Oreo Chapter 1

et339h's picture
| | |

Chapter 1

My name is Lawrence Cruz. Im 5 years old. I love my Mama and she loves me too. I love my Lola, my Tita and Oreo. When I grow up, I want to be a doctor.

Eto ang assignment sa English na pinagawa samin ni Mam Pinky. Nagpaturo ako kay Mama kasi magaling sya sa english. Mahigit isang oras bago ko nasulat to ng maayos at malinis, kaya naman tuwag tuwa si Mama nung makita nyang tapos na ang assignment ko. Ang ganda talaga ni Mama lalo na pag nakangiti. Kaya ayokong malungkot sya.

Kami lang ni Oreo ang magkasama sa bahay ngayon. Hindi pa kasi dumadating si Mama, pero nag iwan naman si Tita ng pagkain namin ng pusa ko. Lumapit sakin si Oreo at kinalabit nya ang paa ko. Kakalabitin ko rin sana sya pero tumakbo sya palayo. Tumigil sya sa may sofa at nakatingin lang sakin, na parang may binabantayan. Gumagalaw galaw ang pwet at buntot nya. Bigla syang tumalon papunta sa akin pero lumampas uli sya sa ilalim ng binti ko at tumakbo palabas ng bahay. Hinabol ko sya, sarado ang gate. Wala syang ligtas. Haha. Doon ko nalamang gusto nya palang makipag habulan sa akin, at dahil kinalabit nya ako kanina, ako ang taya, at kailangang mahuli ko sya. Nakatingin lang uli sya sa akin. Ang cute ng mga mata ni Oreo. Malalaki. Kulay blue. Mga mata na kung titingnan mong maigi eh yung tipong hindi magpapatalo sayo. Minsan, ganun din ang mga mata ni Mama. Pero hindi kulay blue.

Hinarangan ko na lahat ng pwede nyang lusutan pero naisahan nya pa rin ako. Tumakbo uli sya paloob pero tumalon sya sa lamesa kung saan andun yung assignment ko. Patay. Baka magusot yung papel. Tinangka ko syang pigilan, pero tumalon sya sa ibabaw ng kabinet eh hindi nakasagad sa dingding yun kaya nahulog sya sa gilid. Nagkalabugan sa likod ng kabinet. Kawawa naman si Oreo. Mga ilang minuto ang lumipas. Hindi pa rin sya lumalabas. Maya maya , may kumaluskos sa ilalim. Alam ko sya na yun. Dahan dahan syang sumilip sa may ilalim ng kabinet, at tuwang tuwa ako.

May nakapulupot na tali sa paa nya. Hinila ko yung tali. Ang haba. Sa kabilang dulo ng tali ay nakapulupot din ito sa spring ng isang maliit na notebook. Binuksan ko yung notebook. Puro picture ni Mama. Ang ganda talaga nya. Pero dun sa ibang picture, may kasama syang lalaki.

Nakatingin sakin si Oreo. Tiningnan ko yung mga mata nya. Parehas kaming baby. Sabi ni Mama, kuting daw ang tawag kay Oreo. Mama cat plus Papa cat. Tiningnan ko ulit yung mga picture. Ako yung baby, andun si Mama, siguro, si Papa yung kasama nya.

Tiningnan ko ulit yung assignment ko. Binasa ko ulit yung sinulat ko. Umakyat si Oreo sa lamesa at tumingin sya sakin. Ang cute nya talaga. Kinagat ko yung dulo ng lapis ko para magkaroon ulit ito ng pambura. Dinagdagan ko lang ng konti yung assignment ko para mas maganda.

My name is Lawrence Cruz. Im 5 years old. I love my Mama and she loves me too. I love my Lola, my Tita and Oreo.......and Papa. When I grow up, I want to be a doctor.