ang dahilan kung bakit ko isinulat to...

by butterfly_kisses ( | | | | | )

Isa lang akong simpleng tao na may simpleng pangarap sa buhay.  Isa lang ako sa mga taong akala mo’y hindi nag-eexist dito sa mundo. Simple lang din ang routine ko sa buhay.  Gigising sa umaga, papasok sa trabaho, uuwi sa bahay, matutulog.  Ganun lang lagi kaya masaya ako kapag nagyayaya ang mga kasama ko sa trabaho na gumimik.  O kaya naman minsan niyayaya ko ang mama ko na manood ng sine.  Wag ka ng magtaka kung sya ang kasama ko kase wala naman na kong boyfriend.  Kung bakit e wag mo ng alamin kase baka I-chismis mo pa sa kapitbahay mo.  Saka hindi naman talaga yun ang dahilan kung bakit ko isinulat to.

Hindi naman ako ganun ka-pangit pero hindi rin ako maganda.  Isang tipikal na pilipina ika nga.  Isang ordinaryong mukha.  Marami na rin akong naging boyfriend.  May mga sineryoso ko pero hindi naman sila siryoso sa kin.  May mga sineryoso ako pero hindi ko naman sila sineryoso.  Ang labo talaga ng mundo no? pero wag mo ng pakaisipin yun kase hindi naman talaga yun ang dahilan kung bakit ko isinulat to.

Matalino daw ako sabi nila.  Honor student mula elementary.  Sumasali sa mga quiz bee at syempre may pagkakataon naman na nananalo ako.  Pumasa sa isa sa pinaka-mahirap na board exam sa mundo at naging isang analyst sa edad na 22.  Hindi naman ako ganun kasipag mag-aral. Hoy, hindi ako pa-humble ha? Pero hindi naman talaga yun ang dahilan kung bakit ko isinulat to.

Palakaibigan din ako.  Maraming tropa.  Maraming kangitian.  Pero isa lang talaga ang maituturing kong best friend.  Sobrang mahal na mahal ko yun.  At nararamdaman ko naman na mahal din nya ako.  Pero kahit na sya ang best friend ko, may mga bagay pa rin na hindi ko masabi sa kanya. Hindi dahil sa wala akong tiwala sa kanya kundi dahil sa natatakot ako sa magiging reaksyon nya.  Pero natutuwa na rin ako kase hindi nya ko iniwan nung panahong kailangan ko sya. Masaya sya kapag masaya ako at sya ang nagiging lakas ko kapag hindi ko na kaya yung problema ko.  Pero hindi naman talaga yun ang dahilan kung bakit ko isinulat to.

Matagal din akong nawalan ng boyfriend kaya medyo nasanay na rin ako na mag-isa lang lagi.  Pero kahit na anong sabihin mo, nakaka-miss pa rin yung meron kang kaaway, kaasaran, katuksuhan, kakwentuhan, at syempre kalambingan.  Matagal akong nag-antay. Walang dumarating. Walang nanliligaw.  Mukhang pumapangit na ko sa kaka-analyze ko ng mga accounts.  Kaya ang mga kausap at  katext ko na lang lagi ay ang mga taong walang magawa sa buhay.  Kung ano-ano lang ang pinag-uusapan para lang lumipas ang oras.  Pero hindi ko inaakala na sa kakatext ko e magbabago ang takbo ng buhay ko.  Na ang dating simple kong buhay ay magiging komplikado.  Komplikado, higit pa sa inaakala ko.  Hindi ko na ipapaliwanag kung bakit komplikado kase baka isumbong mo pa ko sa mga pulis.  Saka sikretong malupit yun.  Kaya kung gusto mo pang mabuhay, wag mo ng pangarapin na malaman pa.  

Hindi ko alam kung pano nangyari pero nagulat na lang ako sa sarili ko nung sinasagot ko ng “meron” yung tanong nya na kung may nararamdaman daw ba ko sa kanya.  Matalino daw ako pero pagdating sa ganitong mga bagay e mukhang mapurol ang utak ko.  Pero kahit na ganun, wala akong pakialam.  Masaya ako e. Masaya na malungkot.  Pero ang lahat kinakaya kase nga mahal ko sya.  Saka nararamdaman ko naman na mahal nya ko.  At alam kong ginagawa nya ang lahat para lang sumaya ako.  Minsan nga lang, hindi maiwasan na malungkot kapag dinadalaw ka ng realidad.  Parang anino na laging nakasunod sayo.  Sasamahan pa ng takot.  Parang lagi ka na lang may tinataguan na mga maninigil ng utang. Kase baka makita ka nila at pagbayarin ka sa utang mo.  

Ang buhay nga naman.  E kasa-kasama ko naman na sya dati.  Nagkakausap at nagkaka-kwentuhan.  Pero wala sa hinagap ko na magiging higit pa ang ugnayan namin kesa dun.  Crush ko sya pero hindi ko pinangarap na maging ganito. Wala akong balak na ganito.  Wala talaga.  Iniisip ko na nga lang na may dahilan si Big Boss para sa min kaya siguro ganun.  Kung ano man yun, hindi ko pa alam.  

Pero kahit ano pa ang sabihin mo, isa lang ang alam ko.  Masaya ako.  Kase ngayon alam ko na kung pano sya magmahal. Kase mahal nya ko. Kahit sandali lang. Kahit konting panahon lang.  Kahit laging patago. Kahit mahirap.  Kahit na alam kong kabaliwan ang ginagawa ko.  Kahit na alam kong darating ang araw na matatapos din ang lahat ng ito.  Kahit pa hinihiram ko lang sya.  Kahit na minsan nagmumukha akong tanga.  Pero kahit na ganun…. Mahal ko pa rin sya… higit pa sa pagmamahal na kaya nyang ibigay sa kin… At ito ang dahilan kung bakit ko isinulat to….


by tbdtbd925 on November 1, 2007 - 11:30am

inawit na ni barry manilow ang tema (we got the right...) pero maganda ang treatment. me indayog ang kwento. me humor pero poignant....

by robshe on April 4, 2008 - 11:01am

nice to know this but no specified person on the story,hehehe curious?

by aj_2gether on May 27, 2008 - 5:50am

Laughing tinamaan ako dun sa "BESTFRIEND" issue ha.. good job!

by nikol on August 14, 2008 - 4:33pm

KUng ako ang tatanungin, ayokong maging honor student. Dumadami ang pressue. Isa kasi akong tao na maraming tama. Basta,  may mga seremonyas ako para makagawa ng mga bagay-bagay. Bilang honor student, dapat lagi kang makatwiran. Dapat tama lahat. Di ka nila binibigyan ng pagkakataong hayaang ipakita kung sino ka talaga. Nagiging passive ka at hinahayaan mong magkubli ang sarili mo sa mga papuring maaaring maging pangungutya sa oras na hindi sila sang-ayon sayo. Bilang estudyante, kapag honor student ka, kelangan dun ka lang. Kapag nawala ka dun, iisipin nila na nilayasan ka na ng talino mo kahit na ang gusto mo lang naman ay isang simpleng pamumuhay.. walang pressure at walang magdidikta kung ano ang dapat na gawin.

by dyeppri on June 1, 2008 - 1:12pm

maganda ang tema...ok ang laman at nagets ko...

nakulangan nga lamang ako sa bigat... parang natapos ng walang diin>>

yun po ang sa akin lamang...peace!

mananalaytay ang pulang tinta sa itim na pluma...