Ang Pagliban ni Ardivia sa Trabaho

kwekwento's picture
| |

 

 

 

 

        Simulan ko kaya sa ganito, parang prologue? Wala, pang-badtrip lang kay Lopez. Para madagdagan pa ang dahilan niya kung sakaling gumatol siya sa pagre-resign ko. Pero kung kakagatin at pumatok sa mga nautong readers, gagawa ako ng sequel at iri-reveal na hindi naman ito horror, kundi isang imbestigasyon. At least, natangay ko sila. Napag-isip. Baka sakaling matauhan sa lumalalang kondisyon ng kanilang kahangalan. 

--------------------------------------------------------------------------

        May isang insidenteng gumimbal sa pagkatao ni Nario Simatra noong disinuwebe anyos pa lamang siya. Isang pangyayaring babago sa lahat ng aspekto ng kanyang pagkatao: pananaw, prinsipyo, etika, estetika, lohika, pakikitungo, pakiramdam, anyo, at higit sa lahat--sa pagkain.
        Bago iyon, sa murang edad na sampung taon, winarat na ng malagim na karanasan ang kanyang kamalayan. Walang habas na pinaslang ang mga magulang at mga kapatid niya sa loob mismo ng kanilang tahanan, tanging si Nario lamang ang nakaligtas at nagsilbing saksi. Ang masaklap, matalik na kaibigan ng kanyang ama ang nagsagawa ng karumal-dumal na krimen. Isa itong tipikal na balita na mababasa mo sa mga pahayagan o mapapanood sa telebisyon noong mga panahong iyon. 1996 ang taon na nailagay sa tugatog ang mga kasong masaker. Mga gahis na dulot ng pag-abuso sa droga, maling bisyo, hapis, pagkamuhi, inggit at dalit ng pangangailangan ng salapi. Isa itong karaniwan na katangian ng mga taong naninirahan sa lipunang baluktot at nabubuhay sa sistemang masahol pa sa masaker. Isa itong tipikal, karaniwan, palasak, nakasanayan at bahagi na ng isipang baluktot at sistemang ang tanging makakagawa lamang ay lahi ng mga tao. Pero hindi ang susunod na matutunghayan ni Nario matapos niyang makipagbuno sa uri ng pamumuhay, kung saan, mabibigat na kamay ng kumupkop na tiyahin ang lalatay sa kanyang katawan at matinding pangungutya mula sa mga kaklase ang lalatay naman sa kanyang pagal na damdamin. Hindi tipikal, karaniwan, palasak, nakasanayan, at nungkang bahagi ng isipang baluktot o sistemang naitatag ng lahi ng mga tao ang sumunod niyang naranasan. Hinding hindi ito kailanman mapapatunayan sa anumang pahayagan o programa sa telebisyon.

         Isang kakaibang insidente, sa mga mata ni Nario, sa isip niya, sa apat na panig ng isang silid na kawangis ng silid kung saan naligo sa dugo ang kanyang pamilya, kung saan naroon din ang salarin na si Rico Ventura, nakatayo, tangan ang mahabang itak, sa silid na iyon na nagpaalala ng kanyang nakaraan na kinulayan ng pula at may nakabibinging sigawan, doon, doon lang mapapatunayan ang isang nakahihindik na katotohanan. Tandang tanda pa ni Nario ang lahat ng detalye. Maingat siyang pumanhik sa hagdan habang alistong hawak ang baril, nagngingitngit ang ngipin at poot na matagal nang nakatanim sa dibdib, handang kalabitin ang gatilyo habang nakatutok ang nguso ng baril kay Rico na inaasahan sana niyang mahimbing na natutulog sa silid kung saan lihim na pinasok ni Nario nang matunton niya kung saan naglulungga ang taong ito na pinakakinamumuhian niya--ang salarin sa pagsira ng kanyang mundo. Ngunit pagpihit ni Nario sa seradura at pagtadyak sa pinto, tumambad sa kanya ang isang nakasisindak na senaryo: si Rico Ventura, ang taong kikitlin sana ni Nario gamit ang baril, ay nakahandusay sa sahig na lusak sa malapot at buo-buong dugo, nangingisay ito. May humihila ng mga hibla ng laman, humahalukay sa gutay na parte ng tiyan. Mabalahibo, mabangis, hayok. Nilalapa ng isang itim na nilalang si Rico. Kinakain si Rico ng isang Aswang.
----------------------------------------------------------------------------
        "Ito na ‘yon? Eh, pang-horror flick ‘to, eh, " hirit sa akin ni Lopez, nakakunot ang noo.
        "Bakit? Hindi na naman okey?" tugon ko. Alam kong yayariin na naman ako nitong kupal kong editor. Tagumpay ang plano.
        "Walang dating. Cliché. Ang daming repetition. Ang gulo at vague ang details. And I told you not to use Parataxis anymore, right? Write an article, not stuff like this."
       Hindi na ako umimik, nagkamot na lang ng ulo. Lumihis ako ng tingin sa wall clock katapat ng batok niyang sagana sa coco crunch. Alas dos na ng hapon. Magkasabay na nagmumura ang tiyan at isip ko. Kailangan ko nang mag-lunch! Nasaan ka bathala ng kaldereta? Shit. Tested na maging delusyunal kapag gutom.

         Ibinalik ni kumag sa ‘kin ang laptop ko kung saan binasa niya ang draft tungkol sa write-up sa kaso ni Nario Simatra--na hindi ko naman talaga obligasyon. As usual, nasabon. Kung printed kong ibinigay sa kanya, baka lamukusin pa iyon at rumekta sa basurahan.
       Mainit ang dugo nitong si Lopez sa akin buhat nang maging kami ng ex niyang si Mayelle. Ayos di ba, personalan. Isang nakapagtatakang ugali iyon ni Lopez na kilala ng iba naming ka-opisina bilang hardcore na propesyunal, at malaking misteryo para sa akin kung bakit na-promote ang oh-so-sophisticated na hulk hogan na ‘to dito sa ahensiya namin; itong diyaryo na pinagtatrabahuhan ko ang isa sa mga pagkakamali ko sa buhay. Sa akinse, pagtanggap ng suweldo, magre-resign ako. Tang ina, bahala kayo sa buhay n'yo. Sapat na ang dalawang taon na pagsisilbi at pagko-contribute ko ng talento sa pipitsuging diyaryo ninyo. Tunog bulbol pa ang pangalan. Pweh!
        Una sa lahat, hindi dapat ako ang nakatoka dito sa artikulong ito tungkol sa kontrobersyal at lumalaganap ngayong krimen na kagagawan umano ng isang pinaghihinalaang Aswang. Wow, anak-ng-beke! Anong henerasyon na ba ngayon? Abala na ang ibang bansa kung paano magpiprito ng itlog sa planetang Mars. Robot na ang mga clerk sa mga bansang gaya ng Japan. At susmaryosep naman, lay-outing ang raket ko dito, hindi writer! Peste naman kasi ‘yung si Ardivia, ngayon pa naisipang um-absent. At kung a-absent sana siya, tinake-home na sana niya itong scoop, i-send na lang sa email para di na ‘ko umako sa shit at papetiks-petiks na lang dito. Malas lang na inirekomenda ako ni Mayelle para maging proxy ni Ardivia. Pagmamahal ba ang tawag do'n? Hindi! Siguro nabanggit ni labidabs kay Lopezhit na ako rin ‘yung umiskor ng article dati tungkol sa allegedly pyrokinetic three-year old na bata sa probinsya ng Antique noong 2011. Hindi masyado credible ‘yung scoop na ‘yon, pero nakapagtataka lang na kailangang makialam ng gobyerno noong kainitan niyon. Lately, napag-alaman ko na lang na nasa pangangalaga na ng isang kapisanan ng mga paranormal ang bata. Ayoko sanang isiping may pagka-primitibo pa rin ang pag-iisip ng ilan dito sa Pinas. Hitik na hitik ang usaping globalisasiyon sa mga prominenteng bansa at parang kusa tayong nagpapaiwan. Mukhang matatagalan pa na maging robot ang mga piyon dito sa atin. Mas naunang kinalawang ang utak bago palitan ng mekanismo at bakal.
       Mabuti na lang nakatiwangwang sa drawer ni Ardivia ang mga nakalap niyang datos tungkol sa kaso ni Nario Simatra, kundi, mangangamote ako. Isasalpak ko na lang dito sa tinitipa ko sa word processor ang mga detalyeng nakasaad sa mga print-out ni Ardivia; kaunting maniobra, lagyan ng lasa, kopya-kopya, patse-patse, boom!--at bitter pa rin ang dila ng editor. Rejected mula sa hatol ng bungot na si Lopez. Kasama rin sa mga papeles ni Ardivia ang ilang litrato at isang CD na naglalaman ng video coverage ng SOCO sa recent assault/massacre sa magbabarkadang tineydyer sa Parañaque kamakailan lang. Sa pagkakaalam ko, pang-limang beses na iyon ngayong buwan ng Marso; noong nakaraang buwan, tatlo. Halos di ko masikmura ang natunghayan ko sa video, sobrang brutal ang pagkakapatay sa mga biktima: wakwak ang katawan, bulatlat ang mga laman-loob at halos pare-parehong nakahiwalay ang mga ulo sa leeg. Di magagawa ng hayop ‘to, naisip ko. Kung hindi tao, malamang si Lopez ‘yun. Pero tang ina, ang matindi, binenta pa yata sa palengke ang ibang parte ng karne ng mga biktima. Ano na ba'ng nangyayari sa bansang ‘to? Akala ko metapora lang para sa pulitiko, nangangaliwang katipan, o mga panuyang instances, ang salitang Aswang. Ngayon, literal nang may naghahasik. Di man siguradong totoo, nakakakilabot pa rin.
        Mabalahibo, nakakatakot, mabangis...kinakain si Rico ng isang Aswang.
        Ayokong makita sa personal ang deskripsiyon kong ito. Sana hanggang imahinasyon ko lang makadaupang-palad si Nario.
        #
        Ayon sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alamang nasiraan ng bait si Nario Simatra matapos masaksihan ang insidenteng iyon. Sa pagkakasalaysay ng naganap sa journal ng Probe, kumaripas ng takbo si Nario palabas ng tahanan ni Rico Ventura, gimbal, ang unang nagrehistro sa kanya ay matinding hilakbot, pumulandit din ang tanong kung paano dagling makakatakas mula sa nanlilisik na mata ng kung anong nilalang na iyon. Ang sumunod na nangyari, natagpuan ni Nario ang sarili sa Mental Hospital ng Mandaluyong.
        #
        Female Interviewer: Nakasisiguro po ba kayo na si Nario Simatra nga ang pasyente ninyo noong araw na iyon?
        Dr. Rebecca Pasilan: Hindi ako maaaring magkamali. Sa limang taon na pagdedentista ko, siya lang ang pasyente na nagpagawa sa akin ng ganoon kaya't tandang tanda ko ang araw na 'yon. And of course, I was having a second thought about his request. Here, dala ko rin ang recorded video from CCTV sa clinic ko, makikita rito na ang lalakeng tinutugis ngayon ng pulisya at ang pasyente ko ay iisa. Nakasulat din sa logbook ko ang pangalan niya.
        Female Interviewer: Naitanong po ba ninyo ang dahilan kung bakit niya ninais na ipagawa iyon?
        Dr. Rebecca Pasilan: Yes. He didn't answer it clearly, though. And I guess, hindi rin totoo ang sinabi niyang dahilan sa akin.
        #
        Nanood kami sa sinehan kanina ni Mayelle. Sakto, showing ang Aswang na isa sa mga pambato ngayong disyembre sa MMFF (Manila Mother Fucking Feces). Sayang ang pera ko. Walang kwentang palabas. Poor computer graphics. Poor storyline. Poor actors and actresses. Poor director. Poor movie. Pero high budget. Tae kung ikukumpara sa mga pelikula noong nineties na may temang katatakutan partikular na sa Aswang. Wala itong binatbat sa mga bersyon ng Shake, Rattle and Roll noon. Hindi ko alam kung ano ang nangyare sa cinema at film industry dito sa Pinas. Nakakalungkot, nakakadismaya, nakakainis. Hindi binibigyan ng pagkakataon ang mga genius pero nakatungangang direktor at manunulat. Puro basura na ang mga pelikula ngayon. Puro cheesy romance, slapstick comedy, pipitsuging fantaserye, nakakasukang mga linya at istorya.
        "Ano'ng problema mo?" tanong sa akin ni Mayelle habang naglalakad kami sa mataong second floor nitong mall. Nahalata niyang badtrip ako.
        "Wala," matipid kong sagot. Tumingin ako sa relos ko, alas singko pa lang ng hapon. Bigla akong nairita sa paligid ko, sa mga sabay-sabay na boses na naririnig mula sa mga peeps na may kani-kaniyang trip dito sa pangkonyong mall. Bigla akong nairita sa kulay ng blouse, nakalitaw na strap ng bra, at namimintog na cleavage ni Mayelle.
        "Ayusin mo nga ‘yang suso mo," bigla kong muwestra sa kanya.
        Napangiwi siya at nagtaas ng kaliwang kilay. Padabog na nag-ayos.
        Nairita rin ako sa mukha niya na kagyatang pumangit sa paningin ko. Lumaki at gumalas ang ilong niya pagkalabas namin ng sinehan. Gusto kong sabihin sa kanya na 'Ayusin mo nga ‘yang mukha mo', pero ayokong masira nang tuluyan ang araw namin kung hahantong lang sa bangayan.
        Naiirita ako sa amoy porcorn cheese flavor na mga daliri ko. Putsa, daig ko pa naglilihi, ah. Humingi ako ng sanitizer kay Mayelle mula sa handbag niyang bigay ni Lopez noon. Nang masulyapan ko ang disenyo sa hawakan nito na may pagka-gothic, may naalala akong sinabi sa akin kahapon ng tropa kong si Luis. Tama, pupuntahan namin ngayon ‘yung lugar na sinabi niya.
       #
        Female interviewer: Ugat? Ano pong ibig ninyo sabihin?
        Nelson Palma: Malaki ang galit ni Nario kay Rico, pati sa mga tiyahin niya at lahat ng lumapastangan sa buhay niya. Hanggang sa lumalala na nga ang galit na ‘yon na mistulang misantropikong pananaw na ang humubog sa kanyang pagkatao. Suwerte pa nga ako at kinakausap niya ako noon. Huling pagkikita namin ay noong bumili siya ng bagong paltik. Disidido na siyang todasin si Rico sa bahay nito sa Novaliches.
        Female Interviewer: Alam n'yo ho ba kung sino ang nagturo sa kinaroroonan ni Rico?
        Nelson Palma: ‘Yung kasamahan namin ang nakaalam. Hindi sila magkakilala ni Nario, ako lang ang nag-set-up sa kanila. Ni hindi nga ako sinabihan ni Nario na lalakad siyang mag-isa.
Female Interviewer: So, matagal na ho talaga kayong magkakilala ni Nario?
        Nelson Palma: Sa bilibid ko siya nakilala. Nakulong ako sa pagtutulak ng droga, siya naman, sa pagpatay ng yuta-yutang mga pusa. Di ko nga akalaing may nakukulong sa ganoon. Madilim ang mga prinsipyo ni Nario, bunga marahil ng mga mapait na karanasan: pang-aapi, pambubugbog at madalasang pandaraya sa kanya ng mga nasa paligid niya. Nabanggit niya rin sa akin ang plano niyang pumatay ng mga tao. Tinawanan ko lang iyon dahil halos pabiro niya lamang iyon nasambit.
        Female Interviewer: Kung ganoon, naniniwala po kayo na si Nario nga ang nasa likod ng mga lumalaganap na masaker ngayon? At ano pong masasabi ninyo sa paratang ng ilan na isa siyang Aswang?
        Nelson Palma: Hindi ko alam...
       #
        "Anong lugar 'to? Kakaiba ang ambiance," pang-isandaang tanong ni Mayelle ngayong araw na 'to. Nagtitimpi lang talaga ako sa kakulitan niya.
        Umakma ako ng pagkotong at sumagot " ‘Di ka ba marunong magbasa ng karatula? Tindahan ng mga pelikula ‘to, oh ayan tagalog na, ah."
        "Tsk, sa labas na lang ako, ang init dito. Tingnan ko lang ‘yung bilihan ng accessories sa kabila."
        "Bahala ka."
        Nagpatuloy ako sa paghahanap sa mga hanay ng DVD, sa indie section. Sabi ng payatot na clerk, dito ko raw mahahanap ‘yung tungkol sa mga Aswang. Labo-labo na raw kasi ‘yung mga classic at mga indie films. Medyo kakaiba ‘yung amoy dito sa loob. Hindi naman sa mabaho, parang kulob lang. Hindi pa nakatulong ang mahinang buga ng aircon. Siguro nagpadagdag sa kakaibang amoy dito, eh, itong mga kapwa kong kostumer dito. Di ko mawari kung mga punkista, rakista, artsy-fartsy, hipster, beats o mga stoner na mukhang parokyano nga nitong vintage store na ‘to dito sa tagong parte ng Cubao. Bukod sa mga pa-wirdo, eksperimental, avant-garde at mahihirap hanapin na mga pelikula, dagsa rin ang mga libro, komiks, t-shirts, sapatos at kung anu-anong abubot na trip ng mga taong di trip ang mainstream na lipunan. Ang gloomy ng disenyo ng interyor dito, an'daming nakaplastang kakatwang poster at mga morbid paintings sa pader. Kung claustrophobic siguro ako, hindi ako tatagal dito.
        Mayamaya pa'y nakaiskor na ako ng mga pakay ko: Aswang, isang Hollywood film noong 1994; Aswang sa Quezon City, isang B-movie nung 2006; The Aswang Phenomenon, foreign documentary nung 2009. Ayos na ‘to.
       #
        Obsesyon. Ito ang pumasok sa utak ko nang malaman ko sa journal ng Probe tungkol sa obsesyon na nagtulak kay Nario Simatra upang piliin na ipa-modipika ang kanyang hitsura. Mula noong tumambad sa kanya ang eksena sa bahay ni Rico--ang diumano'y Aswang na nakaharap niya, tumindi ang nakatanim na obsesyon ni Nario na kamuhian ang sangkatauhan. Isang pagkahumaling na pinagtibay ng labis na kabiguan at isang natatanging paghanga--paghanga sa Aswang na kumitil kay Rico Ventrura. Sumibat sa utak niya na tularan ang nilalang na iyon.
        Pagkalaya sa mental hospital, nag-umpisang kumitil ng buhay si Nario sa pamamagitan ng pagkatay ng mga pusa. Nakulong siya noon alinsunod sa bagong batas na ipinatipad ng republika ukol sa kalupitan sa mga hayop. Nang makalayang muli, doon na lumala ang obsesyon niya na maging Aswang. Walang nakakaalam kung totoo ang mga pahayag niya sa journal noong hindi pa siya isang serial killer; wala ring paglilinaw ang estasyon ng telebisyon na pinagmulan nito. Walang nakasisiguro kung totoo ang nakita niya. Ang tanging katiyakan lang ay ang matinding pagkahayok niya na tularan iyon. Ayon pa sa kanya, isa ‘yong pasasalamat na siya lamang ang makakagawa. Isang uri ng panatisismo sa alagad ng kadiliman. Pagkahayok sa karimlan na ipinunla sa kanya ng mga masasamang tao. At ang mga ito ang nag-udyok sa kanya para isagawa ang naturang benggansa.
       Isa sa mga nakapanayam sa video na nakalap ng kaopisina kong si Ardivia ay ang dentista na tumulong sa modipikasyon na na nangyari sa kaanyuan ni Nario Simatra. Ayon sa ginang, nagpalagay ng malalaki at matatalas na pangil ang bente-otso anyos na binata. Bagay na hindi matatawag na normal, at marahil ay bunga nga iyon ng paghanga sa nilalang na iniidolo. Pagkatapos niyon, nakapanayam rin ang tattoo artist na siya namang nagsagawa ng mabusising pag-skin-transplant ng mga balahibo ng isang oso sa buong katawan ni Nario. Ang osong pinagkuhanan ng mga balahibo ay kinumpirma ng awtoridad na ito ang osong nawawala sa isang Zoo sa Las Piñas. Dagdag pa ng tattoo artist, nagpa-transplant din umano si Nario ng mga matutulis at matatalas na stainless na kuko. At ang huling proseso ay ang pagpapa-tattoo ng purong pula sa magkabilang mata. Maging ang tattoo-artist ay kinilibutan daw sa ginawa niya.
        Naimprenta at nalathala na ang artikulo ko tungkol dito, pero may iniwan itong makamandag na kuryosidad sa akin. Kaya ngayon, nagsimula na rin akong maging interesado sa mga Aswang. Naninibago ako sa sarili ko. Naging iritable, mainitin ang ulo, at nabuburyong na malaman ang bagay na hindi ko naman maipaliwanag. Kung isasaad gamit ang salita, siguro ay isa itong kuryosidad ukol sa nangyari kay Nario; kumbakit niya nagawa ang ganoong klaseng kabaliwan--o kung matatawag ba yaong ganoon, o baka naman kailangan ko lang siyang intindihin. Baka naman nakikita ko ang sarili ko sa kanya base sa mga karanasan na binuno ko noon. Baka naman pare-parehong biktima ang mga napatay niya, ako, at siya. Biktima ng isang primitibong lipunan? Mabangis na sistema? Masahol pa sa isang Aswang? Na sumisipsip hindi lang ng dugo, kundi ng kabutihang dapat maikintal sa bawat indibidwal. Baka naman tayong mga tao ang totoong Aswang ng mga hayop dahil kinakain natin sila. Baka nga hindi naman talaga metapora ang paggamit nito para sa mga pulitikong trapo. Baka naman may kani-kaniya tayong Aswang sa buhay, tulad ko sa kaso ni Lopezhit, at tulad ng nobya ko na inaaswang ng mga lalaking napapatingin sa suso niya at sa loob-loob ay gumagapang at lumilingkis na ang mga dila nila. Ano ang katotohanan sa likod ng insidenteng gumulantang sa hapis na buhay ni Nario? "Hindi ko alam", 'ika nga ng sagot ng katukayo niyang si Nelson Palma sa interview. Sadya nga yatang may mga misteryong nakatadhana na hindi malutas.
        #
        Tatlong araw matapos malathala ang isyu ng diyaryo namin na naglalaman ng artikulo ko, natagpuang patay si Ardivia sa kanyang apartment. Ito pala ang dahilan kaya hindi siya pumapasok sa opisina. Si Nario ang salarin. Ang mga dokumentong nakalap ang dahilan.
        Dalawang araw matapos iyon, nakatanggap ako ng banta mula kay Nario.
        Isang araw pa ang lumipas, kasabay ng depresyon at pagtatago ko, nasunog ang ahensiya at imprentahan. Wala nang dapat itanong.
        Walang makahuli kay Nario, inaswang ng pera ang konsensiya ng pulisya. Walang makapipigil kay Nario, inaswang ng takot ang mga nagtangkang sumubok. Walang makakahinto sa napipintong pagpaslang sa akin ni Nario. Wala. Wala naman talagang Aswang na halaw sa mga mito, alamat at iba pang huntahang kababalaghan. Ang tiyak ko lang, ang Aswang ay kathang-isip lamang, yari mula sa ideya ng mga tao, konsepto, tulad ng artikulo na sinulat ko at paraan ng pagsasateksto, tulad ng pagbabagong anyo ni Nario sa pamamagitan ng mga makabagong aparato, tulad ng paglihis ng landas niya at piliing maging kanibal, tulad ng mga litanya ng mga relihiyon at kulto para makapanghikayat ng mga utak na maniwala sa wala, na kailangan nila ito dahil walang magliligtas sa kanila sa kapahamakan at walang makakapitan sa oras ng hikahos--bukod sa piksyunal na konseptong iinog sa iskemang banal-propeta-muling-pagkabuhay-himala-pag-asa na hindi binubunyag ang pagkapiksyunal at totoong pakay, na siyang magsisilbing lason, katakam-takam at matimyas para sa mga walang sapat na talino na makabatid ng katotohanan, katotohanan tungkol sa pagsalba sa sarili gamit ang pag-iisip kung lalawakan ang perspektibo sa buhay at hindi gagawing personal ang mapapait/masasaklap/mapanupil na pangyayari. Sa kabila ng magaspang na katotohanang ito, masasalat ng mapanuri na walang puwang ang lohika sa mga walang panahon sa kritikal na pag-iisip; isa sa mga dahilan ay wala naman daw silang mapapala sa karunungan kung walang pera na ibubunga. Wala. Walang pagbabago sa ganitong kalakaran ng daigdig bunsod ng patuloy na pag-uulit ng mga bagay na nakasanayan. Parang 'yung paulit-ulit na pagbanggit ko dito ng salitang "wala". Istilong nakasanayan ko. Parataxis, kung pupunahin naman ni Lopez batay sa pamantayan niya ng tama at mali.
        Malalim ang ugat, pero simpleng paghukay ang nagpausbong ng isang malaking puno na ang bunga ay matinding panganib. Simple ang desisyon ng katrabaho kong si Ardivia at ng diyaryo na tuklasin ang lumalaganap na misteryo. Ang kinahinatnan, pagwawakas ng buhay namin. Malalim ang ugat, pero simple ang disposisyon at ginamit na termino: Aswang.
       Napagtanto ko lang pagkatapos ng lahat, ang Aswang ay hindi tuwirang nagsasakatawang aso, paniki o ahas... Ito ay namumuong poot na isinisilang ng mga ayaw pakialaman ang buhay nila. Handa silang sumalakay, gumanti, dahil mas unang nilapa ng mga normal na tao ang kalayaan nila; normal na uri ng mga tao ayon sa panaguri ng nangingibabaw o ng karaniwan, na kung saan, nagpapaugoy sa maling-akala at itinuturing na kumbensyunal ang pagkumporme sa mga bagay na tunay na mali bilang tama. Nakasanayan na kasi ng halos lahat... At kapag hindi ka nakigaya o sumunod, tatratuhin kang subersibo sa kanilang bulaang/bulag na paniniwala, kakaiba ka kaya't lilibakin/pandidirian, tatawaging abnormal/esentriko/salot at nararapat kang maging nilalang ng kadiliman...dilim na nilikha naman talaga nila kung tutuusin.
----------------------------------------------------------------------------
        "Ito na ‘yon? Eh, hindi naman pang-horror ‘to, eh. I-revise mo pa." Ibinalik sa akin ang laptop matapos magbasa.
        "Bakit ho? Hindi na naman okey?" tugon ko. Alam kong yayariin na naman ako nitong kupal kong editor--hindi siya si Lopez. Isa siyang dyamburat (jumbong burat). Nasabon na naman ako. Kailangan kasi ng follow-up para sa naunang article ko two months ago. "Sir, di ba sabi ng source, ilayo daw natin sa approach ng nauna kong write-up?" giit ko.
        "Oh. Yah. Crap, I almost forgot."
        Ulol, nakalimutan mo lang talaga.
        "At saka I was thinking about the backdrop kasi," habol ni kups, "kung bakit nag-boom 'yung nauna...sort of horror-suspense, right? Iyon ang patok at the time. Yes, we are digging up an article in the midst of the controversy, news and stuff. Though, we need to comply with the trend. You know, market strat., business matters."
        Fuck you! Ako ang in the midst of life and death dito. Ikaw, in the midst of greediness! Tangna, sapul ka siguro sa huling linya ko na nabasa mo kaya panay ka kiyaw-kiyaw.
        "Another thing...," dugtong pa ni editorugo, "I think, this is more of a confessional or a personal journal rather than an article. How come?"
Bugnot na 'ko, di ko lang puwede ipahalata. "Sir, aware naman kayong involved ako dito, di ba? And that's the gist of this case in the first place."
        Hihirit sana siya, kaso mukhang natauhan at nakaalala na naman kaya tumikom at nagkamot na lang ng baba na bagong ahit, tumango-tango bahagya, tapos hinimas ang bunsol na tiyan.
        "Sige, ipa-finalize ko lang muna," pasya niya. "Mag-print ka ng copies tapos ipahatid mo na lang kay Jeng. 'Wag na email, hassle, eh."
        Natapos din, nakalimutan ko nga lang magpasalamat, gaya ng pilit na pasasalamat ng iba para lang hindi magmukhang bastos sa mata ng mga tunay na bastos. Tsk, bwisit.
       Nirepaso ko ulit ang draft ko. Ito na, ang bagong pinagkasunduan namin ni Nario nu'ng nakaraan, kapalit ng buhay ko. Makalipas ang ilang buwan, nakahanap ako ng buwakaw na papatol sa kontrobersiyang sinumulan ni Ardivia sampu ng ahensiya namin (na tustado na). Ngayon, nasa bagong diyaryo na ako. Bagong buhay. Bagong editor. Lumang kaso. Lumang pasakit. Lalong uminit sa publiko ang isyu ng pananabutahe ni Nario bunsod ng kagagawan ko. Kaya nabahala siguro si Nario. Hindi niya alam kung paano magiging troso ang puno na yumayabong nang husto ang bunga. Ako ang solusiyon niya. Kailangan ko raw isiwalat ang katotohanang nakapaloob sa kanyang buhay, ayon sa bilin niya. At ito na nga 'yon. Nasa laptop ko ang lunas. Kumbaga sa haka-hakang tradisyon ng mga Aswang, ito ang birtud na pinamana sa akin ni Ardivia.

         Kung papasa ang 'sinulat ko nang walang babaguhin at magtutugma ang output sa fixed visualization ko, ligtas na marahil ako kay Nario. Nagawa ko na ang obligasyon ko. Natupad pa ang pinakauna kong plano simula't sapul na gawin itong isang imbestigasyon--isang paraan ng paglutas at paglinang. Napakinabangan nga lang ako ng gahamang ahensiya na 'to para kumita at para lang makamot ang kati ng publiko. Di ko akalaing hahantong ang pagiging lay-out artist ko sa ganitong linya. Pero di ko pagkakailang mas nauna akong namulat dito bago pa sumuong sa pagdidibuho. 
        Sa website ng unang ahensiya ko kung saan nakapaskil pa rin ang unang article hanggang ngayon, hitik din doon ang diskusyon. Binasa ko halos lahat ng ang sandamakmak na opinyon at komento. Salitan ang mga negatibo't positibong kritisismo, suhestiyon at pananaw. May isa pang astang intelektuwal na nagsabing isa raw akong malaking hangal para gawan ng fabulation ang isang wanted na serial killer; isang malaking pagkakamali. Tama naman siya. Na-realize ko na 'yon--at 'yun ang pinakamahalaga. At least, kaya kong tanggapin na nagkamali ako, kesa pilitin na tama ang kasinungalingan lalo na kung ako rin ang may pakana. Mali nga lang siya sa paratang na 'hangal' ako. Mas akmang sabihin na "naipit" o "nadamay" lang ako bugso ng pagkakataon. Damay ako sa kasikatan ni Nario...teka, o ako ang nagpasikat sa kanya? Masyado ring masinop maghanap ng source si Ardivia, nasobrahan. Kunsabagay, ganoon talaga ang katotohanan, gagawa't gagawa ng ingay hangga't hindi ito naririnig ng lubusan. May uukit ng butas sa pader ng panlilinlang, para makasilip at makatanglaw ng kahit kaunting liwanag.
        Susubukan kong silipin sa butas na 'yon kung paano ko mapipigilan si Nario sa paghahasik niya. Susubukan kong baguhin ang kalakaran ng pamamahayag ngayon, na hindi iiral ang ganid sa pera at kasakiman. Tama na ang panloloko. Tama na ang pang-aaswang.

         

       # # # #

 

 

 

 

 

Kwek

 

Ilalathala sa isang zine ngayong taon.


kwekwento's picture

Ngak

86 reads. Walang nag-iwan ng komento! Panalo. Nasaan na kaya ang mga avid readers dito sa FW? Sa Facebook na lang nakatambay? Booooo!!! Galaw-galaw FW, tulad ng dati! Critics! Tapikan ng balikat! Flamewars! Mga papuri, biruan, diskusyon at kung anu-ano pang diskurso! yeah!

Paano uunlad ang panitikan natin niyan?

 

 

 

Sana'y nagtagpo ang mga utak natin... doon, sa may tulay na tawag ay pang-unawa.