Matagal Na Rin Akong Hindi Sumusugal

|
Matagal na rin akong hindi naglakbay nang biglaan
Mahirap kasing lumakad nang hindi alam ang pupuntahan
Sa pagtanda natin, mas marami na tayong alam
Kaya siguro maingat, dahil batid na natin kung pano masaktan
Matagal na rin akong hindi sumusugal
Sa pag-ibig, paglalakbay, o simpleng pagkakaibigan
Bakit nga naman lulugar sa alangan
Kung pwede namang sigurado na may patutunguhan?
Matagal na rin akong hindi lumalaban
Sa kasakiman at pagtanggap na lang sa kasalukuyan
Nawala na nga siguro ang liyab sa akin ng kabataan
Ang mag-alay ng buhay para sa sariling bayan
Matagal na rin akong hindi umiiyak
Naging bato na nga ba ang pusong dati ay payak
Natuto ba ako o naging mas matalino
O naging manhid na lang ba sa kahibangan ng mundo?