HALAW KAY LU XUN (Tula ni Allanjohn Andres)

by Allanjohn Andres

-
-

Ang mahal ko’y sa tuktok ng bundok nakatira.
Hinangad kong umakyat upang siya ay makita
subalit ang tuhod ko’y lampa at nanghihina.
Wala nang magagawa: tungo ang aking ulo
at nababad sa luha ang bagong-tahing polo.
Ang mahal ko’y naghandog sa ‘kin ng panyolito
masinsing binurdahan ng libong paruparo.
At ano’ng regalo ko: isang munting kuwago!
Parang kulang na lang ay tawagin niya ‘kong gago,
ewan ko ba kung bakit di siya natuwa dito

Ang mahal ko’y sa gitna ng lungsod nakatira.
Ninais kong sumunod nang kami ay maglapit
ngunit pa’no lulusot sa tindi nitong trapik.
Wala nang magagawa: Ako ay tumingala
at itong aking tenga ay napuno ng luha.
Ang mahal ko’y naghandog sa akin ng litrato,
dalawang magkasuyo na ibong ordinaryo.
At ano’ng regalo ko: makopang minatamis!
Hindi niya napigilang magbulalas ng inis,
ewan ko kung bakit siya dali-daling umalis.

Ang mahal ko’y sa tabi ng ilog nakatira.
Ibig ko mang lusungin upang siya’y makapiling
subalit ang tubig ay ubod pala nang lalim.
Wala nang magagawa: Yuko ang aking ulo
at nanuot ang luha sa suot na tsaleko.
Ang mahal ko’y naghandog ng mamahaling relo,
tubog sa ginto at may makikinang na bato.
At ano’ng regalo ko: gamot na pang-trangkaso!
Tinawag niya akong anak-ng-babaeng-aso;
ewan, pero tingin niya sa aki'y siraulo.

Ang mahal ko’y sa mansyon mag-isang nakatira.
Layon kong pumaroon at nang masamahan siya
ngunit ang aking kotse ay palyado at sira.
Wala nang magagawa: Ako’y iiling-iling
at ang aking luha ay tumilamsik sa hangin.
Ang mahal ko’y naghandog ng marilag na rosas,
elegante’t mabulas, mabango't bagong-pitas.
At ano’ng regalo ko: makamandag na ahas!
Pinanood ko lang bumula ang kanyang laway;
ewan ko, pero di naman niya ako inaway.


-
by Allanjohn Andres on October 4, 2015 - 7:43pm

-