"IsinuLat niya ang TaLambuhay ko"

by Friderick ( | | )

Matayog ang kinalalagyan ng Buwan sa madilim na kalangitan. Ang mga puno ay umiindak sa saliw ng hanging humahalik sa mga dahon nito. Ang mga Bituin noo'y nakalinga sa mga batang kahabaghabag. At isa na nga siguro siya sa namataan nito. Siya ay nakahilatay sa matigas na karitong kanyang ginagamit sa pangangalakal. Paturo-turo sa mga bituin na animo'y binibilang ang mga ito pero ang totoo'y wala siyang alam sa pagbilang.

"Sana  nakapag-aral ako. Sana ngayon ay may dunong na ako sa pag-basa. Sana ngayon ay maalam na akong isulat ang aking ngalan. Sana ngayon ay nabibilang ko yaong mga bituin sa itaas. Sana ngayon ay...  '', medyo malungkot ang kanyang mukha kung iyong makikita. Malungkot dahil siguro dinaramdam niya ang nasayang na panahon na dapat siya'y nasa lugar ng kaalaman. Malungkot dahil na rin siguro sa pagiging ulila niya sa kanyang mga magulang. Malungkot dahil na rin siguro sa natatamasang paghihirap. "Sana ngayon ay natutulog ako sa isang malambot na higaan.", sunod niya.

 Kinabukasa'y iginayak niya ang kanyang mga kagamitan sa pangangalakal, ang sira-sirang kariton at ang sisidlan ng kanyang kinikita sa isang buong araw.

"Bakal, bote, karton, papel, at tanso. Binibili ko ho.", mga katagang parating namumutawi sa kanyang mga nangatuyong labi. Ito ang isinasambit niya sa bawat bahay na kanyang nadaraan.

Ang malagkit na pawis na tumutulo sa kanyang maruming mukha ang nag-udyok sa kanya upang humito at sandaling magpahinga. 

"Gusto kong mag-aral.", bulong niya sa kanyang sarili. Sino nga ba naman ang makakarinig sa kanyang mumunting boses kung isisigaw niya ito sa madla? Tanging ang mga langaw lang na parating nakasunod sa kanyang ulo at dumaramay sa kanya sa oras ng kalumbayan.

"Kung nakapagaral lang talaga ako, marami siguro akong matitikmang masasarap na pagkain. Siguro kung nakapag-aral ako hindi na ako muling makararamdam ng gutom.", sambit niya sa kanyang sarili habang nakamasid sa isang tindahan ng Banana Cue at Palamig. Ang sikmura niya noo'y kumakalam na kaya't idinampi niya ang kanyang maruming kamay sa kanyang tiyan.

"Bata, gusto mo ng pagkain ?", alok ng isang kolehiyalang estudyante."Alam kong ika'y gutom na kaya heto tanggapin mo".

"Maraming salamat ! ", tugon niya habang kinukuha ang iniaalok na pagkain ng estudyante.

"Anong  pangalan mo ?", tanong ng dalaga habang rumaratig sa kanyang pag-kakaupo.

"Ang tawag sa akin ng aking mga kaibigan eh "Estong". Pero ang alam ko'y hindi yuon ang tunay kong ngalan.", nabubulunang sagot niya.

"Aahh, sige salamat sa iyong oras ha. Alis na ako may pasok pa nga pala ako", pamamaalam ng babae. "Ah teka, may libreng edukasyon nga pala para sa mga katulad mong ulila at kapus-palad. Kung gusto mong sumama ay pumunta ka na lang uli dito kinabukasan para masundo kita."

Tanging pagtango lang ang kanyang naitugon sapagkat abala siya sa pagkain ng Banana Cue. May kung ano sa kanyang dibdib ang kumabog ng marining niya na may libreng edukasyon.

Matapos ang pangyayaring iyon, pumasok na ang babae sa munting paaralan sa kabilang kanto. At siya naman ay tumuloy na rin sa pangongolekta nang makakalakal. 

Habang siya ay namumulot ng mga karton, may papel at lapis siyang nakita. Ito'y kanyang dinampot at isinilid sa isang plastik na nakasabit sa kanyang  sira at kupas na short. Isa na namang araw ang palipas sa kanyang buhay.

Kanya na muling inihanda ang kanyang kariton para sa kanyang pag-idlip. Nang siya ay aktong papikit na, naalala niya na may napulot siyang papel at lapis. Ito ay kanyang kinuha sa kinalalagyan. Kanyang nakita ang nakaukit na MONGOL sa lapis, ang nasa isip niya ay ngalan iyon ng nagmamay-ari ng lapis. Abot-tenga ang kanyang ngiti sa tuwing siya'y nakabubuo ng pigura. Siya'y tumulog na at napagdesisyunan niyang sumama duon sa paaralan.

Ang sinag ng araw at ang tilaok ng panabong na manok ang sa kanya'y nag-udyok upang bumangon na sa kanyang pagkakahilata. "Bote, bakal, papel, plastik, at tanso. Binibili ko ho", muling sigaw nya sa mga bahay na kanyang nadaraanan. Magtatanghaling-tapat na noon at handa ng sumunog ng balat ang sikat ng araw. Muli na naman siyang huminto at nagpahinga sa lugar kung saan siya tumigil kahapon.

"Oh, ikaw pala, Estong, tama ba ?" nakangiting tanong ng dalaga kahapon.

"Oo ako nga. Bakit ?"

"Pumunta ka ba rito upang sumama sa akin duon sa paaralan ?"

Wala ng naisagot si Estong kundi OO dahil sa bagay na kumabog sa kanyang dibdib. Nagtungo sila sa paaralan at sa kanilang pag-datal, mga batang katulad niya ang kanyang natunghayan. Ipinakilala sa buong klase si Estong.

Kapagdaka ng kanyang pangangalakal ay pumupunta siya ruon sa paaralan. Tinuruan siya duon kung paano ang bumasa at sumulat. Hanggang sa mapagtanto niya ang tama. Halos ilang taon rin siya naruon sa paaralan.

At sa tuwing nakakakita siya ng MONGOL, hindi niya maiwasan na mapangiti. Dinampot niya ang lapis at papel na nasa ilalim ng kartong kanyang pinagkakahigaan at sinimulang isulat ang talambuhay niya.

 "Matayog ang kinalalagyan ng Buwan sa madilim na kalangitan. Ang mga puno ay umiindak sa saliw ng hanging humahalik sa mga dahon nito. Ang mga Bituin noo'y nakalinga sa mga batang kahabaghabag. At isa na nga siguro AKO sa namataan nito. AKO ay nakahilatay sa matigas na karitong AKING ginagamit sa pangangalakal. Paturo-turo sa mga bituin na animo'y binibilang ang mga ito pero ang totoo'y wala AKONG alam sa pagbilang..."

 

-nawa'y inyong nagustuhan ang kathang isip kong kwento-

-salamat sa inilaan ninyong oras sa pagbabasa- 

 

Friderick

Ako ang batang manunulat

naglalayong mapalawak

ang kaalaman sa pagsulat. 


by Sherfie sherp on August 18, 2011 - 1:09pm

Ag galing mo naman. Punong puno ka ng talento sa pagsusulat. Sa napaka-ikling kwento na ginawa mo ay naramdaman ko na ang pagka-awa sa batang bida, sa susunod lagyan mo pa sana ng mga scenes na yung tipong na-aapi yung bata, kasi panigurado tulo-luha na ako dun.

:))))))

 

"Hangad ko ang kapayapaan sa KALAWAKAN. Manghuhuli ako ng BULALAKAW. Soon-to-be-ASTRONAUT ako, kung alam nyo lang." :))))))

by dj Prestousa on May 28, 2015 - 5:57pm

nice

by Friderick on August 19, 2011 - 8:00am

 Maraming salamat po at inyong nagustuhan ang aking ginawa. nakakataba po talaga ng puso ang inyong mga kumento..  Mas na-inspire pa po akong sumulat dahil po sa inyo.. Muli maraming salamat !

 

_________________________________

Ako ang Batang manunulat,

naglalayong ang kaalaman sa pagsulat ay mapalawak.

by dj Prestousa on May 28, 2015 - 5:57pm

nice