Ang Future ng mga Bagong Manunulat sa Pilipinas (Part 3 of 3)

by kwekwento ( | | )

 

Pakibasa muna ang Part 2 of 3 bago magpatuloy.  

 

 

Ang Kalakal sa Dibersibong Kagutuman ng Tiyan, Isip at Pangarap

Hindi lang naman ang kikitain o pera ang kahulugan ng future ng isang manunulat. Gaya ko nga, na may personal na interpretasyon ng 'future' subalit nais ko pa rin isaalang-alang ang babasa at uunawa sa sining ko. Nagtatangka ako ng hipotetikal na remedyo bilang mekanismo ng motibasyon at pang-iimpluwensiya.

Sa usaping pangkalakal at negosyo, ang ibang publishing house dito sa bansa katulad na lamang ng Visprint at Psicom, ay malaki ang kinikita at maramihan ang kanilang inilalathala; sikat din ang mga author nila. Di hamak na nakatutuwang progreso ito kung tutuusin. Pumapaimbulog ang iba pang kahulugan ng 'future'--mapa-alinmang aspekto ng industriya, bagaman limitado ang kakayahan ng mga akda para sa mga sopistikado't kritikal na mambabasa at masugid na tumatangilik sa Panitikan. Bunga pa rin ito ng kakulangan sa paglinang ng mambabasa upang humakbang sa labas ng kahon ng simplisidad, komersyalismo at mga 'safe zone' kumbaga. Ang kadalasang umuokyupa sa 'zone' na iyon ay mga tamad mag-isip, o di kaya'y takot malaman ang mga tendensiyang hindi nila maaaring mayakap. Subalit sa mapait na panig ng katotohanan, maraming tao ang yumayakap sa kapangyarihan ng salapi imbes na karunungan o kaluwalhatian. Kung tutuusin, iyon ay ironikal at kabalintunaang pamamayani ng kabuktutan sapagkat naging 'normal' na persepsiyon na ito ng dominanteng lipunan--kung saan ang sistemang sinusunod ay nakabatay sa kapitalismo, korporatismo, konsumerismo, komersyalismo, kolonyalismo, cosmopolitan, showbiz, politikal, relihiyon at iba pang puwedeng kumatawan sa despotikong pamamahala na maaaring pagrambulin at maging juxtaposisyon ng pagpili sa paiiraling kahulugan ng 'future'. Ito ang kahulugang tinalikdan ng mga dakilang manunulat mula pa noon hanggang ngayon.     

Sa isang mahalagang banda, siguro nga'y hindi maituturing na mabisang hanap-buhay o pagkakakitaan ang pagsusulat, sapagkat kung iyon lang din ang iniisip ng isang manunulat--ang PERA--aba'y hindi talaga siya lumilikha ng sining. Hindi siya kabilang sa mga sumasalungat sa kabuktutan. Hindi siya nagrerebelde sa imperyalistang kalakaran. Hindi future sa pagsusulat ng akda ang tinatanaw niya kundi future ng pagkonsumo sa loob ng sistemang manganganak pa ng mga katulad niya na laging binabagabag ng pangagailangan sa salapi. 

#

Marami pang nagdaragsaang libro at mga anyong sulatin mula sa iba't ibang palimbagan. Ang mga nabigong publikasyon noon na makapaglimbag sa malawak na merkado ay parte na pa rin ng makulay na kasaysayan ng ating Panitikan. Nabigo sila sapagkat nabigo rin ang lipunang unawain ang diwa ng sining, ideyalismo, nasyunalismo at iba pang usapin na naghahayag ng suliraning patuloy na dumudumog sa bayan.

Nawa'y mamulat sana ang kontamidong lipunan sa mga manunulat na nagtatagumpay ngayon at sa mga akda ng kasalukuyang panahon upang hindi na maulit ang pagkabigo ng marami noon. Hayaan sanang maging bukal ang isip para dito, para kung sakali, puwede ring balikan ang mga hindi nagtagumpay dati at mabigyan muli ng pagkakataon kilalanin ang kanilang larangan. Huwag rin sana nating pigilang mangarap at hablutan ng pag-asa ang mga baguhang manunulat. Dahil baka balang-araw, kahit ang mga nangangarap o gustong sumubok sa pagsusulat ay mawala na rin. Hanggang sa maging alaala na lang ang salitang Panitikan sa ating bansa, at ito ang maging sagisag ng future natin. Ang pangit n'un, tsong.

Papayag ka na lang bang malugmok ang mga kababayan mo sa mga titik, salita at liriko ng kanta ni Lady Justin Bibeng Gandang Gaga na ang tanging problema sa buhay ay ang palpak na pagpaparetoke ng pwet? 

 

####

kwek

by kwekwento on January 26, 2013 - 5:48am

 

Ang mga sanaysay na iyong nabasa ay mga tinipong komento ko noon sa post ng isang member dalawang taon na halos ang nakalipas, at muli kong ibinalik para dagdagan at ihain sa mga bagong mambabasa. Hanggat maaari ay isinulat ko ito sa payak na istilo at rebisyon para na rin mapadali ang komprehensiyon bilang pagpupugay sa tinalakay na layunin. Sa mga interesado sa pinagmulan nito, pati sa mainit na balitaktakan, mga pananaw, kuro-kuro at suhestiyon ng iba pang mga member ukol sa paksa, narito ang orihinal na post: http://www.filipinowriter.com/may-future-ba-ang-mga-aspiring-filipino-wr...

 

 

by Rom on January 23, 2013 - 3:13am

digs ko ang mga sinulat mo bro.

hindi lang ako nagsusulat at nangangarap na balang araw ay magka libro. isinakatuparan ko ito sa pamamagitan ng isang daring at adventurous move---sumubok akong pumasok sa publishing at naging publisher ako.  publisher hindi ng sarili kong libro, kundi libro ng isangpilipinong author na sikat, nanalo ng mga pangunahing award sa Palanca ngunit walang pumapansing local publisher. sugal ito lalo na sa tulad kong limitado lang naman ang puhunan pero bakit ko ginawa at ipinakipag sapalaran? kasi naniniwala ako sa pangako ng pilipinong manunulat, sa literaturang pilipino at sa pag-asang balang araw dadami ang magbabasa ng mga akdang premyado at uunlad ang panitikang pilipino. gago kasi ako.

matapos malugi, nagbabayad pa ako ng utang, nagtitiis pa sa kinasapitang kalagayang pampinansyal eto at ako mismo ay nahihirapang magsulat para sa aking sarili. isang napakahirap na kalagayan ang magsulat ng mga akdang gusto mo balang araw na isalibro bilang sarili pero di matuloy-tuloy kasi kailangan mong dagdagan ang oras ng paghahanap buhay para sa pamilya at sa sarili. isang mapait na katotohanan ng mga bagong manunulat at publisher dito sa pilipinas.

 

KarikaTuura

by kwekwento on January 26, 2013 - 2:47am

Sadyang napaka-adventurous palagi ng kalagayan natin. Sa lahat ng larangan ng sining, halos ang mga manunulat at publisher ang palaging may ganitong kalbaryo. Tipong lagi nating kailangan magsakripisyo para lang mailabas ang laman ng utak at pagsilbihan ang madla--turuan silang mag-isip, bumuo ng imahe at kahulugan, bumuo ng pangarap, pukawin ang sensibilidad nilang pinapamanhid ng sistema.

Ako man, pinili kong mag-fulltime sa pagsusulat, initsa-puwera ko muna ang suwelduhang pagtatrabaho at pumasok sa isang sideline na ayokong sabihin dito (katiting pa ang kita), para lang mas mabigyan ko ng panahon ang kalam ng ambisyon kaysa kalam ng tiyan. Kaya saludo ako sa mga katulad mo ser na handang makipagtuos sa mapait na katotohanan. 

Pursigido talaga akong magbunga ang ginagawa ko (malapit nang sumiklab ang nobelang sinisilaban ng letra araw-araw). Ginagawa ko ito hindi lang para sa akin o sa mga mambabasang gustong iligtas dahil tinatakasan na ng imahinasyon at tanging romansa/ ka-emohan/ k-pop/ vamfairy lang ang alam na kuwento, kundi para na rin sa mga kapwa kong may pagmamahal sa industriya at sining; sa mga kapwa nating gago pero kumikilos para sa pagbabago. Sumusuway tayo sa maling pag-inog, sumasalungat sa buktot na batas. Gago lang makakagawa n'on.