PULUTAN ni Norman Wilwayco

Rom's picture
|

Pulutan

 

isa sa mga kwentong 'wasak' na nakapaloob sa antolohiya ng librong RESPONDE mula sa BLACKPEN publishing

 

Tuta pa lang si Doro, alaga ko na. Bigay lang ng kumpare kong taga-Bulakan. Nanganak kasi 'yung aso niya. Alam niya, mahilig akong mag-alaga ng aso. Bago pa man dumating si Doro sa amin, tatlo na ang aso ko noon. 'Yung isa, imported, Doberman, 'yung dalawa naman, lokal lang. Pero kahit lokal ang mga iyon, magaganda ang lahi. Pare-parehong lalake. Hindi kasi ako nag-aalaga ng babae. Problema lang kapag nanganak.

 

Nung dinala ng kumpare ko sa amin si Doro, naging apat na ang aso ko. Okey lang, malaki naman ang bakuran namin. Tuwang tuwa pa nga ang misis ko noon dahil ang cute daw ng tuta, mataba tapos sobrang likot at harot. Pero ganoon naman lagi, kapag tuta pa lang, maganda pero kapag lumaki na, akala mo asong palengke.

 

Ganoon nga ang nangyari kay Doro. Noong maliit pa, daig ang teddy bear sa kakyutan. Noong lumaki, nagmukhang asong kalye. Malayo ang hitsura sa mga alaga kong iba. Si Doro kasi, maiigsi ang balahibo, payat ang buntot na akala mo lapis na binaluktot, laylay ang isang tenga na hindi ko malaman kung talagang ganoon na siya ipinanganak. Ang kulay ay itim na may batik-batik na brown, parang Dalmatian na peke.

Noong tuta pa lang iyon, siguro mga apat na taon na rin ang nakakaraan, problema talaga namin 'yon. Kase nginangatngat ang mga tsinelas namin. Pati 'yung rubber shoes kong padala ng kapatid kong nasa Saudi, hindi nakaligtas. Ngatngat hanggang suwelas. Naiwan ko lang sa may pinto isang gabing umuwi ako ng umuulan. Kinabukasan, goodbye Reebok na. Laki ng galit ko noon. Talagang 'yung dampot ko na 'yon ng kahoy, saka ko pinagpapalo. Abot hanggang kalsada ang iyak ni Doro. Ilang araw din siyang pipilay-pilay noon. Sabi ng misis ko, "Dear, dalhin natin sa beterinaryo kase dumudugo ang ilong". Sabi ko nama'y hayaan nang mamatay. Kapag nabuhay, palakihin lang ng kaunti saka katayin.

 

Pero matibay talaga si loko. Isang buwan lang, okey na ulit. Pero hindi na kumakain ng tsinelas at sapatos. Nagtanda na mula noong pinalo ko. Iba naman ang pinagtripan. Akalain mo ba namang 'yung mga sinampay ni misis ang napagdiskitahan. Kalalaba lang ng mga kumot namin at kobre kama, medyo basa pa sa pagkakasampay kaya halos sumayad sa lupa. Noong bandang hapon, kukunin na ni misis 'yung mga sinampay, bigla siyang nagulat dahil nawawala 'yung kumot at kobre kama. Nang makita namin, tinangay pala ni Doro sa silong ng bahay at ginawang higaan. Umuusok sa galit si misis noon. Putang ina 'ikang aso 'yan. Katayin mo na nga 'yan.

 

Hanggang sa medyo lumaki na si Doro, hindi kami nawalan ng problema. Pati mga aso kong iba, hindi siya kasundo. Palibhasa, disiplinado 'yung iba kong aso kaya ayaw sa kanya. Tuwing lalapit siya, inaangilan. Tuwing kainan, madalas si Doro ang nangunguna, tapos hindi pa siya kuntento sa pagkain niya. Kapag nalilingat 'yung ibang aso, sumisimple si Doro sa kainan nila. Kapag nahuhuli ko, tinatadyakan ko kaagad ng isang matinding tadyak. Mabuti 'yon para hindi mamihasa. Pero wala talagang dala. Kapag 'di ako nakatingin, ganon pa rin ang tirada ni loko.

 

Isa pang naging problema namin, ito'y noong medyo malaki na si Doro, siguro mahigit isang taon na siya noon, kinagat 'yung anak ng kapitbahay namin. Sa tingin ko, kasalanan ng bata, malamang binato o kaya nama'y inasar niya si Doro. Siyempre, bakit ka naman kakagatin ng aso kung hindi mo ginago. 'Yung bata kasing iyon, madalas sa bakuran namin. Palibhasa'y marumi 'yung bakuran nila, kaya sa loob ng bakuran namin naglalaro. Komo nga't kapitbahay, hindi na siya pinapansin ng mga aso. Siguro pinagtripan niya 'yung aso.

 

Puta, laplap 'yung hita ng bata sa tindi ng kagat ni Doro. Hiyang-hiya ako noon sa kapitbahay namin. Ginastusan ko 'yung pagpapagamot sa  bata. Tinahi 'yung sugat tapos tinarakan ng anti-rabies. Hindi naman kasi nila ako masisisi kasi sila ang may kasalanan. Pumasok sila sa bakuran ng may bakuran.

Si Doro naman, hindi ko malaman kung ano ang gagawin. Tarantado talagang aso iyon. Wala na ngang konsuwelo, puro problema pa ang ibinibigay sa amin.

 

Minsan, tumawag sa akin sa opisina 'yung panganay kong anak. Nagkataong wala ako noon dahil may iniutos sa akin 'yung boss ko. Pagdating ko sa office, sabi ng mga kaopisina ko, tumawag nga raw 'yung anak ko. Tawag naman ako sa bahay. Ang nakasagot, yung bunso ko. Wala raw doon ang nanay. Tanong ko nama'y nasaaan. Sabi'y nasa ospital daw.

Sadsad ako ng uwi. Kabado ako noon. 'Yun pala, 'yung anak uli ng kapitbahay namin, kinagat uli ni Doro. Matindi ang kagat kaysa noong nakaraan.

Ganito pala ang nangyari. 'Yung batang kinagat ni Doro, rumesbak. Tumiyempo ng tanghaling tapat dahil alam niyang nasa eskwela ang mga anak ko, tapos si misis naman, naghatid ng mga tinda niyang tocino sa palengke. Pasok 'yung bata sa bakuran namin at may dala-dalang tirador. Itong bata ngayon, tinirador si Doro. Akala niya kasi, makakaganti siya ng ganon-ganon lang. Iyong takbo ni Dorong iyon, sinugod ang bata at sinakmal sa leeg. Ang nahagip, ang kanang balikat. Iyak si bata. Tapos hinagip naman sa binti. Laplap din. Kagat naman sa braso, lintik, wakwak ang laman. Siguro nakakalimang kagat na nang mapansin ng mga nagdaraan sa kalsada. Iyon, tiyempo namang papauwi na rin si misis dahil malapit lang naman 'yung palengkeng pinaghahatiran niya ng mga tocino.

 

Muntik na akong mapaaway noon. Pinagtanggol ko 'yung aso ko kasi kasalanan naman talaga nung bata. Pero talagang nakakaawa'yung bata. Siguro, mga sampung taon lang iyon. Isipin mo, pinagkakagat ng aso. At hindi lang basta kagat, ha. Talagang wakwak ang mga laman-laman.

 

Ang solusyon, kadena. Itinali na namin si Doro. Pero nagkaroon uli ng problema. Iyong tatay naman ng bata. Pumunta kasi sa bahay para makipag-ayos. Pastor kasi iyon kaya siguro, naisip niya na hindi maganda para sa image niyang relihiyoso ang mayroong kagalit na kapitbahay. Eh, di pumunta  nga ng bahay para makipag-ayos na. Alam niyang nakatali na si Doro kaya kampanteng- kampante siya. Ang hindi niya alam, sa may pintuan namin itinali si Doro. Akmang kakatok na siya nang biglang gumuhit ang hapdi sa hita niya. Si Doro kasi, hindi na tumatahol. Basta na lang nanununggab. Itong kawawang kapitbahay, si pastor, naghumiyaw sa sakit. Putang ina, sa galit siguro ni loko,'yung dampot ng malaking bato, ibinato kay Doro pero hindi tinamaan. Yung bato, tumama sa may bintana, basag ang salamin. Eh, di labasan kami ng bahaypara tingnan kung ano'ng nangyari.

 

"Putang ina, 'yang aso n'yo, kinagat ako!"

Hiyaw ng hiyaw si pastor. Pero hindi naman malalim ang kagat. Naayos din namin sa barangay captain. Nagbayad ako ng apat na libo. Kung tutuusin, panalo ako sa usapan dahil nakatali naman 'yung aso ko. Wala akong kasalanan. Siya itong may kasalanan dahil alam na niyang may aso kami, hirit pa rin siya ng pasok. Pero, alam mo, ayoko ng marami pang usapan kaya nung nagbanggit na siya ng pera, tinanong ko kaagad kung magkano. Dalawang libo raw. Binigyan ko ng apat na libo para matahimik na. Sabi ko nga, ayoko ng marami pang usapan.

 

Minsan, pagkagising ko sa umaga, lumabas ako para kunin sa may pasamano 'yung rasyon ng diyaryo. Napansin ko agad ang kainan ni Doro. Puno ng pagkain. Naisip ko, bakit hindi kumain ito? Nilapitan ko at tinapik sa ulo para malaman kung may sakit. Paro masigla naman at mukhang wala namang sakit. Bigla kong naalala na ako nga pala ang nagpakain sa mga aso noong nagdaang gabi. Natatandaan ko, pinanood ko si Doro habang kumakain. Nagtaka ako kung bakit may pagkain sa kainan ni Doro. Nagduda na ako. Sinipat ko 'yung pagkain, inamoy-amoy ko. Puta, amoy betsin. Aba, nilagyan ng sangkatutak na betsin. Nangingislap nga ang ibabaw, eh. Buti na lang, hindi kinain ni Doro. Matalino si loko. Mula noon, nirespeto ko ang talino ni Doro. Naisip ko, ibang klaseng aso ito, ah. Mula noon, tinatapik-tapik ko na si Doro. At para asarin 'yung kapitbahay namin, dahil siya lang naman talaga ang magtatangkang lasunin si Doro, naglagay ako ng sign sa may gate ng bakuran: MAG-INGAT SA ASO. HUWAG TANGKAING LASUNIN ANG ASO DAHIL MABIBIGO LANG KAYO.

 

Siguro, laki ng asar ni pastor nang mabasa 'yung notice. Tawa lang ng tawa 'yung misis ko. Kase alam niya rin na 'yung kapitbahay namin ang may pakana ng paglason.

 

Magbebertdey ako noon. Kinakantyawan ako sa trabaho. Kailangan daw na bumaha ng beer sa amin. Ako naman, napatango. Siyempre, mahirap nang tumanggi sa kantyaw. Alam mo naman tayong mga lalake, pagdating sa ganyang mga inuman, kapag nagkantyawan, kahit ipangutang ko na kung wala akong pera. Lunes ang birthday ko pero itinaon na namin ng Linggo para walang pasok sa trabaho.

 

Ayoko na sanang katayin si Doro kase medyo wala nang problema dahil nakatali na siya noon. Kaya lang, kasubuan na. Maaga pa lang ay nasa amin na sina  Pareng Jules at Robert. Pinawalan namin si Doro. Takbo si Doro sa bakuran. Maya-maya ay tinawag ko. Lapit si Doro sa akin, naglulundag. Tinapik-tapik ko sa ulo. Hindi niya alam, nasa likod niya si Pareng Robert, may hawak na kahoy. Pinalo ni Pareng Robert sa ulo. Hindi napuruhan, pero lumawit ang dila ni Doro. Malalim ang ungol at basag ang tahol. Tinangka ni Dorong sakmalin ang braso ni Pareng Robert. Sabi ko na, matalino si Doro at alam niya na ang braso ang kailangang sakmalin dahil ito ang may hawak ng kahoy. Nakaiwas si Pareng Robert. Si Pareng Jules naman, may hawak ding kahoy, hinampas si Doro sa ulo. Hindi na naman napuruhan. Basag ang tenga at sumasargo na ang dugo sa lupa. Magkahalong ungol at tahol ang pinawalan ni Doro. Hindi pa rin siya nanlulupaypay. Alam niya na kailangan niyang manlaban. Kahit halos basa na ng dugo ang buong ulo, umiiwas pa rin siya sa mga hampas. Nanlalaban pa rin. Andami nang tama, sa katawan, sa ulo, sa paa. Abot-abot pa rin ang iwas nina pare sa mga sakmal ni Doro.

 

Siguro natantya ni Doro na wala na siyang laban. Tumakbo siya sa likuran ko at doon nag-uungol. Nakalawit ang dila sa gilid ng bunganga pero malalim ang ungol. Nakita niyang papalapit si Pareng Jules, kaya ang ginawa niya, nagsumiksik sa paanan ko. Gusto niya yata, ipagtanggol ko siya,. Tinadyakan ko si Doro at sabay alis ako sa kinatatayuan ko para makabuwelo si Pareng Jules. Siguro nagulat si Doro. Nagkatinginan kami. Hindi niya inda ang paglapit ni Pareng Jules. Siguro sa tinginang iyon, noon pa lang niya naintindihan ang lahat. Hindi na siya umiwas sa hampas ni Pareng Jules. Isang palo, sa may bandang nguso, patay si Doro.

 

Umuusok ang kaldereta sa bakuran. Inuman, kainan, tawanan. Nakaligtas ako sa kantyawan.

 

Tinatanong mo kanina kung hindi ba ako kumakain ng aso. Nagtataka ka siguro kung bakit hindi ako namumulutan. Puro mani lang itong nilalantakan ko. Ang totoo, pare, hindi na ako kumakain ng aso.

 

Ano'ng oras na ba? Maaga pa pala. Umorder pa tayo ng isang round bago umuwi.

 

 

to order the book RESPONDE  please click HERE

 

RESPONDE


Jack Alvarez's picture

inaantok ako pag nagbabasa ng mahahabang akda

sa pelikula, kay Tarantino lang ang pinapatulan kong panoorin sa mga eksenang may mahahabang dialogue.

inaantok rin ako pag nagbabasa ng mahahabang akda. pero sa mga akdang tulad kay wilwayco. hindi. noong 2008 ata nabasa ko ang isa sa mga akda niya ang Mondomanila. at nagustuhan ko. swabe ang kanyang storytelling pagkatapos may kurot sa ending.

Rom's picture

pareho tayo Jack, si

pareho tayo Jack, si tarantino lang ang tanging impluwensya ko sa paggawa ng mga transgressive fiction kung pelikula ang pag uusapan. minsan si chris nolan. sa literatura naman, nagsusulat na ako ng transgressive fiction nang masumpungan ko si Norman Wilwayco at may pagkakahawig ang mga tema namin. kaya imbes na i-publish ko ang sarili kong mga gawa, siya ang pinublish ko :)

 

KarikaTuura

Jack Alvarez's picture

maganda yun. wala ka bang

maganda yun.

wala ka bang balak magself-publish? ako aariba in Apr or Jun. Pinafinalize ko na lang.

sabi nga ng iba, mababaw pa rin ang istilo ni Wilwayco. Pero para naman sa kin, hindi. marahil ay trip ko yung mga gawa nya. pero kung pagbabasehan sa lengwaheng gamit niya like yung sa Mondomanila. swak na swak dun sa protagonist nya.

like nitong sa Pulutan, yung pagkukuwento niya, yung pagkukuwento talaga ng isang karaniwang tao. maaattach ka dahil yung language, akma dun sa karakter.

Rom's picture

non-fiction

 may balak ako Jack, pero non-fiction ang gusto kong unahin. mas may tama sa akin ang pagsusulat habang binabybay ang mga nagdaang taon sa buhay ko. tsaka ang estilo sa kasalukuyan ngayon ng pagsusulat ng non-fiction ay nanghihiram na sa fiction kaya't di mo halos makakapa ang pagkakaiba--pero sa isip mo ay totoong nangyayari ang mga binabasa mo. autobiographical or confessional na post modern :)

sana mailabas ko ngayong taon na ito. ayos yan mauuna ka lang siguro ng konti sa akin, kung sakali tulungan kita sa promotion :) 

 

KarikaTuura

Jack Alvarez's picture

wow.

thanks rom. may ginawa akong page sa FB. sana pala post ko rin dito. mga patikim kunwari yung posts ko dun.

yung koleksiyon ko ng flsh fiction autobiographical rin ang istilo. yung iba ata na post ko dito sa FW.

uy, salamat ha. basta pag ma-finalize na. ill give u a cue.