig ang magandang buhay, ang magandang daigdig. Maaaring ang hangad ng persona at ng kanyang kausap ay para lamang sa kanilang dalawa, o kaya'y para rin sa sangkatauhan.

Kung para sa sangkatauhan, utopia ang hangad ng persona at ng kanyang kausap. Isa itong masidhi at dambuhalang pangarap na tila imposible nang makamit ng tao, dahil ang tao'y tao: palalo at sakim. At ang kailangan ng tao upang makamit ito ay hindi magmumula sa kanya mismo, kundi sa isang kapangyarihang higit na mataas at higit na malakas sa kanya: Halimbawa na'y ang makalangit na kapangyarihan (divine powers).

Kung para nga sa sangkatauhan, isang magandang kilusan ang nais ng persona at ng kanyang kausap. Ngunit tao lamang sila. Wala silang makalangit na kapangyarihan upang mailatag sa lupa ang susi sa kagandahan.

Gayumpaman, ang bawat kilusan patungo sa anumang mabuting gawa o pagbabago ay nagbubúhat sa bawat isa. Kaya, wagi ang tula. Kapulot-pulot kasi ang mensahe't aral na nais ipaturol ng makata.

Tigib din ng diwa ng pakikibaka ang tula mong ito, dahil sa mga linyang gaya ng mga ito:

Sabay nating nilakad

Ang daan patungo sa buwan

Sa liwanag natin natagpuan

Ang susi sa kagandahan

Magkasabay na tinugpa ng persona at ng kanyang kausap ang daan patungo sa buwan, kung saan sa liwanag niyon ay nakita nila ang susi sa kagandahan.

Iya'y ang tamang hakbang patungo sa mabuting pakikihamok, na siyang dapat isagawa ng mga táong nangakataas ang mga kamao at nagpapakilalang may malasakit daw para sa kapwa at bayan.

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Ang Mga Tinig sa Tradisyonal, Moderno, at Postmodernong Panulaang Pilipino

mdligaya's picture

napakadetalyadong dekonstruksyon

magaling ang analysis, salamat at nagustuhan mo ang aking tula..

mdligaya....

maniwala ka.... mahusay na makata at mahusay na kritik yang si Mr Alex. Pakinggan mo siya kung gusto mo magmakata....

 

hindi okay para sa akin yung

hindi okay para sa akin yung shift/drift ng last 2 lines...

 pero masarap basahin nag tula mo.