Foreign Exchange (j.luna)

j luna's picture
| |

 

Akala ko ay sapat na ang kape upang

pababain ang tama. Tamang mali—

may sabit.

 

Ang kuwarto'y tsubibong alon—

umiikot, gumugulong— sinasakal ako.

Nais kong isuka ang mga alaala—  at 

anumang lalabas sa aking bunganga'y

hahalukayin ko—

 

baka maikuwento nito sa akin ang mga

pangyayari kagabi— ayokong makalimot.

 

Gusto kong buuhin ang mga tawanang bumabarena

sa aking bumbunan at yumayanig sa aking isipan—

gusto kong alamin ang laman ng mga bulong at

kuwentuhan. Ang konteksto ng bawat paksa na sa akin

ngayo’y magulo. Gumugulo—

nakabibinging ugong.

 

Humigop ako mula sa tasa—

Sinadya ko ang mapait na timpla, subalit

sa likod ng aking dila’y may tamis na namumutawi—

naiiwan. Hindi ko maintindihan.

 

Sa radyo, isang awitin ang sumipa sa akin

pabalik sa kinatatayuan— lumapit ako’t ito’y nilakasan at

mula sa usok ng sigarilyo’y nakita kitang sumasayaw, sumasabay—

isang sintunadong pagkanta na musika sa’king tenga.

Muli’y bumalik sa akin ang iyong hitsura kagabi— ang

Pagkakapusod ng iyong buhok, mga matang malalim— malamlam

matangos na ilong, labi, baba, leeg—

 

ang iyong pagkabanyaga, ang aking pagiging banyaga sa iyong pagka-

banyaga at kung paano’ng sa bawat saglit ay pinagdurugtong tayo ng

tadhana, musika at serbesa o di kaya’y pinagkakalas nang pagkakaiba ng

pananaw at paniniwala—

subalit muling pinag-tutugma’t bumabagsak sa halakhakan—

 

masaya— masaya nga ang gabi—

gabi-gabing hitik ng tawanan, at

 

muli akong humigop ng kape, at humithit ng yosi.

Hindi kaiga-igaya ang iniiwang pait ng sigarilyo sa labi—

kabaligtaran ng sarap nito sa bawat malalim na paghithit—

tulad ng paghithit ko sa nakaraan— ilang linggo na ang nagdaan

simula nang ikaw ay nakilala. Siguro, ang aking

panghahawakan na lamang ay—

 

ang mga naunang impresyon—

 

ang unang limbag ng mga tulang noong panahong yun ay

bago— walang dungis o bahid ng malisyang nauwi sa paghangang

lumagpak sa pag-ibig

 

lumalamig na ang kape—

isang lagok pa’y ubos na. Muli akong nagtimpla, bago—

sariwa ang init— at muli,

nanariwa ang pait

 

nakaupo ka sa isang mesa sa bar na tambayan, bagong salta sa

isang malayong bayan— kasama mo noon ang mga ibang tulad mo—

subalit ikaw ang nangingibabaw. Nakita ko kung paano akong lumapit

at nagpakilala— ang simula. Ang simula ng pagbibilang ko ng

mga minuto, oras, araw, linggo— ilang linggo na lamang at ika’y lilisan—

subalit sa pag-uwi, ano ba’ng ipababaon sa iyo? Inis? Paghanga?

O isang bayong ng ewan?

 

Ang lakas ng radyo— nakalipas na ang awit mo, at ito’y aking

hininaan. Mahina— sapat upang muling marinig ang lutong ng iyong

pagtawa— muli

 

masakit parin ang aking ulo—

nilalagari, binibiyak— winawasak

 

naubos ang kape, at bigla’y ninais ko’ng tumikim ng alak—

ang lasa nito’y ang siyang namumutawi tuwing tayo’y magkasama—

kagabi, nakailan ba tayo? Noong mga nakaraang gabi—

ilan? Marami-rami na rin. Hindi magkukulang sa

isaandaang bote at ilang libong piraso ng sigarilyo na rin ang

ating naubos— habang ang oras ay nauupos—

tulad ng tawanan at pasensiya, na isang hirit lang ay muling

babalik sa matamis na halakhakan at kahun-kahon pang alak

 

lumabas ako’ng saglit, bumili sa tindahan— at sa aking pagbabalik,

 

binuksan ko ang serbesa— pinaguhit ang mapaklang likido papunta

sa sikmurang kanina lamang ay nagwa-wala’t naghuhumiyaw upang

umapaw— bumulwak— tulad ng

mga napigil na luhang kanina lamang

ay nagnanais nang bumuhos tulad ng ulan

 

galit ako sa ulan—

ayoko sa bagyo— ayoko sa basang lamig nitong hatid.

Pero, sa iyo— langit ang hatid ng luhang iniiyak ng langit—

at, sa gitna ng usap— ika’y biglang pumipiglas sa akap ng aking mga mata’t

tumatakbo pababa, upang magtampisaw at sumiping sa mga higanteng patak—

at ako— nakaupo’t pinanunuod ka, na tila batang naglalaro sa kalyeng lawa

 

naglawa na pala ang tubig sa paanan ng boteng ‘di ko pa rin ginagalaw—

inaantay na nito ang pagdampi ng aking mga labi tulad ng

 

pag-aantay ko sa pag-dampi ng ating mga labi—

 

isang lagok—

at isa pa, hanggang maparami— hanggang kayanin ko nang isambulat sa iyo

ang kabuuan ng aking pagkalango—

pagkalango't— pagkabangag sa iyong pagiging diyosa, na

ngayo’y pinipilit kong limutin— lunurin sa kailaliman ng alak, radyo at kape— at

isang tula— isang tula na isinulat at patuloy na isusulat

 

habang narito ako sa Katipunan— nagtatahi ng isang tulang umiinog

sa isang babae— walang kape sa harapan—

isang Redhorse Stallion ang  kaulayaw,at ang

musikang mula sa counter ay malayo sa trip mo. May pluma at papel—

 

wala sa loob ng aking bahay o sa loob ng berso— andito ako’t

tinatanaw ang samu’t saring naglalarong ilaw ng kuryenteng Marikina—

 

kasama ang alaala, hinaing at paghanga sa isang काव्य —

ang pangalang sinisigaw sa bawat pahinang

 

ako’y naging tulang hinabi sa isang wikang banyaga—

na tulad ko’y—  ‘di mo maiintindihan

 

‘di mo ito maiintindihan—

‘liban na lamang kung nais mong maintindihan

 

ang mga bagay na dapat kong maintindihan

we shall never understand it, I guess—

 

it lacks translation

perhaps

 

 

j.luna

Another exercise in using the "New Sincerity" model. Still a work in progress and under proofing and revisions.