PAGTAHAK SA GUNITA (ni Allan Andres)

Allanjohn Andres's picture

-

i.
Kumbakit sa gunita ay namumulaklak ang araw
tuwing Linggo nang umaga.

Mura kong puso ay mapintog na lobo
habang ang oras ay tuwid na nakaupo

sa loob ng simbahan. Mahigpit na nakabuhol
sa pulso ang tagpo ng kamusmusan. Malinis

at plantsado ang bihis ng Novaliches. Ikinakahol
ng kinakabag na ispiker ang basag niyang paanyaya

sa sinuman sa aming nagnanais mabasbasan,
isang biyak na biyaya o pala-palapag mang pagpapala

para sa kaloobang tila hindi nauubusan
at walang katapusan ang pinapasang tag-ulan. Naririto:

kami: at kung pahihintulutang muli, tutuntunin namin
ang nalagot na pusod pauwi sa Mahal Na Ina

ng Palagiang Awa. Naririto: itinatanghal ng aming dalit
ang abang pagsamo para sa pagkakamit ng katubusan:

para sa hilera ng may-sakit na matayog pa sa langit
ang tinitingalang himala; para sa mag-asawang

nagpapagpag ng hinala sa gabing di pag-uwi
ng panganay na dalaga; para sa kaklaseng si Elsa

na walang palya kung mangamkam
ng medalya sa eskuwela. Naririto: kaming hindi na sikreto

sa bawat isa ang ibinubulsang kalbaryo at dusa:
kaming butil-butil na rosaryo ang koronang pawis

sa mga noong lubhang pinakikinis ng pag-aantanda.
Pawis itong humahalo madalas

sa langhap ng ipinapahid naming pomada
upang dumulas ang gusot ng naalimpungatang umaga;

sa sangsang ng sampagitang nalalanta, nakabiting
kasama ang mga pithayang naantala;

sa amoy ng mantikang umaanta
sa paulit-ulit naming paggamit upang magkalasa

ang idinidighay na pangarap at pag-asa.
Naririto: bumibikig sa bunganga ng templo

ang Babel ng bukambibig naming hibik at pakisuyo
habang kapiling naming naglalako

ng panata at panalangin sa hangin
ang sumasagitsit na anas ng fishball-prito

at bagoong-gisado; ang taimtim na paghingi ng pansin
ng naglalako ng popcorn, masebong pinipig

crunch at drumstick, milagrosong banig
ng sweeptstake at dibidendaso, tag-trenta sentimos

kada baso ng pinaghalo-halong uhaw,
laway at buko. Naririto: ang anyo ng aming sanduguan:

ang katibayan ng kasunduan
sa pagitan ng mga peregrino at bagamundo,

sa pagitan naming pawang estrangherong
naliligaw sa simpleng pagparoon at pagparito, pagpasok-

paglabas sa puwang ng kanya-kanya naming pagkatao.
Naririto at naririto kami: isinasandal pangsumandali

ang nalinsad na pakpak sa mesi-mesitang dambana
ng estampita at agimat, sa mitsa ng kandilang

magkakaiba ang kulay at sukat, sa ugat-ugat na pampaampat
sa mga sugat at lamat ng pagkabahala,

nariritong lahat at palagi naming dala-dala
tuwing Linggo nang umaga.

ii.
Sa ganitong paraan isinaayos
ang bagay-bagay: Pagkatapos iraos
ang mahabang oras ng paghihilamos

ng lingguhan naming lisya’t kasalanan,
nagaganap ang ganap na katubusan
habang tinataboy kami ng lansangan

palayo ng simbahan. Dito, sa lupa,
ang paraisong-takda para sa bata:
de-hatak na trak gawa sa kuping lata;

kapis na sirkerong magilas ang ikid
sa palo-tsina at baras na sinulid;
manok na yumuyugyog sa bawat higit

ng halungkag na itlog yari sa plastik;
bagong pinturang balahibo ng itik,
dilaw, berde, blue at tintang kulay-putik.

Ganitong Linggo at tapos na ang misa,
bago umuwi’y malamang bumisita
sa nakagawiang ruta ng bituka:

Dory’s na walang-paris ang crispy pata;
Pusang Bola-bola, astang pambobola
sa amin ni kuya; Puto at kutsinta,

tikoy at okoy sa kalye ng Susano;
Sarsi’ng mahalumigmig at pan de coco
sa malamig na Lagrimas at Toledo.

At kung hindi masyadong nag-aapura
at may kaunting sobra sa subing barya,
suot nami’y sinusurot na orkestra

hagad ang kabag pagtunghay kina Chichay
at Amay, Dolphy at Nida. Nang maratay
si Tatay at pumait ang aming laway

sa paghalughog ng tugon sa orasyon,
naudlot ang pagparito’t pagparoon
sa kalsada mo na pawang tagatipon

ng tuwang nagkalat sa murang gunita;
Nang tibagin upang gawing talipapa
ang Goldmine, at palagi nang nagmumura

ang tumpok ng nabubulok na basura
sa galising matris ng ‘yong eskinita;
Nang bakbakin ang kulay-pulang baldosa

kapalit ng marmol, at di mapigilan
ang biglang-dami ng mall at pamilihan
sa tabi ng pinagara mong simbahan;

tila lobong humulagpos sa ‘king tangan,
dagling umilanglang sa kung saan-saan
ang masasayang saglit ng kabataan.


alunsina's picture

Pagbungad ko sa computer ay

Pagbungad ko sa computer ay una kong nakita ang email tungkol sa new blog update mo.

Magaan dalhin ang tula mong ito. 

 

Gandang umaga!

Allanjohn Andres's picture

kumusta...

At nasaan na ang mga bago mong gawa?

Rhea Stone's picture

!

 

(*sigh*) Kailan kaya ako matututong makapagsusulat ng ganitong kakulay na akda?  

 

Titulo: Naging buod ng nilalaman ang titulo ng akda. Isang ‘Pagtahak sa Gunita’. Paglalakbay ng isip sa mga alaala ng pagkabata. 

 

Porma: Nahati ang tula sa dalawang parte. Unang bahagi (i) ay ang paglalarawan ng tauhan sa tula sa lugar (lugar na kinatatayuan ng simbahan) sa nakaraan at ang ikalawang bahagi (ii) ay ang paglalarawan ng tauhan sa lugar sa kasalukuyan. Ang dalawang bahagi rin ay paghahambing sa iisang lugar sa magkaibang panahon (nagdaan at kasalukuyan).  

 

Ang paghahati nyo po ng mga saknong ang gusto kong matutunan. Hindi konbensyunal ang paghahati ng mga saknong dahil hinahati ang mga taludtod nang hindi pa tapos ang diwa nito. Humahanga po ako sa mga nagtatagumpay gawin ang istilong ito (*kahit kailan po ay hindi ko pa nasusubukan ito, pakiramdam ko po kasi ay mahirap*). Dapat kasi kahit na hindi konbensyunal ang paghahati ng mga talutod ay maayos pa rin ang daloy ng mga ideya. Naging maayos po ang daloy ng mga ideya sa bawat saknong dahil po sa matagumpay ninyong paggamit ng mga wastong bantas. 

 

Ang galing n’yo po sa descriptive writing. Haplos lahat ng five senses ng mambabasa. Mula sa mga bagay na nakapalibot sa simbahan, sa mahalumimig na gulaman at buko, sa amoy bulok na eskinita, hanggang sa ingay ng mga taong naglilimayon sa simbahan. 

 

Madulas din ang daloy ng mga salita sa tula katulad ng daloy ng mga imahe kapag tayo ay bumabalik sa ating mga alala. 

 

Nilalaman:  

 

Masarap basahin ang nilalaman ng tula dahil nag-eenganyo itong maglakbay din ang mambabasa sa alaala ng pagkabata (tagpuan: simbahan). Tumatalakay rin ito sa pagbabagong-bihis na nagaganap sa pag-unlad ng isang lugar.  

 

 

http://reyastone.blogspot.com/

Allanjohn Andres's picture

!

Hinggil sa selektibong praktis ko ng pagbabasag ng linya, ang pangunahing kinakamit dito ay ang iskema ng internal rhyming. Shamelessly,  may bahid-impluwensiya ito ng aking pagkahumaling sa mga tulang Filipino ni Cirilo Bautista, gamit ang mga sumusunod niyang koleksiyon bilang pangunahing sanggunian: "Sugat ng Salita", "Kirot ng Kataga", at ang huli ay seleksyon ng mga trabaho mula sa nabanggit kong dalawang libro na inilimbag ng UP Press. Sa kasalukuyan, alam ko ay out-of-print na ang "Sugat..."

Nakatutulong rin nang malaki sa bahagi ko ang malakas na pagbasa ng tula. Kumbaga, ito ang ginagamit kong gauge kung madulas na nga bang nabibigkas ang mga linya, gayundin kong na-achieve na ba nito ang isang antas ng indayog na ninanais ko. 

Rhea Stone's picture

!

 

Kuya,

 

Bigyan n'yo naman ako kahit isang sample ng tula ni Ginoong Bautista.

 

http://reyastone.blogspot.com/

 

Allanjohn Andres's picture

!

As requested. Isang tula ng makatang Cirilo Bautista. Paki-check na lang sa gmail mo   ;-)

Pag-uwi mo ng 'Pinas, paki-isponsoran rin ng memorial plan 'yong mga kuko sa kaliwa at kanang hintuturo ko -- kuko ng mga daliring tanging alam kong gamitin sa pagkalampag ng keyboard ng kompyu.

Maraming salamat uli sa pagbabasa, Rhea.

nostalgia na nakabatay sa

nostalgia na nakabatay sa espasyo ng lunan at panahon. ayus to men. naalala ko rito yung Sounds of Sunday ni Kerima Polotan lalo na yung sa unang bahagi ng tula. nakuha nito ang dating ng Linggo at pagdaan ng mga Linggo sa iisang lugar. 

 

sa lahat ng mga tula mo na narito ito ang pinakanaibigan ko.  

Allanjohn Andres's picture

alingasngas...

isang payak na pagpupugay at pasasalamat sa pagkakasa ng inyong oras para sa trabahong ito.

mabuhay po kayo!

 

Allanjohn Andres's picture

;-)

kalakip ang ilang revisions. ipapabasa ko lang po ulit. maraming salamat.

arvin95's picture

magaling.....di ko kaya ang

magaling.....di ko kaya ang ganitong istilo...

 

www.arvin95.blogspot.com