Pag-ibig. Laban. Pagsuko.

johncross's picture
|

"In the beginning was the word…”

Sumuko kana ba?

Ilang beses?

Maraming marami na?

Kasing dami ng bituin sa kalawakan?

Kasing dami ng buhangin sa baybayin?

Kasing dami ng theory ng mga scientist?

Kasing dami ng insecurities ko?

Kasing dami ng buhok mo sa kili-kili?

O kasing dami ng daliri mo?

Ilang beses nga ba?

Ako kasi maraming beses na. Tulad kanina, kahapon, nuong isang araw at noong noong noong maraming kahapon pa.

Naiisip mo na bang sumuko ngayon?

HUWAG KANG SUMUKO.

ALL caps para damang dama.

Huwag kang sumuko.

Hindi kita bibigyan ng dahilan para lumaban, pero sabi ng Switch foot, “Love alone is worth the fight”

Totoo yan.

I can attest to that. Ilang beses na kong tumumba, naapakan, at nadapa; napilay na rin, nasugatan, nabalian, nabaliw, naubusan ng dahilan para umiyak pero umiiyak pa rin. Sumuko kasi ako.

Ilang beses ko nang tinaas ang white flag. Ilang beses ko nang tinaas ang dalawa kong kamay dahil naubusan na ko ng flags. Ilang beses na kong lumuhod at nagmakaawa. Madaling gawin yon e.

Sumuko ako dahil alam ko kung paano lumaban. Sumuko ako dahil alam ko kung paano matalo. Sumuko ako dahil malakas at mahina ako sa parehong pagkakataon. Higit sa lahat, sumuko ako dahil alam ko ang pakiramdam ng umiibig.

Madalas akong atakihin ng insecurity lalo sa pagsusulat. Isa kasi ako sa dahilan kung bakit may grammar nazi, at galit sa anti-intellectualism sa Pilipinas.

“Bakit pa ako magsusulat, e wala namang babasa. O kung meron man, hindi naman iaapply. Effort pa.” “Babasahin nga, hindi naman ako i-iinform sa mali kong grammar–tsaka sa pagiging hindi cohesive at coherent at kung anu-ano pang writing rules na hindi nasusunod–hindi ako i-kokorek.” “stupid ako para paniwalaan.” “Mas maraming bright sa platform na gusto kong tayuan at nasulat na ng pinakamahuhusay ang mga naiisip ko pa lang isulat.” “Ayokong mag-isip, gutom ako.” ‘Yan at kung anu-ano pang utot ang mga naglalaro sa isip ko. Kaya madalas napapadali ang pagsuko ko sa pagsusulat.

Frustrated writer ako at marami pang gustong matutunan. Aware din akong hindi ko matuturuan ang sarili ko mag-isa pagdating sa pagsusulat. Sa ngayon, tinutulungan ko ang sarili sa pamamagitan ng sa pagbabasa ng mga blogs at libro. Kahit hindi sapat ang mga yan, nagpapatuloy lang ako dahil sa mga bagay na ginawa ko, sa pagsusulat ko lang naranasan ang tunay na tagumpay at pagkabigo. At hindi na mabilang ang pagsuko ko nuon sa ambisyon na magkakaroon ako ng sariling libro at maabot ang maraming tao.

Wala akong libro ngayon at hindi ko pa naabot ang maraming tao, pero nandito ako sa harap ng computer at nagtatype.

Wala ako sa lugar para sabihing tama ako at mali ang pinaniniwalaan mo. Hindi rin naman yon ang dahilan ko. Hindi ako nagsusulat para manghikayat–tingin ko. Sumusulat ako para magbahagi ng personal na kwento. At patuloy pa akong magsusulat dahil maraming marami pa akong matututunan.

Masakit mahusagahan, mahirap harapin ang katotohanan, nakakapagod magsimula ulit; nakakahulas. Ganon talaga… mahal ko e. Tatanggapin ko, kasi mahal ko ang ginagawa ko.

Kahit sinasabi ko dati sa sarili ko na susuko na ako, heto ako sumusulat pa rin—sumusulat ulit. Hanggang sabi lang pala ako. Hanggang reklamo. Pagtapos kasi ng araw, kahit iniinda ko pa rin yong sakit at hirap, magpapatawad pa rin ako. Kinabukasan, magpapatuloy pa rin ako. UULITIN ko ulit lahat at babaguhin ang dapat baguhin. Kahit hindi masaya at nakakadala, magpapatuloy ako, magpapatawad ako, at uulit ulit kasi… Mahal ko e.

Mahal ko ang karunungan. Mahal ko ang mga marurunong, pero mas mahal ko ang mga hindi. Mahal ko rin ang mga taong katulad ko na gustong matuto. Mahal ko ang pinaniniwalaan kong makakatayo rin ang mga inaapakan at paulit ulit na pinapatumba. Mahal ko ang buhay. Mahal ko ang Pilipinas.

Kahit mahirap. Kahit imposible. Kahit masakit. Wala e, mahal ko e.

Kung sa kabila ng pagod at hirap na nararanasan mo, maiisipan mong lumaban, siguraduhin mong pag-ibig ang dahilan kung bakit ka lalaban. Siguraduhin mong kahit mas malaki ang tyansa na hindi ka naman talaga mananalo at marami ka pang iluluha, tiyakin mong pag-ibig ang puno’t dulo. Kasi kahit ilang beses ka man pagtawanan at pasakitan, kung pag-ibig ang dahilan; simula pa lang—hindi ka pa man lumalaban—tagumpay kana.

Masasaktan ka, OO. Mahihirapan ka, sobra. Iiyak ka, ng mas maraming luha. Maraming beses mo rin maiisipang sumuko at talagang darating ka sa pagsuko dahil hindi mo na kaya…

… pero sa kabila ng lahat nang yan mas pipiliin mo pa rin ang pag-ibig.

Sumuko ka sa araw na to. Pero bukas, lumaban ka ulit. Kahit pa magsisimula ka ulit, laban lang. Patuloy kang umibig kahit masakit. Gawin mo yan dahil tagasunod ka ng dakilang utos: magmamahal ka para masaktan.

Hinding hindi ka kasi mananalo sa pag-ibig. Iibig at iibig ka.

Magalit ka at sumuko, pero huwag kang tumigil sa pagmamahal. Hayaan mong pagharian ka ng kapangyarihan ng pag-ibig. Dahil pag nangyari yon, kahit pagsuko na lang ang natitira, hindi kana bibigay, magsisimula ka nang tumibay: lalaban ka na.

Huwag kang sumuko, dahil hindi susuko ang pag-ibig sa’yo… lalo na kapag hindi kana ka-ibig ibig.