Ang Langgam sa Banyo ng U.P. Diliman (isang walang kwentang tula ni Rom)

Rom's picture
| |

Lakad-takbo akong nagmamadali

kinikilabutang pumasok sa isang gusali

hangos sa hagdan

kumaliwa sa palikuran

pawisan at nanginginig

na ibinaba

ang zipper.

 pikit, buntong-hininga sabay tingala

unti-unting umagos ang ginhawa.

 

Mula sa sahig na aking kinatatayuan

napatingin ako sa aking paanan

bulbol na kulot

lumalakad ng painot-inot

tangan-tangan sa bibig

ng isang malaki

at maitim na langgam.

 

Isinara ang zipper at butones

inayos ang laylayan ng damit

pero hindi pa rin mawaglit

ang tingin

sa tanawing

nakaliligalig.

 

Minsan ako’y sadyang pakialamero

buhay ng iba’y libangang usisain

kahit na ang walang kakwenta-kwentang

gawain

tulad na lang nitong langgam

na ewan ko ba at imbis na pagkain

ay lagas na bulbol ang tangay-tangay

sa kanyang mga ngipin.

 

Naisip ko habang naghuhugas na ng

aking mga kamay

mayroon nga kayang ibig sabihin

ang ganitong pangitain?

ano kaya ang sasabihin ng lola kong

mapamahiin?

 

Marahil nga na ang tao

sa kanyang pamumuhay sa

makabagong mundo

sangkatutak ang hawak at tangay-tangay

na kung anu-ano

gaya ng lagas na bulbol sa ngipin ng

langgam

parang modernong gadget

sa kamay ng mangmang

pinag-ipunan at binili kahit pa hulugan

ni hindi naman alam kung ano ang silbi

at para saan.

 

 

Rom