Oreo

by et339h ( | | | )

Introduction.

Nasa school sana ako ngayon. Sayang, bago kasi yung crayons ko, eh nagpromise ako sa kaklase ko na puputulin ko yung kulay red, tapos bibigay ko sa kanya yung kalahati. Kaso sa ospital kami pumunta ni Mama. Ngayon lang ako nakakita ng ospital, malamig, amoy alcohol, hindi amoy chalk kagaya sa school, tapos madaming nakahiga pero hindi sila natutulog.

Pumasok kami ni Mama sa isang kwarto. Andun si Lola, nakahiga din. May sakit sya, parang ang hina hina nya pero sinalubong nya kami ni Mama ng kanyang matatamis na ngiti. Maganda pa rin si Lola kahit may sakit sya. Nakakatuwa nga, kasi magkamukhang magkamukha sila ni Mama. Si Mama ang pinakamagandang babae sa buhay ko. Hindi sya maputi katulad ng mama ng classmate ko. Ang saya saya ko pag nakangiti si Mama. Ayoko syang nakasimangot. Katulad nung isang araw, nung unang araw na dalhin namin si Lola sa ospital, iba ang itsura nya. Tinanong ko sya kung bakit. Sabi nya lang, Anak, ok lang ako, tapos pumasok na sya sa trabaho.

Kami lang ni Lola ang magkasama nun sa ospital. Naglaro na lang kami ng Ilong Ilong, kaso talo lagi si Lola. May sakit pa rin kasi sya, pero malapit na daw syang gumaling sabi ng doktor.

Nagugutom na ako. Ayoko ng ganitong pakiramdam. Siguro kung nasa school ako, baka nagrerecess na kami. Kanina pa kami dito tapos ayun,tulog na si Mama. Tulog pa din si Lola. Walang laman yung lata ng biscuit. Pero bukas ang pinto at may twenty pesos pa ako sa bulsa. Hehe.

Bumalik ako dun sa binabaan namin ni Mama kanina kasi marami dung tindahan. Bumili ako ng paborito kong Oreo tsaka palamig. Pero habang nakaupo ako sa gilid ng halaman eh isang maliit na pusa ang napansin kong nakatingin sa akin. Kulay puti sya na may halong itim sa katawan. Pumikit sya sa harap ko. Kumagat ako ng maliit na biscuit at inalok sa kanya. Lumapit yung maliit na pusa at kaagad na kinain yung Oreo na binigay ko. Hehe. Ayos. May bago na akong kaibigan. Naubos namin yung meryenda ko at parehas kaming nabusog. Masaya kaming nagkwentuhan kahit hindi ko sya naiintindihan, habang pakiramdam koy hindi nya rin ako naiintindihan, pero ok lang.

At sa di kalayuan, isang sitsit ang narinig ko. Napatingin ako at nakatingin din sa akin yung gwardya ng ospital.......kasama si Mama. Patay. Mapapalo na naman ako.

Tulad ng inaasahan ko. Napalo na naman ako. Pero ok lang. Hindi naman masakit. Hindi ko alam kung bakit kelangang gawin sakin ni Mama yun, pero sabi ni Lola, kaya daw nya ako pinapalo eh dahil mahal nya ako. Ayaw ni Mama na mawala ako, nagalit sya dahil iniwan ko sya. Tama lang siguro na paluin nya ako. Nagpromise ako sa kanya na hindi ko na uli sya iiwan.

Tanghalian na nung nakauwi kami. Naiwan si Lola sa ospital at kami lang ni Mama ang nasa bahay. Dahan dahan kong binuksan ang bag ko. Yes. Ok lang sya. Pumikit uli sya at nagsalita. "miiiiiiiw"

"Lawrence, bakit may kuting ka sa bag mo?" tanong ni Mama habang lumalapit sa akin. Tuluyan ko nang nilabas si Oreo para ipakita kay Mama, pero hindi ko naintindihan yung sinabi nya.

"Ma. Ano pong kuting?" ngayon ko lang narinig yung salitang yun.

"Anak, yan ang baby ng pusa. Mama cat plus Papa cat, yung anak nila, yun yung kuting. Yan yung baby cat, parang ikaw, parehas kayong baby." paliwanag ni Mama habang nakangiti sakin. Ganda talaga ni Mama.

"Oreo pala pangalan nya. San mo sya nakuha?"

"Sa ospital po. Kuting pala ang tawag dun. Pero Oreo tawag ko sa kanya, tingnan mo mukha syang Oreo. Hehe......

.

.

.

....pero Mama, kung ako ang baby mo, asan ang Papa?"

Hindi ko alam kung ano yung tanong ko, pero biglang tumigil si Mama. Mga ilang minuto ang lumipas, pinahid nya ang basa nyang kamay, at tiningnan nya ulit kami ni Oreo, pero nag smile lang sya sakin.

Patuloy kong hinahagpos ang likod ni Oreo. Tuwang tuwa sya sa ginagawa ko. Tinanong ko si Oreo kung nasaan ang Mama at Papa nya, pero parang hindi nya rin alam. Kawawa sya. Wala syang Mama at Papa. Swerte ko pala, kasi andito si Mama.

"Sige, Oreo. Mula ngayon, si Mama na ang Mama mo. Tapos ako na lang ang Papa mo. Ok ba yun?"

At pumikit uli sya sa harap ko.