"KALBARYO"

benjamin grajo pereyra's picture
|

Normal 0

Sa kamusmusan ipinangako ang kapayapaan,

Isang pangarap na bitbit ng murang isipan.

Ang pagyakap sa abot ng kakayahan,

Nakakapit sa pag-asa ng magandang kapalaran.

 

Saling pusa sa laro…

Laro na wala kang laban.

Tagutaguan…

Taya ka na naman.

Habulhabulan…

Madalas kang napag-iiwanan.

Tumbang preso…

Hindi ka makalagpas sa hadlang na daraanan.

 

Ang kabataan ay pagharap sa panibagong buhay,

Isang mapusok na kwento ng mabilisang talambuhay.

Nakipagtagisan ng lakas sa katapangang pinagtibay,

Pagtaas ng saradong kamao sa maling tagumpay.

 

Saling pusa sa laro…

Nakipagsabayan sa mga nauna’t matitigas.

Tagutaguan…

Ang iwasan sapagkat kulang sa tikas.

Habulhabulan…

Pasugod na itayo ang pangalan at patunayang hindi aatras.

Tumbang preso…

Pagkitil sa katapangan dahil sa takot sa literal na paghimas

Ng malamig na rehas.

 

Sinikap burahin ang mga kaganapang sa buhay ay humalay,

Tinanggap at niyakap ang hudyat ng panibagong buhay.

Isang yugto na inakalang sa kapayapaan isa na sa nakahanay,

Ngunit may mga biglaang pagbaliktad na tila sampal ng kaliwa’t

Kanang kamay.

 

Saling pusa sa laro…

Tila paulit-ulit lang din.

Tagutaguan…

Hindi na sila mapapansin.

Habulhabulan…

Nakakapagod na maghabol sa mga takbuhin.

Tumbang preso…

Bilanggo sa paulit-ulit na pasang mabigat na ihip ng hangin.

 

Normal 0 “Di mo kailangang maging pinakamatalino o pinakamagaling sa lahat ng aspeto para lang may matalo ka. Ang mahalaga… sa bawat bagay na ginagawa mo nasa puso mo ba na panalo ka?”


Alexander Dagrit's picture

<

 

Ang temang nababasa ko sa tula mo ay ang pakikibaka sa buhay—mula sa kamusmusan hanggang sa katandaan. Ang buhay na tao ay puno ng tunggalian, pakikipagtunggalian, paghahabol, pakikihabol, pagkabigo, tagumpay, muling pagkabigo, muling pagbangon, o muling pananagumpay … mga siklo na paulit-ulit na lamang, at marahil ay nakasasawa at nakapapagal na para sa marami.

Kapansin-pansin ang mga linyang ito:

Pagkitil sa katapangan dahil sa takot sa literal na paghimas

Ng malamig na rehas.

Sinikap burahin ang mga kaganapang sa buhay ay humalay,

Tinanggap at niyakap ang hudyat ng panibagong buhay.

Isang yugto na inakalang sa kapayapaan isa na sa nakahanay,

Ngunit may mga biglaang pagbaliktad na tila sampal ng kaliwa’t

Kanang kamay.

Naging kimi ang persona na harapin ang isang bagay, dahil sa takot niyang mabilanggo. May pinagkaitan siya ng katarungan kung ganoon, maaaring ang sarili niya mismo, isang mahal sa buhay, o isang kaibigan. Ngunit sa bandang huli'y nabigo pa rin siyang ganap na makamit ang inaasam na kapanatagan, dahil sa kataksilan ng mga táong kanya pa man ding inaasahang kaiiralan ng katwiran.

Modernista ang tinig sa iyong mga tula. At sa pangkalahatan ay maituturing na makabayan at protest poetry ang iyong panulaan. Matagumpay ka sa pagsusulat ng gayong mga tula, marahil ay dahil bago ka sumulat ng tula, inalam mo muna kung ano ang mga tinig ng tula. Isang tungkulin iyan na kung hindi lubusang alam ay ayaw tuparin ng maraming nais maging makata.

 

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino 

Ang Mga Tinig sa Tradisyonal, Moderno, at Postmodernong Panulaang Pilipino

benjamin grajo pereyra's picture

Sir

Maraming salamat po sa pagbabasa at paghimay ng aking tula... napakaganda po ng pagkakaunawa nyo sa tula na nagawa ko.

Similar entries