Only the lonely (pagbasa sa tula ni Mike L. Bigornia)

kafka2501's picture
| | |
Salida
Mike L. Bigornia
University of the Philippine Press
1996

Sa unang tingin, mahihiwatigan ang pamagat na tula ni Bigornia na napapatungkol sa kalungkutan at pag-ibig gaya na lamang ng mga kantang Emo o ng Empty Chairs ni Don McLean. "Onli" da "lonli" salitang magkatugma, musika sa tenga kapag binibigkas ng malakas at napakalungkot sa puso kapag pinaglilimihan (contemplation). Parang tungkol lamang ang tula sa kasawian sa pag-ibig gaya ng English song na pinagkuhanan niya ng pamagat. Sa isang banda, tungkol nga ba ito sa kasawian sa pag-ibig? Basahin natin ng malakas (waiter, beer pa dito):  

 

Only the lonely

(kay MLK)

ni Mike L. Bigornia

 

1   Tayong anak ng lumbay lamang

2   ang ganap na nakakikilala

3   ng ganyang melodiya at lirik.

 

4   Isipin mo,

5   bawat subyang ng pantig na ihagkis

6   ng bibig ng mang-aawit ay banal

7   na imbitasyon upang mas sumigasig

8   ang ating panglaw at hapis.

 

9   Nakasalampak tayo dito

10 sa malamig na sona ng dilim

11 at waring ipinagdadamot

12 ang naimpok na kasawian.

13 Marami tayong pangarap

14 at mas hilig natin ang mahirap abutin.

15 Maaaring humihiling ako ng ulan

16 at ikaw'y ng mahabang tagtuyot.

17 Pero tignan mo, di ba't

18 para tayong langong arlekin

19 pagkindat ng malisyosang mga ilaw?

 

20 Sa bagay, talagang tayo

21 ang kartograpo't soberano

22 sa kilungib ng ating salamisim

23 na kay-ingat na inaruga't ginigiliw

24 tulad ng pagsimsim ngayon

25 sa lasong banayad na dumadaloy

26 sa dila't lalamunan.

 

27 Makatwiran samakatwid

28 na ituloy natin ang pagpapatianod.

29 Batiin natin at tagayan

30 ang ating sarili

31 at isiping isa lamang ito sa mga dulang

32 dapat marinig bilang awit.

 

33 Hala, laklakin mo ang iyong tagay

34 at parating na ang susunod na bote

35 at iba pang lason.

 

Hayaan niyong sipatin ko lamang ang panloob na aspekto ng tula. Hindi ko tatalakayin ang panlabas na aspekto nito (e.g. porma, disenyo, estraktura). Gusto kong talakayin ang tula ni Bigornia sa antas ng sensibilidad, kung paanong ipinadama sa akin ng tula ang ibang dimensiyon ng kalungkutan.

Tatalakayin ko, samakatwid, ang lulan na ginagalawan ng persona sa tula. Ang lulan, ayon na rin sa batikang makata at kritiko (mas gusto niyang tawagin ang kanyang sarili na editor) Roberto T. Anoñuevo, ay hindi lamang  tumutukoy sa pook na ginagalawan ng persona bagkus tinutukoy din nito ang isip at damdamin ng persona. Pumasok tayo, kung gayon, sa nararamdaman ng persona at sa lugar na ginagalawan niya ayon na rin sa mundong umiikot sa tula.

Nasa birhaws ang persona, umiinom ng alak, kasalukuyang nakikinig ng musika. Makikita ito sa line 3, 6, at 10. May kausap siya. Kung sino ang kausap ay hindi na mahalaga. Maaaring kaibigan, katokayo,  ikaw, o si MLK mismo kung ituturing nating ekstensiyon ito ng sarili ng makata.

Bakit sinabi ng persona na Only the lonely ang damdaming nararamdaman niya habang lango at ng kanyang kausap ng alak sa birhaws? Anong damdamin ito at sinabi niyang "tayong anak ng lumbay lamang" ang tanging nakakaramdaman ng "ganyang lirik o melodiya"? Pansining mabuti: anak ng lumbay. Napaka-powerful na salitang nagbubukas sa mundo ng persona. Ang persona ba dito'y katulad lamang ng persona na gaya ng nasa kanta ng Dashboard Confessional na Screaming Infidelities o ng Kuwarto ng Sugarfree?

Pansinin ang sinasabi ng persona na "banal" ang "bibig ng mang-aawit" (line 6) samantalang nakakaramdam siya ng "panglaw at hapis" (line8). Napakagandang paglalarawan. Bakit? Dahil pinagtabi mo ang magkasalungat na pahayag. Para sa persona, napakasagrado ang birhaws na tambakan ng mga negatibong emosyon gaya ng panglaw at hapis. Imbitasyon pa nga ito upang mas lalong sumigasig ang ating nararamdaman (line 7).

Sa unang basa, parang rant lamang ito ng isang kabataan na sawi sa pag-ibig. Isang lalaking nagwa-wallow at nagtatapon ng "naimpok na kasawian" habang nakasalampak sa loob ng birhaws (line 9 at 12). Tinutukoy ng persona dito ang birhaws bilang "sona ng dilim" (line10). Pero hindi ang ganitong klaseng persona ang tinutukoy ni Bigornia. Dahil kung ito ang punto ng tula ay sasabihin kong tapos na ang tula sa line 12 pa lang. Huwag na nating ituloy basahin sapagkat alam na natin kung ano ang mangyayari.

Bakit sinasabi ng persona na "marami tayong pangarap" at mas gusto ang mga bagay na "mahirap abutin" (line 13 at 14)? Anong klaseng persona siya? Napaka-thematic para akin ang linyang ito. Sa line 13 nagsisimula ang digression, sa aking palagay. Ang digression, na ginagamit ni Milan Kundera sa kanyang mga nobela, ay pag-abandona sa istorya upang mas lalong talakayin ang temang nakapaloob sa nobela. Sa kaso ng Only the Lonely, inabandona ni Bigornia ang nakasanayan nating konsepto tungkol sa buhay na nararanasan natin pagpasok sa isang birhaws at ipinasok ang ideya ng kalungkutan sa mas mataas na level. Lumiko ang tula, ika nga. Paanong lumiko? Papaanong ang kalungkutan dito sa tula habang lango sa alak ay hindi isang ordinaryong kalungkutan lamang?

Sabihin nating ang kalungkutan dito ay hindi isang damdamin na nararamdaman ng dibdib o libog ng katawan. Ang kalungkutan, sa madaling salita, ay damdamin ng kaisipan. Isang kabog ng isip na mahilig sa paghaharaya (imahinasyon). Samakatuwid, ang nagsasalitang persona dito ay isang makata.  Ang persona na maraming pangarap na mahirap abutin tulad ng "paghiling ng ulan o ng mahabang tagtuyot" (line 15 at 16).

Ang persona/makata na laging lango sa alak gaya na lamang makatang si Alejandro Abadilla o Ernest Hemingway. Mga makatang mahilig halikan ang haraya, mga "kartograpo ‘t "soberano" (line 21) na tagapag-ingat ng "salamisim" (alaala-line 22) habang  banayad na dumadaloy sa dila't lalamunan (line 25 at 26) ang alak. Alak bilang isang "lason" (line 25 at 35).

Ang huling tatlong linya sa ikatlong saknong (stanza) ay masasabi kong may-touch ng ideyang existentialism. Bakit? Pansinin ang paggamit ng salitang "langong arlekin" (payaso) at ang "malisyosang ilaw" (line 18 at 19). May pagka-comical ang dating ng taludtud.  Nasa isip ko dito yung dalawang magkaibigan, Vladimir at Estragon, sa Waiting for Godot ni Samuel Becket. Dalawang taong naghahanap o naghihintay ng liwanag. Sa kaso ng tula, ang tingin ng persona sa kanyang sarili ay isang payaso na nabubuhay sa komedya at trahedya ng "malisyosang ilaw" na ang literal na ibig sabihin ay ang aandap-andap na liwanag sa birhaws. Pero kung titignan ang malalim na kahulugan ay natutungkol sa galaw ng buhay.

Nasusundan ito ng mga salitang "pagpapatianod" "tagayan/ang ating sarili" "dulang" dapat pakinggan "bilang awit" sa ika-limang saknong. Parang sinasabing ganyan talaga ang buhay sa pagsusulat. Katulad din yan ng mga kantang naririnig natin dito sa birhaws. Mga kuwento ng buhay "bilang awit" (line 32). Ang awit na tinutukoy ng persona dito ay tinitignan ko bilang isang anyo ng tula na pwedeng isulat. Pansinin: "...dulang/ dapat marinig bilang awit" na pwedeng basahin ng ganito, tulang pwedeng isulat sa anyo ng awit (awit, isang tradisyonal na anyo panulaang Filipino).

Inom lang ng inom, ang sabi ng persona sa pinakahuling saknong. Itagay mo at marami pang "susunod na bote" (line 34). Isang paanyaya o pagbubunyi sa kanyang kaibigan na maaaring nagsasabing ating yakapin ang buhay. Hindi lang inumin kundi ating laklakin dahil marami pang parating na bote "at iba pang lason (line 35)."

Tinitignan ko ang huling taludtud, lalo na ang "lason", bilang simbolo ng iba-ibang damdamin na dala ng paghaharaya.  Alak bilang isang lason. Hindi nga ba napakagandang patungkol  ito sa paghaharaya? Ang lason na may pahiwatig ng parikala (irony). Napaka-tayutay kung gayon sapagkat kung ikakabit natin ito sa paghaharaya, ang lason ay hindi pumapatay kundi bumubuhay. Ang pagiging "anak ng lumbay" na nakakaranas ng panglaw at hapis ay maliwanag na kasiyahan pa nga dahil dito nag-uugat ang kanyang pagkamalikhain.            

Mikael Gallego


joenard's picture

Naging Maliwanag sya Sa akin

Naging malinaw sya na parang tubig.

 

Inanod ako mula sa bukal ng pagkatoto

 

-----Sarap maligo sa ulan------