Sa Bawat Pag-alis, May Naiiwan

mdligaya's picture
|
 Sa Bawat Pag-alis, May Naiiwan
 
 
Sa bawat pag-alis, may naiiwan
Mga nalaglag na dahon ang iniiwan ng ulan
Mga binungkal na lupa
Mga liham na nabasa
Mga batang naulila
Sa pagmamahal at aruga
 
Sa bawat pag-alis, may naiiwan
Mag-isang natutulog sa liwanag ng buwan
Ang matandang iniwan ng kabataan
Kalungkutang iniwan ng kasiyahan
Kasintahang nangibang-bayan
Inang hindi nasilayan
 
Sa bawat pag-alis, may naiiwan
Dyaryong naiwan sa tren
Pitakang nalaglag sa jeep
Mga ala-alang nabaon sa limot
Naiwan man o iniwan
Sa bawat pag-alis, may naiiwan..