GABI, BAGO MATULOG (ni Allanjohn Andres)

Allanjohn Andres's picture
|

-
Dumadalas ang oras na kayhirap matagpuan
ang mga lingid na landas tungo sa kanya-
kanya nating katawan. Malimit naiisip ko,
baka habang tumatagal ay hindi talaga
maiiwasan ang ganitong pagsasatubig ng balat,
bagay kumbakit ang mga dati-rati nang hugis,
kinis at sukat, o ang maririing gaspang
na gumugunita sa dakong ginuhitan
minsan ng mga sugat -- lahat ng ito ay nalulusaw
kahit sa pinakamababaw na paggalugad
at pagbabaka-sakali ng palad. Halimbawa
sa gabi, habang nakasalansan ang alinlangan
gaya ng matitigas na unan na di natin namalayang
namagitan na pala sa ating tabi. Wika mo,
diyan sa masisikip na butas at puwang
ng punda madalas kong ikubli
palayo sa iyo ang aking kaluluwa
dahilan kumbakit sa aking pagmamadali
bumangon ng kama tuwing umaga,
huli na bago ko maalala
na lagi ko ‘tong nalilimutang isama.
O minsan, 'pag ako'y abala
sa pag-unawa ng binabasang tula,
walang-babala na ilalapag mo sa dibdib ko
ang iyong daliri, saka itatanong
ang hinggil sa mga bahagi
kung saan matatagpuan ang mga palatandaan
na pupuwedeng maghatid sa iyo pabalik
sa nawaglit nating daan. Na sasagutin
ko naman ng tungkol sa mga anino
at iba pang bagay na, gayong alam nating
naririto, ay di pa rin mahawakan nang buo.
At dahil batid mong paulit-ulit nang ganito
ang aking sinasabi, muli tatayo ka
upang buksan ang mahinang tv,
o di kaya ay apurang ililipat ang mga pahina
ng aklat na dala mo parati. Mangyari,
mayroon ka talagang hinahanap. Isang gusot
o tiklop, kunwari. Isang tupi ng papel
na nagbibigay-tanda marahil
sa kinaroroonan ng mabulaklak na prosa
na alam mong maaaring sa guni-guni,
sa guni-guni mo lamang dati nabasa.